Kabanata 1

55.9K 1K 460
                                    

Kabanata 1.

"LINTEK KA TALAGA, JACKSON!"

Nagpupuyos na sigaw ni mama habang hawak ang report card ko na halos malukot dahil sa higpit ng pagkakayukom niya. Kung hindi lang iyon kailangang ibalik, malamang na kanina niya pa iyon pinagpunit-punit at ibinato sa akin. "Ano na naman itong F sa card mo, bakit sunod-sunod?!"

Hindi mapakali ang mga binti ko sa pagkuyakoy habang kanina pa labas-pasok sa magkabilang tenga ang mga sinasabi niya. Simula noong iabot ko sa kaniya ang card para papirmahan, hindi na siya tumigil kakasermon—na magkakahalating minuto na. Grabe, ako ang napapagod para sa kaniya. Imbis na magtampo at mapikon, pinagdikit ko ang mga labi ko para pigilan ang pagtawa saka tinakpan gamit ang kamay bago niya pa makita. Kung magkakataong mahuli niya ako, siguradong aabutin kami ng Pasko na ganito ang sistema.

Alam ko na hindi magandang pagtawanan ang mga taong galit na galit lalo na kung mama mo iyon pero hindi ko mapigilan ang sarili ko. Pulang-pula na ang mukha't tenga niya habang nanlalaki ang mga matang halos lumuwa dahil sa pandidilat sa akin. At kahit wala siyang gamit na mikropono, tiyak akong dinig ang boses niya hanggang baba. Aabangan ko na lang ang sasabihin sa akin ng mga kaibigan ko.

"Ano ba ang pinaggagawa mo sa buhay mo, ha?! Hindi ka na ba talaga titino?!"

Hindi ako nakasagot agad. Pero ng may maisip, ibinuka ko ang bibig ko na sandaling nakapagpatahimik sa kaniya. "Ano po ba ang ikinagagalit mo, Ma? Iyang F po na iyan, ang ibig sabihin niyan ay Fantastic. Sobrang galing at buti ko po kasing estudiyante kaya imbis na very good ay fantastic na ang ibinigay sa akin ni ma'am."

Muntik pa akong matumba sa kinauupuan ko dahil sa pag-iwas ng umamba siyang ihahampas sa akin ang hawak niya. Napailing si Janus na nakaupo sa gilid at nakatingin at sa amin samantalang si Jeremy naman na abala sa pag-aayos ng mga laruan niyang text ay nakisabat.

"Fantastic daw. . . Failed kaya iyon. Inuuto mo pa si mama e."

Nakaangat ang gilid ng labi kong bumaling sa kaniya. "Epal ka? Dambulin ko iyang text mo, tignan mo," maangas kong pagbabanta.

"Mama, si Kuya Jackson o!" agad niyang sumbong.

"Dagdagan mo ang inis ko sa iyo ngayon Jackson at tatamaan ka na talaga! GMRC na lang bagsak ka pa? Anong mga katarantaduhan ba ang pinaggagawa mo sa eskuwelahan ninyo, ha?!"

Humugot ako ng isang napakalalim na hininga at inayos ang sarili. Pumikit-pikit pa ako bago tumayo at lumapit sa kaniya. Pero siyempre, iyong sapat pa rin ang distansiya para hindi niya ako maabot kung sakali mang tangkain niya na naman akong hambalusin. Maganda na iyong handa.

"Mabait naman po talaga ako, hindi lang iyon nakikita ng teacher namin. Sa sobrang buti ko nga po ay puwedeng-puwede niyo na akong ipasok sa seminariyo at pagpariin." Pinagsaklop ko ang mga kamay ko at tumingala, sinusubukang gayahin ang hitsura ni Santino.

Sabay-sabay kaming tumunghay sa pintuan ng marinig namin ang isang napakapamilyar na yabag. Masiyado iyong mabigat at malakas na akala mo ay nagdadabog at gustong sirain ang hagdan. Napalunok ako. Lingguhan lang namin iyong napakikinggan pero kilalang-kilala na namin kung sino ang parating. Nakangising tumingin sa akin si Jeremy na iginalaw-galaw pa ang hintuturo para iparating na yari ako.

"Lagot ka, nandiyaan na si mambabatok."

Hindi ako nakasagot. Pagkakita ko kay ate parang gusto ko ng kumaripas ng takbo. Salubong ang kilay niya na mistulang magdidikit at nanlalaki ang butas ng ilong na akala mo ay toro na handang-handa ng manuwag. Sisibat na sana ako pero natigilan at napatalon ako dahil sa bigla niyang pagsigaw sa pangalan ko.

"Ano iyong nalaman kong ipinapatawag daw sa eskuwelahan ninyo si mama?!" Napapitik ako sa hangin. Patay na. Hindi ko na nga sinabi iyon e. "Hindi ka na ba talaga titino, ha?! Palagi ka na lang bang magiging sakit ng ulo?!"

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon