Chapter 5

266 27 8
                                    

Art Like Scars

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Art Like Scars

•••

Patuloy pa rin na umuulit sa isipan ko ang tanong ni Jean noong Linggo. Kahit nasa dulo naman na ng dila ko ang kasagutan ay parang ang hirap nitong bigkasin. May parte sa'kin na nagsasabing mukhang pinagdududahan n'ya ang intensyon ko sa paglapit sa kan'ya, pero hindi ako nagbabalat-kayo, kung iyon ang iniisip n’ya. Gusto ko lamang talaga na maibalik ang pagkakaibigan namin. Tanggap ko naman kung nagbago na s’ya, pero gusto ko rin malaman kung ano, o mayroon bang nagpabago ba sa kan’ya. 

Kahit ganoon pa man ang tingin n’ya ay hindi ako pwedeng magpaapekto, kaya araw-araw ay palagi ko pa rin ginagawa ang pagbati sa kan'ya, ang pagsubok na kausapin s'ya, at kung ano-ano pa para lang maging magkalapit ulit kaming dalawa. Siguro nga ay inis na inis na s'ya sa pagmumukha ko. 

Ngayong araw ng Lunes ay mag bobotohan na para sa student council officers. Tumakbo ako para sa posisyon ng 4th year representative dahil inaya ako ng tumakbong presidente sa partidong kinabibilangan ko. Kahit hindi ko ito gawi no'ng nasa Maynila pa 'ko nag-aaral ay naisipan ko'ng subukan. Nasa huling taon naman na kasi ako ng high school, maganda nang magkaroon din ako ng ibang karanasan.

Mamayang hapon pa magaganap ang botohan, at dahil wala pa ang teacher namin ay naisipan kong lumipat sa tabi ni Jean. 

Nakapalumbaba ito at nakatingin sa kawalan. Nakapatong ang siko n’ya sa librong nasa mesa n’ya. Naalala ko kung gaano ito kahilig sa libro at mga papel na manika noong mga bata pa kami. Kaya nga noon, kapag inuuwian ako ni Itay ng libro tungkol sa iba’t ibang alamat ay imbis na basahin ko ay ibinibigay ko na lang ‘yon kay Jean. Kaya hindi na ‘ko magtataka na lumaking matalino si Jean, lalo na't lumaki s’ya kasama ang hilig n’ya sa mga libro. Iyon ang hindi nawala sa kan'ya.

Mataimtim ko itong tinitigan. Masasabi kong kahit na nakakalimutan n'yang mag-ayos ay maaliwalas pa rin tignan ang kan'yang mukha. 

Kinalabit ko 'to, at nang tumingin s'ya sa'kin ay kumaway ako gaya ng palagi ko'ng ginagawa. Ngunit katulad din ng palagi n'yang gawi ay hindi n'ya ako pinansin at tumingin na lang ulit sa kawalan para umiwas sa’kin.

Kinamot ko ang batok ko bago pabulong na magsalita. "Jean… iboto mo 'ko mamaya," wika ko rito kahit alam ko'ng hindi na pwedeng mangampanya. "Partidong Liwayway—serbisyong siguradong magiging tulay para sa tagumpay. 4th year representative, Valentine-" 

"Oo, sa'yo na ang boto ko," mabilis n'yang sagot gamit sa tonong walang kagana gana—tonong lagi n'yang gamit.

"Talaga?" Pangungulit ko rito.

Tumingin ito sa’kin para lang umirap at maglabas ng buntong hininga. "Ganoon ba kahalaga sa'yo ang isang boto?"

"Every vote counts," sagot ko na may halong pagtango.

"Okay…” tumango s’ya. “Sana lang may magawa kayo ngayong taon—hindi 'yong pang-display lang kayo.” 

Bumilog ang mga mata ko kasabay ang paglaglag ng panga ko sa sinabi ni Jean. May nag-udyok sa'kin na dumipensa laban sa sinabi n'ya.

Inilapag ko ang palad ko sa mesa ng silya ko para lumikha ito ng tunog na makakukuha ng atensyon n'ya. Mukhang epektibo naman dahil parang nagulat s'ya, iyon nga lang ay tinignan n'ya ako ng masama.

"Kung ang partido namin ang iboboto mo, makasisigurado kang marami kang aasahan ngayong taon. Marami na kaming nagawang plano! Paniguradong magiging masaya ang school year na 'to, pinapangako ko sa'yo. Basta kami ang iboboto mo," maligalig kong sabi. Humugot lang ako ng hininga upang magpatuloy muli.

"Mayroon kaming nakahanda para sa ika-75th foundation sa Agosto—isa pa, mayroon din kaming mga patimpalak, mga programa, outreach activities, o kung gusto mo mag suhestiyon ka. Pakikinggan ka namin!" 

Walang ni isang salita ang lumabas sa bibig ni Jean sa pagkahaba haba ng mga sinabi ko. Bagkus ay napakurap lang s'ya ng ilang beses at tinitigan lamang ako sa walang buhay na ekspresyon. 

Parang kahit ako ay nawalan na ng sasabihin, buti na lang ay dumating na ang teacher namin para sa TLE. Namalagi lang ako sa upuan sa tabi ni Jean tutal ay pwede naman akong maupo kahit saan kapag ito ang asignatura namin.

Paglapag ni Ms. Zenaida ng kan'yang mga gamit sa desk ay sumulat ito sa pisara na dalawa ang magiging proyekto para sa unang markahan. Nakasaad din na anv parehong proyekto ay kailangang gawin ng may kapares. 

"Para mas madali ay hahayaan ko kayong pumili kung sino ang gusto n'yong kapares," wika nito habang ipinapagpag paalis sa mga kamay n'ya ang alikabok ng chalk. 

Agad-agad akong humarap kay Jean. Bakas sa mukha nito ang hindi pagkatuwa, halatang ayaw n'yang magtrabaho ng may kasama. Kaya sinamantala ko na ang pagkakataon.

"Partner?" tanong ko rito sa kaswal na tono. 

Napalunok si Jean bago s'ya sumagot, mukhang problemado ito. "Okay,” parang napilitan n’yang sagot bago maglabas ng buntong hininga, at ilagay ulit ang atensyon n'ya kay Ms. Zenaida.

Napangiti ako nang bahagya dahil hindi ko mapigilan. 

Nakinig kami pareho habang nagpapaliwanag si Ms. Zenaida kung ano ang proyekto namin. Ang una kasing proyekto ay kinakailangan naming gumawa ng lampara. 

Bumaling ulit ang mga tingin ko kay Jean pagkatapos ipaliwanag lahat ng kailangang gawin para sa proyekto. 

"Madali lang pala, gusto mo ba gawin na natin sa susunod na linggo, o kung kailan ka man pwede?" 

"Pwede ako ng kahit anong araw, basta hindi ako lalampas ng alas-cinco ng gabi." 

"Ayos, saan tayo gagawa? Sa inyo ba o sa'min? Isang tricycle lang naman ang papunta sa'min, pero kung mas komportable ka sa inyo pwede namang sa…" Itinigil ko ang pagsasalita ko nang mapansing mukhang wala na sa'kin ang mga mata ni Jean. Mukhang nakatuon ito sa iba, sinundan ko kung saan ito nakatuon, kaya naman lumingon ako upang makita kung saan nga ba nabaling ang atensyon n'ya.

Lumiit ang mga mata ko nang makitang nakatingin si Earl sa'min. Lumingon ako pabalik kay Jean, at pabalik naman kay Earl upang makumpirma kung nagkakatinginan nga ba sila.

Nang dumaplis ang mga tingin sa'kin ni Earl ay agad itong umiwas. Doon ko nga nakumpirmang nagkatinginan sila.

Hindi ko na iyon binigyan pa ng mas malalim na pansin dahil mukhang tinatakot lang naman ni Jean si Earl gamit ang tingin. Base naman sa pakikitungo nilang dalawa sa isa't isa, ay malabo nang maibalik ang history naming tatlo. Siguro kung gagawan ko ng milagrong magkabati sila ay pwede pa. 

Nang bumalik na ang mga mata sa'kin ni Jean ay nagpatuloy na 'ko sa pagsasalita. "Ayon na nga, 'yung tungkol sa-" 

"Hindi ka ba napapagod kakatanong, o kakasalita man lang?" prangkang tanong nito sa'kin na nagpatikom sa bibig ko. 

Natigilan ako, wala namang malisya sa tanong n'ya at mahinahon pa nga ang pagkakabanggit n'ya sa mga salita. Ngunit naisip ko na totoo nga ang sinasabi n'yang ang dami kong pinuputak.

"Sorry…" nahihiya kong sambit dito, napahawak ako sa batok ko. "Naiinis ka na ba? O nagagalit?"

Umiling s'ya. "Hindi." 

Akala ko ay ikakagulat ko na ang sagot n'ya, pero nang ngumiti si Jean ay hindi ko maipaliwanag kung anong milagro ang mayroon gawa ng mga bibig ko. 

Tumuloy ito sa pagsasalita ng may kaunting bakas pa ng ngiti sa labi n'ya. 

"Sabagay, ganyan ka naman na kahit noon pa."

•••

Art Like ScarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon