Chapter 13

173 17 0
                                    

Art Like Scars

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Art Like Scars

•••

Sumubok ako. Sunod-sunod na araw ay sumubok akong kausapin si Jean, pero kada babaling pa lang ang tingin n'ya sa'kin ay parang napapatigil na 'ko. Kapag naman nagtama ang tingin namin ay walang kasing lamig ang mga 'to, iyon lang ay sapat na para magsabi na lumayo ako.

Wala naman akong pakialam kung naging sila man ni Earl, o ano. Buhay nila 'yon, desisyon nila 'yon. Isa pa, matagal na ang pangyayari na 'yon, halos magdadalawang taon na nga. Ang sa akin lang, kung naging sila man ni Earl... bakit ganoon ang trato sa kan'ya nito? Na parang hindi man lang naging sila, ni-katiting na magandang bagay tungkol kay Jean, e walang masabi si Earl. Sa banda naman ni Jean, wala 'tong nababanggit patungkol kay Earl. Parang sa mundo n'ya ay katulad lang si Earl ng iba, hindi mo kailangang bigyan ng espesyal na pansin kahit pa may nakaraan sila.

Sino kaya sa kanilang dalawa ang may mali?

Syempre, hindi ako pwedeng mamili kung sino. Malapit ako sa kanila pareho. Kaibigan ko silang dalawa.

Pinili ko na lang na magbilang ng araw nang sa ganoon ay baka lumipas din ang galit ni Jean, pero hanggang sa sumapit ang linggo ng intramurals at foundation week ay nanatili itong mailap sa akin. Parang gumuho lang tuloy ang pundasyon na ginawa ko sa pagkakaibigan na malapit na sanang mabuo.

Aaminin ko naman na minsan nakakapagod ang pagsuyo, pero si Jean kasi ito. Hindi ko s'ya pwedeng sukuan, hindi pwede. Kada makikita ko s'ya ay gusto ko s'yang lapitan, doon pa lang alam ko na, na hindi ko s'ya kayang pabayaan.

Sa kasulukuyan ay sa sulyap ko lang s'ya nababantayan. Hindi ko muna s'ya binabati, o kinukulit. Hahayaan ko muna na saglit na magkaroon ng katahimikan sa kan'ya habang intramurals pa. Tutal naman ay abala s'ya bilang namumuno sa cheering team, 'di na 'ko dadagdag pa sa kalbaryo n'ya.

Abala rin naman ako sa pagtingin sa booth ng klase, pati na sa mga utos sa student council. Mabuti na lang ay naging maayos ang naging 75th foundation week ng Dumangan High School; makulay, maingay, at masaya. Tuwang tuwa ang mga estudyante sa mga palaro, sa perya, sa aktibidades na hinanda. Ang daming bumabati kay Earl bilang presidente ng student council, maganda raw kasi ang pamamalakad nito.

Sa banda naman ng intramurals ay paminsan lang akong nanuod ng mga palaro sa tatlong araw na ginanap ito, madalas ay nanunuod lang naman ako para tignan si Jean upang makita kung okay lang ba s'ya. Mukha namang napaghusayan na n'ya nang husto na magmukhang ayos lang s'ya kahit na paminsan, o madalas hindi. Laging iisa lang ang walang ekspresyon n'yang mukha.

Nang dumating ang ika-huling araw ng foundation week ay naisipan ko na, okay na siguro; sapat na 'yung oras na hindi ko nakausap si Jean, kailangan ko na s'ya ulit kumustahin. Masyado nang matagal ang palugid na mga araw, ayoko nang patagalin pa lalo.

Bumili ako ng ticket para sa rodilyo, kanda haba-haba lagi ng pila rito at hindi nagsasawa ang mga estudyante at iba pang outsiders na dumadayo sa Dumangan High School na sakyan ito. Puro sigawan, may paminsan minsan din naman na halakhak ang maririnig ko rito. Naisip ko na mukha namang hindi nakakatakot kumpara sa mga rides na nasakyan ko sa amusement park sa Maynila, at sa Laguna.

Art Like ScarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon