Simula

10.8K 276 82
                                    

Ewan ko, basta nakakatawa. Kahit anong pagkayod ang gawin namin sa buhay ay hindi pa rin kami umaangat. Lugmok. Nangangapa. Patuloy na nahihirapan.

Hindi alam kung paano babangon at kung ilang dugo at pawis pa ba ang kailangang ialay para umayos ang buhay.

Pagak akong natawa habang nanonood ng balita. Hindi maiwasang mapailing sa nangyayari sa bansa.

Imbis na gumawa ng paraan sa ika-uunlad, mas inuuna pa iyong mga bagay na sa kung tutuusin ay puwede namang isantabi. Puro iringan, bangayan, at pangungurakot lamang ang alam. Hindi mo alam kung talaga bang umupo sila riyan sa puwesto dahil gusto nilang maglingkod sa bayan o gusto lamang nilang magpayaman.

"Hay nako! Kulang pa nga ang kinikita ko sa pang-araw-araw natin tapos ngayon, tumaas na naman ang mga presyo ng bilihin." Napakamot sa ulo si Nanay habang problemadong nakatingin sa pinapanood naming balita.

"Hindi ko na alam kung paano ko kayo mabubuhay, mga anak. Pasensya na kayo kung hindi ko kayo napapag-aral lahat. Alam niyo namang nagsasabay-sabay lahat ng mga problema natin ngayon." Bakas ang pagod at lungkot sa mukha nito.

Nagkatinginan kaming apat na magkakapatid at nang walang nais sumagot ay ako na ang nagkusa. "Nay, sinasabi ko naman sa inyo na puwede naman akong tumigil na lang at magfocus na lamang sa pagtra-trabaho, puwede na 'yon—"

"Tse! Manahimik ka nga, Eloisa! Kaya mo naman sigurong pagsabayin ang pag-aaral at pagtra-trabaho. At saka hindi mo ba naiisip na dalawang taon na lamang ay gra-graduate ka na?" Pinandilatan ako nito ng mga mata at umambang hahampasin ako ng hawak niyang hanger.

Natutop ko na lamang ang aking bibig at hindi na nakapagsalita pa. May point naman siya pero ang hindi ko lang sigurado ay kung talagang makaka-graduate ako. Aba, eh, ang init ng mga mata sa 'kin ng mga Professor ko! Ang dalang kong pumasok at pumapasa na lamang ako sa tulong ng mga kaibigan ko.

Dalawa sa mga kapatid ko ang pansamantalang tumigil sa pag-aaral dahil hindi talaga kakayaning pagsabayin at alam kong nauunawaan naman nila iyon.

"Sinabi ko naman sa 'yo, Ate, eh. Tanggapin mo na lang 'yong trabahong inaalok sa 'yo ni Aling Marites!" suhestiyon ng pangit kong kapatid na si Albert.

"Bobo ka ba? Ayaw ko nga! Kung gusto mo ikaw na lang!" singhal ko pabalik at sinamaan siya ng tingin.

"Bakit, Eloisa? Ano bang trabaho ang inaalok sa 'yo?" kuryosong tanong ni Nanay, pabalik-balik ang tingin niya sa amin ni Albert ngunit walang may nais sumagot sa aming dalawa.

Parang tanga ba naman kasi. Sinabi ko na namang huwag maingay at huwag hahayaang malaman ni Nanay dahil tiyak na magagalit iyon. Tiyak na aawayin no'n si Aling Marites kaya sana ay huwag magkrus ang landas nilang dalawa.

"Eloisa, Albert, gusto niyo bang hampasin ko pa kayo nitong hawak ko bago kayo suma—"

"Pokpok, Nay," ani Eunice. "Matagal na siyang inaalok ni Aling Marites na magpokpok sa Maynila pero ayaw ni Ate kahit malaki naman ang kikitain niya ro'n."

"A-Ano?" Napatayo si Nanay sa gulat at humawak sa kaniyang dibdib. Naaalerto tuloy kaming lahat at akmang lalapitan siya ngunit ikinaway niya ang isang kamay para pigilan kami. Huminga ito nang malalim bago ibaling ang nagbabantang tingin sa akin.

"Eloisa, huwag mong tatanggapin! Sinasabi ko sa 'yo!" anito at agad naman akong tumango. "Huwag na huwag kayong papayag na madumihan ang pangalan at pagkatao niyo. Naiintidihan niyo ba 'yon?"

Sabay-sabay kaming tumango at doon na siya tuluyang nakahinga nang maluwag.

"Huwag na huwag kayong gagaya sa 'kin," huling litanya niya bago kami talikuran at pumuntang kusina para maghanda ng hapunan.

Trials that We Can't Balance (Accounting Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon