Kabanata 8

3.8K 201 18
                                    

Kabanata 8.

HALOS HINDI AKO makahinga nang maayos. Kanina pa ako pabalik-balik ng lakad sa likod ng stage habang binabasa ang script na kabisado ko naman na pero parang hindi ko na alam kung paano sasabihin. Nagrarambol-rambol na ang mga salita sa isip ko dahil sa sobrang kaba.

Napalingon ako kay Simon ng tapikin niya ako. "Ready ka na?" tanong niya.

"Kung sasabihin ko bang hindi hahayaan mo akong mag-back-out?" balik kong tanong.

"Nandito ka na, bakit aalis ka pa? Kung tatakbuhan mo ang mga nakakatakot na bagay na humaharang sa daan mo, hindi ka makakausad. Dalawa lang ang pamimilian mo. Mag-move forward o maduwag at huwag ng tumuloy?" Hindi ako nakasagot.

Nang tawagin siya ni ma'am, naiwan akong mag-isa. Pilit akong tumawa at inayos ang polo na suot. "Foundation day lang ito . . . Sandaling performance lang kaya bakit ako matatakot?" wika ko sa sarili.

Pag-angat ng kurtina, tumambad sa akin ang hilera ng mga taong nakaupo sa covered court para panoorin kami—kabilang si Patricia na pumapalakpak at malawak ang ngiti habang nakapako ang tingin sa direksiyon ko. Nang tumugtog ang kanta, nagsimula na kaming kumilos. Una kaming nagharap ni Alliah, nakatingin sa mata ng isa't isa at matamis na nakangiti. Ganoon man, hindi ko maramdaman sa kaniya ang naramdaman ko noong si Patricia ang kasayaw ko. At ayaw ko na ring madama pa iyon sa iba. Exclusive lang dapat iyon kay Pat.

Namintig ang ulo ko at parang nagdilim ang paningin ng dumating ang parte na solo ko na. Nanlalambot ang tuhod ko at malamig ang pawis. 'Yung kilos ko . . . hindi ko alam kung bumagal ba talaga o guni-guni ko lang. Gusto kong gumalaw nang mas mabilis pero parang may mga strings na nakatali sa akin. Natauhan ako nang biglang may humawak sa akin.

"Hoy, ayos ka lang?" boses ni Alliah iyon. Nawawala sa sarili akong tumango. "Umayos ka, mahaba-haba pa ang oras natin dito. Baka bigla kang himatayin."

Rinig ko ang panginginig sa boses ko ng bitawan ang mga linya na ilang buwan ko ring kinabisado. Napakahusay ko sa harap ng salamin namin sa bahay. Nag-uumapaw ang lakas ng loob. Wala kahit kaunting kaba. Pero ngayon . . . pakiwari ko ay pipiyok ako anomang sandali, at hindi ko na rin masabi kung tama ba ang mga salitang binabanggit ko. Gusto ko rin sanang pag-aralan ang mga hitsura nila pero hindi na ako makakita nang malinaw. Parang tinatakpan ng hamog ang mata ko.

Nang matapos kami, pabagsak akong naupo sa backstage. Para pa ring gelatin ang mga tuhod ko. Hindi ko kayang tumayo nang tuwid ngayon kung walang aalalay sa akin. Sa tanang buhay ko ay ngayon lang ako nasubok nang ganito. Hindi ko na ulit ito gustong maranasan.

"Good job, guys! Ang galing ninyo!" malakas at taos-pusong puri sa amin ni Simon.

Nang makabawi ng lakas, nagpunta ako sa court para hanapin si Patricia—na agad ko namang natagpuan na mag-isang nakaupo sa metal bleachers. Tumabi ako sa kaniya.

"Buti nakapunta ka," panimula ko.

"In-invite ako ni Simon. At buti na lang din dahil napanood kitang i-perform iyong bagay na ilang months mo ring pinaghirapan na practice-in." Hindi pa rin nawawala ang ngiti niya. Sa bawat pagsasalita, palaging nakakurba ang labi niya kaya napakadali niyang kausapin. Alam na alam mong hindi ka niya babale-walain. "You are so good at performing, Jackson. Congratulations. I really do enjoy watching you."

Pumalakpak ang namumulang tenga ko. "You're welcome," sabi ko dahilan para matawa siya.

Kung saan-saan napunta ang usapan namin hanggang sa umabot na iyon sa mga pamilya. Ewan ko rin kung bakit. Baka sign siguro na siya na talaga ang nakatadhana sa akin. Na darating ang araw na mamamanhikan ako sa kanila.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon