Kabanata 2

13.7K 388 153
                                    

Kabanata 2.

NAMUMUTIL ANG PAWIS sa noo namin ni mama ng makarating kami sa eskuwelahan. Sa totoo lang kinakabahan ako. Parang gusto ko ng tumakbo at takasan siya. Pero kung gagawin ko iyon, dapat kong siguraduhin na hindi na ako uuwi sa bahay kahit kailan dahil siguradong malilintikan ako. Hinagod ko ang buhok ko na basang-basa at nanlalagkit iyong pinunasan gamit ang bimpo.

Habang palapit kami nang palapit sa faculty, palakas din nang palakas ang kabog ng dibdib ko. Tiyanggala kasi iyon si ate e, napakapaepal. Dapat hindi na lang siya umuwi. Tuloy nasa alanganin na naman ako ngayon. Halos himatayin ako ng makita namin si Ma'am Santos na mukhang hinihintay talaga kami. Kung sana lang walang nagsabi kay ate edi sana wala akong problema ngayon. Kapag nalaman ko lang talaga kung sino ang nagsasabi sa kaniya, sasapakin ko talaga iyon.

"Mabuti na lang po at pumunta kayo," bungad sa amin ni ma'am. "Minessage ko na si Jersey dahil mukha namang hindi sinasabi ni Jackson ang bilin ko sa kaniya na papuntahin kayo rito para makausap ko."

Nasampal ko ang sarili kong noo. Bakit ba nakalimutan ko na may contact pala siya kay ate dahil estudiyante niya rin iyon dati? Ngayon, paano ko sasapakin si ma'am? Tiyanggalang buhay iyan. Mabuti na lang at mukhang binale-wala iyon ni mama dahil ibinato niya agad ang tanong na sa tingin ko ay kahapon niya pa iniisip.

"Gaano po ba kademonyo ang tingin ninyo sa anak ko para bigyan siya ng sunod-sunod na bagsak sa GMRC?"

Bumuntong-hininga si ma'am. "Iyan nga po ang mismong dahilan kung bakit matagal ko na kayong gustong makausap. Gusto ko pong pag-usapan natin ang behavior ni Jackson. Kung magpapatuloy po ang ginagawa niya at ng mga kaibigan niya, siguradong hindi ulit sila makaka-graduate ngayong taon."

"Ano?!" Hindi maipinta ang hitsura ni mama. "Bakit, ano na naman ba ang ginawa ng lintek na ito?"

Naiiling na tumingin sa akin si ma'am bago nagsimulang magkuwento, "Napakarami niya na pong record sa guidance. Siya at ang mga kaibigan niya ay palaging nahuhuli ni Ma'am Gomez na nagka-cutting classes. Kapag sinasaway sila, imbis na makinig at sumunod ay tumatakbo lang sila. Bukod doon, sinusulatan at sinisira din nila ang ilang properties ng school. Ultimo CR ay hindi nila pinalalagpas. Doon sila nagpapaputok kaya hindi na iyon nagagamit dahil maraming estudiyante ang natatakot na baka maputukan.

"Saan niya po ba nakukuha ang mga paputok na iyon? Nakausap ko na ang dalawa niyang kaibigan at ang sabi ni Jerick ay si Jackson daw ang nagdadala ng mga iyon. Si Jackson din daw ang nagyayaya sa kanila at kapag hindi sila pumayag ay nagbabanta siyang itatapon na lang ang pagkakaibigan nila."

Kumibot ang labi ko. Hindi ko maproseso iyong sinabi ni ma'am. Ano, ako ang pasimuno?

"Meron po ba kayong problema sa bahay? Madalas po ba kayong nag-aaway ni mister na nagiging dahilan kung bakit nagrerebelde ang anak ninyo?"

Bago pa man makasagot si mama, inunahan ko na siya. "Sandali lang po, ma'am. Bakit po parang siguradong-sigurado na kayo na ako nga ang pasimuno kahit si Jerick lang ang narinig ninyong nagsalita? Si Dave po, nagsabi rin ba? Ako na isinama ako pa naging mastermind."

Sumusukong napahugot nang malalim na hininga si ma'am. "Pare-pareho namin kayong bibigyan ng isa pang pagkakataon. Pero pakiusap lang, huwag niyo na sanang uulitin pa ang mga ginawa ninyo. Kung hindi, walang ibang mapamimilian ang school kundi ang i-kick-out kayo."

Pag-uwi namin sa bahay, halos dumugo ang tenga ko dahil sa sermon ni mama na hindi ko alam kung hanggang kailan na naman aabutin. Pero sa pagkakataong ito, hindi na ako natatawa. Nakaupo lang ako sa gilid, nakatungo at iniisip si Jerick pati iyong mga kasinungalingan niya. Ang sarap niyang sapakin, sa totoo lang. Silang dalawa ni Dave . . . parang mga walang bayag. Hindi marunong umako ng pagkakamali. Aminado ako na may kasalanan din ako pero hindi naman tama na ipasa nila ang lahat ng sisi sa akin.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon