Marami na ang nagtatanong sa akin kung saan ko nakuha ang inspirasyon sa paglikha sa karakter ni Joshua Lagalag. Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang kuwento ng isang tunay na pakikipaglaban.
March 16, 1998. Alas nuebe ng gabi, isinugod ko angb aking asawa sa ospital. Kabuwanan na niya noon para sa pangalawa naming anak. Matagal na nag labor ang asawa ko.Pabalik balik kami sa delivery room pero pinalalabas din siya dahil hindi pa daw oras. Bandang alas dos na ng madaling araw bago siya ipinasok. Bandang alas tres ng sinabihan ako ng nurse na nanganak na ang misis ko at ipinakita sa akin ang sanggol. Puro dugo ang kanyang mukha. Nagasgas daw paglabas dahil medyo malaki siya para sa normal delivery pero kinaya naman ng asawa ko kaya itinuloy na nila. Ang mahalaga, ipinanganak siyang isang malusog na sanggol.
April 8, 1998. Isang bata din ang ipinanganak . Anak siya ng kapatid ng asawa ko at ito ang kanyang panganay. Ang ipinangalan sa bata ay Angelo.
Lumaking laging magkasama sina Angelo at Joshua. Dahil nagtatrabaho ang ina ni Angelo at ang misis ko naman ay hindi, sa bahay namin iniiwan si Angelo. Lagi silang magkalaro at magkasundong magkasundo ang dalawa. Pareho silang makulit, malikot, at madaldal.
Noong nagtatlong taon ang dalawa, biglang nagbago ang lahat.
Tumigil sa pagsasalita si Joshua. Bihira na siyang makipaglaro kay Angelo at kahit magkasama silang dalawa, tila may sarili siyang mundong ginagalawan. Dahil sa malayo ang work ko, weekly or minsan, twice a month lang ang uwi ko. Minsan, inaabutan ko si Joshua na mag-isa sa sala. Tinatawag ko siya upang lumapit ngunit titingin lang siya na parang hindi ako kilala at itutuloy ang kanyang ginagawa na parang may sariling mundong siya lang ang nakakakita.
Pinatingnan namin siya sa doktor at pinayuhan kaming obserbahan ang bata. May mga ganoong cases daw talaga na delayed ang speech pero naaayos din habang lumalaki ang bata. Ang napansin lang ay ang sobra niyang kalikutan. Para siyang isang de-susing manika na kapag binitawan mo ay tuloy-tuloy na maglalakad kahit na may paparating na panganib gaya ng mga paparating na sasakyan. Ang isa namin naging problema ay dahil sa isang apartment compound kami nakatira, laging naiiwang bukas ang gate dahil sa paglabas-masok ng mga nakatira dito. Kapag nakalabas si Joshua sa gate, bigla siyang tatakbo ng mabilis at papasukin ang lahat ng bahay na madadaanan niyang bukas ang gate o pintuan. Wala naman siyang kinukuha sa mga bahay na iyon. Basta papasok lang siya sa loob ng bahay na tumatakbo, iikutin ang buong bahay, tatakbo uli papalabas, at papasok sa susunod na bahay. Ang ikinatatakot namin ay baka makagat ng aso sa mga bahay na pinapasok niya o kaya ay mahulog sa hagdan dahil sa mabilis niyang pagtakbo.
Sa tuwing ginagawa ito ni Joshua, may isang bata ang laging humahabol sa kanya.
Si Angelo.
Minsan, hindi namin namamalayang nakalabas na pala silang dalawa sa bahay. Makikita na lang namin si Angelo, hatak-hatak si Joshua pauwi at parehong walang tsinelas.
Nagpasiya kaming dalhin si Joshua sa isang espesyalista at doon namin nalaman ang masakit na katotohanan. Mayroon siyang Asperger's Syndrome, isang neurodevelopmental disorder na maihahalintulad sa Autism.
Ang mga katulad niya ay hindi nakikihalubilo sa kanilang kapwa bata, nahihirapan magsalita, maiksi ang attention span ngunit nagpapamalas ng katalinuhan o kahusayan sa sining.
Sa payo ng espesyalista, ipinasok namin siya sa speech therapy sessions sa isang ospital sa Quezon City. Nakitaan naman siya ng malaking improvement sa pagsasalita ngunit dahil sa English ang speech sessions niya, mas natuto siyang magsalita ng English kaysa Pilipino.
Sinubukan namin siyang ipasok sa paaralan ngunit isang araw pa lang siyang pumapasok ay kinausap na kami ng kaniyang guro at sinabing ihanap na lang namin ng ibang school si Joshua.
Sa pagtitiyaga ng aking asawa, nakilala niya ang isang SPED teacher, si Teacher Baby,sa Valenzuela City at ipinayo nitong sa kanya ipasok si Joshua. Kahit malayo sa aming lugar na tinitirahan, pinilit naming maipasok si Joshua sa paaralang iyon.
Malaki ang pagbabago kay Joshua mula noong pumasok siya sa paaralang iyon. Sa pagtitiyaga ni Teacher Baby, unti-unti siyang natuto hindi lang sa klase kundi pati na rin ang makihalubilo sa kanyang kapwa estudyante.
Pagkaraan ng ilang taon sa SPED Class, sinubukan siyang isama sa mga normal na klase at naging matagumpay ito. Katunayan, noong grade 4 siya ay siya pa ang naging top one sa Section nila pagkatapos ng taon.
Ngayon, malaki na ang ipinagbago ni Joshua. Marunong na siya magluto, maglinis ng bahay at maghugas ng pinagkainan. Mahusay din siya sa mga electronic gadgets tulad ng celphone, laptop at computers. Katunayan, nagawa niyang ayusin ang laptop ng kanyang kuya habang kausap niya lang ito sa celphone.
Hindi na maipagkakaila na malaki na ang ipinagbago ni Joshua bagamat mahahalata pa rin ang pagiging iba niya sa karamihan dahil sa madalas niyang pagsasalita mag-isa, at mga pagkumpas ng kamay lalo na kapag natutuwa siya.
Minsan, kinausap ko siya at sinabing magsusulat ako ng kuwento at ipapangalan ko sa kanya ang bida. Tatawagin ko siyang Joshua Lagalag, hango sa initials niyang JL .
"Bakit Lagalag?" tanong niya sa akin.
"Lagalag kasi parang ikaw, lagalag ang isip," sagot ko sa kanya.
" Pa, may partner ba siyang babae?" tanong niya uli.
"Meron," sagot ko," wala pang pangalan. Ano gusto mong pangalan ng partner mo?"
Sandali siyang nga-isip at pagkatapos ay nagsalita.
" Queenie na lang," sagot niya," pero puwede rin siyang tawaging Pitta."
And the rest is history po.
Ngayon, hindi na nag-aaral si Joshua ngunit patuloy na nakikipaglaban sa buhay, dito sa mundo natin at sa sarili niyang mundo.
Si Angelo, gaya sa kuwento, nagliligtas ng buhay.Kabilang siya sa isang Rescue Unit ng isang lunsod sa Metro Manila.
Maraming maraming salamat po sa lahat ng tumangkilik sa aking mga kuwento. Sana ay manatili tayong ligtas ang God Bless us all.
KuyaBoyet13

YOU ARE READING
Ang Huling Pakikipagsapalaran
AdventureItutuloy mo pa ba kung ang inyong pagmamahalan ay tuluyan ng nahadlangan ? Itutuloy mo pa ba kung ang kasama mo mula noong simula ay wala ng maalala sa mga nangyari? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran sa ngalan ng pag-ibig at pagkakaibigan. Ito...