Kabanata 5

3.1K 128 34
                                    

Magkahawak ang kamay namin ni Nanay sa ilalim ng lamesa, wala akong pakialam sa malamig at butil-butil na pawis na nabubuo sa gilid ng aking noo. Sumulyap ako sa aking ina nang maramdaman ang paghigpit ng kapit niya sa kamay ko.

Umayos ako ng pagkakaupo nang marinig ang pagbukas-sara ng selda. Nanunuyo ang lalamunan ko at wala pa man ay nagsisimula nang manubig ang sulok ng mga mata ko.

Napasinghap ako nang ilang saglit pa'y nasilayan na namin ang lalaking nakayuko at marahang humahakbang papalapit sa amin.

From afar, I can clearly see the changes on his body. Magmula sa itim sa ilalim ng mga mata niya, ang pagtubo ng bigote at balbas nito, at ang mas lalong nagpadurog ng puso ko ay ang pagbagsak ng katawan niya. Nakaposas ito at nakasuot ng kulay kahel na t-shirt na karaniwang suot ng mga bilanggo.

"Tito..." I murmured, now on the verge of crying.

Nanatili itong nakayuko at walang kibo. Doon na tuluyang humagulhol si Nanay. Binitawan niya ang kamay ko, mabilis siyang tumayo at sinunggaban ng yakap si Tito Aljon. Bakas sa mukha nito na gusto niyang suklian ang yakap ng Nanay ko pero hindi niya magawa...

"Nagdala kami ng maraming pagkain. Lahat ito ay mga paborito mo. Si Eloisa ang bumili niyan lahat, pati ang gastos sa pamasahe namin, siya rin ang sumagot..." nakangiting kwento ni Nanay habang binubuksan ang mga Tupperware na may lamang pagkain.

Nag-angat ng tingin sa akin si Tito. "Talaga? Saan ka naman kumuha ng pera?"

"Rumaket ako. Hindi na nga namin naisama sina Eunice dahil bukod sa bawal ang bata rito, baka magkulang din ang pera namin kaya kami na lang ni Nanay ang dumalaw sa 'yo rito,"

Sumilay ang maliit na ngiti sa kaniyang labi. "Maraming salamat sa pagdalaw. Gumaan ang pakiramdam ko nang makita ko kayo. May picture ka ba ng mga kapatid mo ngayon? Gusto ko silang makita. Miss na miss ko na rin sila."

"Oo naman! Nag-picture sila kanina sa cellphone ko, wait lang..." Binuksan ko ang sling bag ko, inilabas ko roon ang aking cellphone at ipinakita sa kaniya ang picture nina Marie, Albert, at Eunice.

Ang malamlam nitong mga mata ay napalitan ng kislap habang pinagmamasdan ang picture ng mga kapatid ko. Bukod doon ay marami pa kaming pinag-usapan. Marami akong kwinento at halos lahat iyon ay puro masasaya. Mahigpit akong pinagbawalan ni Nanay na huwag magsasabi ng kahit anong problema kay Tito Aljon dahil baka mag-alala pa ito at hindi maiwasang mag-isip. Sinang-ayunan ko naman iyon at hindi na kinontra pa.

"Oo nga pala. Medyo malaki pa 'yong kulang para sa pang-piyansa mo pero gagawaan ko ng paraan—"

"Huwag na," pagputol niya sa 'kin at tiim bagang na umiwas ng tingin.

Nalaglag ang panga ko at napakurap-kurap.

"Anong huwag na?" tanong ni Nanay, naguguluhan.

"Huwag niyo nang pahirapan pa ang mga sarili niyo. Huwag niyo na akong piyansahan..." he trailed off and sighed. "Huwag niyo na akong isipin pa."

"Ano bang sinasabi mo, Aljon?" inis na tanong muli ni Nanay. "Hindi puwedeng pabayaan ka na lang namin dito. Hindi puwedeng hindi ka namin isipin. Ano ka ba naman?" Nangilid ang luha niya.

"Basta huwag na, Annalise." Marahas itong lumunok. Imbis na salubungin ang mga mata namin ay nagbaba ito ng tingin sa mga kamay niya. "Mas kailangan ng mga bata ang pera. Sila ang unahin mo... 'yong pangarap at kinabukasan nila ang importante para sa akin."

"Kung gagawin namin 'yon, paano ka?" sabat ko.

"Huwag niyo na nga akong isipin. Basta magsikap kayo sa pag-aaral at tuparin niyo 'yong mga plano at pangarap niyo sa buhay. Ipangako mo rin sa akin na aalagaan mong mabuti ang Nanay at mga kapatid mo, okay na ako. Kampante na ako ro'n."

Trials that We Can't Balance (Accounting Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon