Chapter 14

176 19 1
                                    

Art Like Scars

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Art Like Scars

•••

Pagkatapos ng araw na iyon ay umuwi ako na dala-dala ang saya, sa totoo lang ay hindi ko naman kasi inakala na sasagot ng oo si Jean.

Sa sunod-sunod din naming pag-uusap ay naisipan ko sanang kuhain ang numero ng telepono nila, para man lang matawagan ko s'ya kapag gusto ko s'yang kausapin kahit na wala kami sa eskwela, kaso lang ay naisip ko na parang mailap din s'ya sa pamilya n'ya, at baka kung ano pa ang isipin ng sasagot sa telepono nila kapag tumawag ako na hinahanap s'ya.

Dahil nga pumayag na ito na maging magkaibigan na ulit kami ay bumabati na s'ya pabalik sa'kin, minsan din ay nagbibigay pa s'ya ng tipid na mga ngiti. Ayos din, sa ganoon ay kaswal na kaming nag-uusap sa eskwela, lalo na kapag lunch. May kaunting ilang paminsan, pero bigla rin naman naiibsan. Magaan kasi s'yang kausap, malumanay magsalita, at kapag nagtatanong s'ya ay dire-diretso, wala ng paligoy-ligoy.

Sumasabay na rin sa'kin pauwi si Jean kaya naman inaaya ko 'to kumain paminsan sa kainan ng mami, hindi kasi katulad sa Maynila, wala naman masyadong convenience stores, o fast food chain dito sa Dumangan. Katulad ngayon, narito kami kahit na nagrereklamo 'to na ang init-init, pero patuloy pa rin naman s'ya sa pagkain.

Habang kumakain kami ng sabay ay biglang napatanong si Jean. "Sa tagal mo sa Maynila, hindi mo na ba gustong bumalik doon?"

Naghintay ito sa sagot ko habang umiinom ako ng tubig, ang bilugan na mga mata n'ya ay taimtim na nakatuon sa'kin.

"Hmmm... paminsan minsan din," tipid kong sagot. Siguro ay kuntento na kasi ako rito sa Dumangan kaya naman hindi ko na rin madalas maisip ang Maynila. Ang nami-miss ko lang siguro doon ay ang mga arcades.

Napansin ko na madalas napapatanong sa'kin si Jean tungkol sa lugar na 'yon, na parang interesadong interesado s'ya at gusto n'yang tumungo roon.

"Bakit? Gusto mo bang pumunta sa Maynila? Hindi naman gaanong kalayuan 'yon dito, mga lima o anim na oras na biyahe siguro. Pwede siguro tayong bumisita," tuloy ko.

Tumango s'ya. "Oo, pwede siguro," pagsang-ayon n'ya sa matamlay na boses.

Pinagmasdan ko ang mukha n'ya na nag-iba ang ekspresyon, siguro ay parang lumungkot? Bumaba kasi nang bahagya ang mga labi n'ya, at umiwas din s'ya ng tingin sa akin.

Bigla akong may naisip tuloy. "Sa susunod na linggo, payag ka ba kung ayain kitang pumunta tayo?"

Agad-agad na bumalik ang mga tingin sa'kin ni Jean, kumunot ang noo nito at naka-awang din ang kan'yang bibig.

Umiling s'ya at naglabas ng buntong hininga. "Hindi pwede, hindi nila ako papayagan," sagot nito sa nanghihinayang na boses. Binigyang diin din n'ya ang salitang nila na tumutukoy sa mga magulang n'ya.

Kung sabagay, istrikto kasi ang mga magulang ni Jean. Napaisip tuloy ako kung paano ko mapapapayag ang mga ito.

Nilunod ko muna ang sarili ko sa pag-iisip kung ano ang pwedeng magawa ko. Ang pagtapik ng mga daliri ko sa lamesa ang sumagot sa pansamantalang patlang namin ni Jean.

Art Like ScarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon