CHAPTER 15

328 51 22
                                    

OLIVER'S P.O.V

Napuno ng kalituhan ang aking isip sa'king natuklasan. Nanginginig ang aking mga kamay at tumatagaktak ang pawis habang hawak-hawak ang birth certificate.

Kinuha ko ang mga dokumentong aking kakailanganin upang makaalis at samahan si Harl papunta sa ibang bansa nang marinig ko na may pumipihit sa busol ng pinto.

Lumunok ako at napaatras.

"Si papa..." bulong ko sa'king sarili.

Bumukas ang pinto at bumungad si papa. "Oliver?" Gulat nito. "Anong ginagawa mo rito?"

Tumindig ako. "Kinuha ko lang ang passport ko," tugon ko.

"Ibalik mo 'yan d'yan at walang aalis," aniya. Nagtitigan kami habang unti-unti siyang lumalapit sa'kin.

"Hindi ba't pinagbawalan ko kayo na pumasok dito sa opisina ko?" Sabi niya. "ANG TIGAS NG ULO MO!"

"Pinagbabawalan mo kaming pumasok dito dahil ba ayaw mong malaman ko ang totoo?" Sagot ko habang nakatitig sa kanya nang masama.

Ipinakita ko sa kanyang harapan ang birth certificate na aking nakuha. "Ito ba? Ito ba 'yong tinatago mo kaya bawal kaming pumasok dito?"

Lumunok siya at binaling ang tingin sa ibang bagay.

"Ngunit huli na. Alam ko na ang totoo at nanggaling pa mismo sa bibig n'yo," wika ko. "Walang sikreto ang hindi nabubunyag."

Mabilis akong lumakad nang nakatindig at taas noong nilagpasan siya. Umihip ang malakas na hangin paglagpas ko sa kanya.

Palabas na sana ako ng silid nang magsalita siya. "Please, Oliver..." pagmamakaawa niya.

Huminto ako sandali, yumuko at napaisip. Nngunit buo na ang aking desisyon.

Nagmadali na akong umalis.

Sasakay na sana ako sa'king sasakyan nang marinig ko ang boses ni mama.

"OLIVER!!!" Sigaw niya habang naghihinagpis.

Sinusubukan niyang makalapit sa'kin .Ngunit pinipigilan siya ni papa. Nakatingin lamang ako sa kanila habang nakahawak sa bukas na pinto ng aking sasakyan.

Hindi ko na nagawa pang pigilan at itago ang aking nararamdaman, pumatak na rin ang luha ko sa lupa. Pumasok na ako sa loob at umalis lulan ng aking sasakyan. Tuluyan nang bumuhos ang aking luha. Magkahalong awa, galit, at sakit ang ipinadama sa akin ng mga pangyayari.

Labag man sa'king kalooban ang lisanin sila. Ngunit ito 'yong nakita kong paraan para hindi ko sila mapagsalitaan ng masama, para huminga kahit sandali lang at para makalimot. Marahil ay galit ang nangingibabaw sa ngayon. Pero alam kong hindi pa ito ang huli, alam kong huhupa rin ang sigalot.

Bumuhos ang malakas na ulan habang ako'y nasa daan.

Totoo ngang mapait at masakit ang katotohanan, may mga bagay tayong madidiskubre na sana'y hindi na lang natin nalaman.

Hindi maaalis ang katotohanan na naging mabuting magulang sila sa'kin. Kinupkop nila ako na parang bang tunay nilang anak, binihisan, at pinatikim ng marangyang buhay. Mahal na mahal ko sila. Pero lalayo na muna ako pansamantala.

***

Gabi na nang ako'y makarating sa bahay namin ni Harl, agad kong ipinarada ang aking sasakyan. Nabalot sandali ng katahimikan ang paligid nang mamatay ang makina at ilaw ng kotse.

Huminga ako nang malalim, binuklat kong muli ang mga dokumentong aking nakuha, umaasang mali lang ako ng pagkakabasa. Ngunit kahit burahin ko man ito, manipulahin o punitin, hindi na nito mababago ang katotohanan na ampon lang ako.

Bumaba na ako mula sa kotse. Kakatok na sana ako sa pinto nang biglang may gumulo sa isip ko. Papaano ko ipapaliwanag kay Harl ang nangyari?

Tinuloy ko na ang pagkatok, agad niya naman itong binuksan. Sinalubong niya 'ko nang nakangiti.

Habang pumapasok ako sa loob ng bahay ay pinagmamasdan niya lang ako.

"Ba't parang pinagsakluban ka yata ng langit at lupa?" Tanong niya. "Kumain ka na ba?" Sabay upo ko naman sa malambot na upuan sa sala at nagbuntong-hininga.

Umupo siya sa'king tabi. Hinawi niya ang aking buhok. "Kumusta? Nakuha mo ba 'yong passport mo?"

Tumango lamang ako at ipinakita ito sa kanya kasama ng birth certificate na nakapailalim sa pasaporte.

"Desidido ka na ba talaga sa gusto mong mangyari? P-pa'no naman 'yong maiiwan mong responsibilidad dito, pati na rin ang mga magulang mo?"

Wala akong imik at bakas ang lungkot sa 'king mukha habang tinitingnan naman niya ang mga dokumentong inabot ko sa kanya.

"Ano ito?" Pagtataka niya habang binubuklat ang birth certificate.

Nakatingin ako sa kaya habang binubuklat niya ito, at sa sandaling nagsalubong ang kanyang mga kilay at siya'y napasimangot, alam ko na.

"Kingscott?!" Gulat niya nang ito'y kanyang mabasa. "Are you adopted?"

Bumuntong-hininga ako at saka tumango.

"Sa'n mo 'to nakuha?"

"Sa opisina ni papa," sagot ko. "Pero bago ko 'to matuklasan, sinabi na nila mama't papa sa 'kin ang totoo."

Napatikip siya ng bibig at tila'y naguluhan rin sa nangyayari.

"Hindi ba't Kingscott din ang apelyido ni Nathan?" Sabi ko. "Baka magkapatid kami?..."

Napatitig siya sa'kin nang nagugulumihanan. "P-paano? Ang daming may apelyidong Kingscott sa mundo," aniya. "Imposible dahil wala namang nabanggit sa'kin noon si Nathan na may kapatid siya."

Sa puntong iyon napagtanto ko na baka tama nga siya, baka hindi kami magkapatid ni Nathan, baka hindi iisa ang aming mga magulang.

"Kung sasama ka sa'kin, pa'no ang pagiging piloto mo?"

Umiling ako. "Hindi ko pa alam," sambit ko. "Magulo pa isip ko, gusto na munang magpahinga."

"Pag-isipan mong mabuti dahil hindi madali ang iniisip mo," aniya.

Hinawakan niya ang aking kamay. "Huwag kang mag-alala, tutulungan kitang hanapin ang totoo mong mga magulang."

Ngumiti siya at niyakap ako.

***

Noong gabing iyon, kasabay ng matatalim na kidlat at malalakas na kulog ay bumubuhos ang malakas na ulan.

Dilat ang aking mga mata kahit hating gabi na, nakatingin lamang ako sa kisame habang nakayakap sa'kin si Harl. Hindi makatulog dahil malalim ang iniisip habang pinakikinggan ang malakas na buhos ng ulan na tila'y hindi na matatapos tulad ng aking mga pinagdadaanan.

Hanggang sa unti-unti na 'kong napapapikit at tila ba'y umiikot na ang paligid.

Kinabukasan ay ginising kami ng isang malakas na lindol, naramdaman namin ang pag-uga kaya kami'y biglang napabangon.

"Ang lakas!" Takot niyang sambit.

"Bumaba na muna tayo," pagmamadali kong ani.

Nagmadali kaming lumabas ng bahay matapos ang pagyanig.

Paglabas namin ng bahay ay may biglang humintong magarang sasakyan sa harapan namin. Bumaba ang isang lalaki na naka polong puti at nakasalamin na itim.

Dahan-dahan niyang tinanggal ang kanyang salamin.

"Kumusta?" Bati niya nang nakangiti.

Nagkatinginan kaming dalawa ni Harl habang nanlalaki ang mga mata.

"Nathan?..." Bulong ni Harl.

"It's nice to be back. Are you surprised?"

When Our Heavens CollideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon