Kabataan ang Pag-asa ng Bayan Hindi ng Pamilya Niyo

53 0 0
                                    


Kabataan ang pag-asa ng bayan, hindi ng pamilya niyo. Iyan ang gusto kong sabihin sa mga magulang at mga magiging magulang pa. Hindi ang mga anak niyo ang magpapaahon sa inyo sa kahirapan. Hindi pamumuhunan ang mga anak niyo na balang araw mapapakinabangan niyo. Isa sa mga iresponsable at maling mentalidad ng ibang mga Filipinong magulang  na nagpapahirap sa mga anak nila. Mga nakakalason na isipan ng ibang mga Filipinong magulang na dapat baguhin na. Napakapabayang isipin na i-aasa pa talaga sa mga anak ang pag-ahon nila sa kahirapan. Napakasakim isipin na ipapasa pa sa mga anak ang pagbabago ng kanilang buhay, pero kung gugustuhin nama'y kaya nilang gawin. Bago pumutok ang butsi niyo sa opinyon ko, basahin niyo muna ang sasabihin ko.

Nakilala ko si Geneva, 14 na taon, nagtatrabaho bilang isang kasambahay sa isang bahay na inuupahan namin dito sa probinsiya. Siya ang dahilan kung bakit ko ito isinusulat dahil nagagalit ako para sa kaniya. Alam kong wala akong karapatan na magalit o isatinig sa harapan nila ang opinyon ko kaya isinusulat ko na lamang ito ngayon. Siya lang ang nagtatrabaho sa pamilya nila. Namatay ang kaniyang ama dalawang taon na ang nakakaraan. Ang ina naman niya ay nasa bahay lamang. Apat silang magkakapatid at siya ang panganay. Nakukuha niyo na ba ang pinupunto ko o hindi pa rin? Isang katorse anyos, nagtatrabaho na. Isang katorse anyos ang umaako ng responsibilidad ng mga magulang niya. Paano ang isang hamak na katorse anyos ang nagtatrabaho at pinagkakasya ang isang daang piso na sweldo araw-araw sa pamilya na may limang myembro?

Nakausap ko siya. Ang nakakatuwa lang sakaniya ay kahit ganoon ang sitwasyon niya'y palagi pa rin siyang masaya at nakangiti, hindi mo nakikita ang laki ng responsibilidad na nilalako niyang mag-isa. Tinanong ko siya kung may 4 P's sila. Ang sabi niya'y nahihiya raw magtanong ang kaniyang ina sa DSWD. Sinabihan ko naman siya na kung gusto niya ay sasamahan ko siyang magtanong sa mga kinakailangan na papeles para kahit papaano'y may makuha sila galing sa gobyerno. Tinanong ko rin siya kung bakit siya ang nagtatrabaho at hindi ang ina niya. Malaki na naman ang bunso nila na dalawang taon na. Tinanong ko siyang kung wala man lang bang planong magtrabaho ang kaniyang ina? Nginitian niya lang ako sabay iling at sinabing "Wala po ate eh. Wala po siyang maisip na trabaho na pwedeng pasukan. Hindi rin naman po siya naghahanap." Natahimik ako sa sinabi niya. Bakit parang isang dahilan lang ang sinabi ng ina nito? Kahit na anong isip ko, hindi ko maintindihan kung paanong walang nakitang trabaho ang ina niya, kung siya nga na isang hamak na bata pa lamang ay may trabaho na. Hindi ko maintindihan kung paano naipapasa ng ilang mga magulang ang responsibilidad na dapat sila ang gumagawa. Paano nila nakakayang makitang nagtatrabaho ang mga anak nila? Kung hindi naman kaya ang responsibilidad ng pagiging isang magulang, huwag anak ng anak. Ang pagiging magulang ay katumbas ng pagiging malakas ang loob at matapang. Bilang isang magulang, responsibilidad natin na gawin ang lahat para sa mga anak natin. Walang pero-pero, walang dahi-dahilan.

Sabihin niyo kung pamilyar ang mga ito: "Dapat makapagtapos ka para i-aahon mo kami sa kahirapan balang araw.", "Dapat maging isa kang ___, kasi pangarap ko ang maging ____ noon.", "Wala kang utang na loob! Ako ang nagpalaki sa'yo pero ni hindi mo man lang matulungan ang pamilya mo!" Alam kong hindi lahat makakarelate sa mga iyon, pero sa mga nakakaintindi, hindi niyo ba nararamdaman minsan na hindi patas sa inyo kung sasabihan kayo ng mga iyon? Bakit parang responsibilidad pa ng mga anak na tulungan ang mga magulang kesa magkusang loob na tulungan ang mga ito? Bakit parang utang pa ng mga anak na tulungan ang mga magulang nila sa kahirapan? Bakit gustong ipagpatuloy ng ibang mga magulang ng kanilang mga anak ang mga pangarap nilang hindi natupad? Hindi niyo ba naiisip na baka may iba silang gusto, na may sariling buhay rin sila. May sariling mga buhay ang anak niyo pero kailangan pang isipin kayo. Hindi hinahangad ng mga anak na mabuhay sa mundong ito. Hindi nila hinihingi ang mga sakripisyong ginagawa niyo sa kanila kasi responsibilidad natin iyon bilang isang magulang sa kanila. Kaya, bakit pinaparamdam ng iba na utang-na-loob pa talaga ng mga anak nila ang mga tinatamasa nila ngayon? Responsibilidad ng mga magulang ang mga anak, hindi responsibilidad ng mga anak ang mga magulang nila pwera na lang siguro kung matanda at uugod-ugod na. I-aahon mo kami sa kahirapan anak. Paano kung imbes na sabihin ito ay tayo na lang ring mga magulang ang maghanap ng paraan para maiahon natin ang sarili natin sa kahirapan. May ibang buhay ang anak natin. Oo, nga't minsan bilang mga magulang may mga pangarap talaga tayo na kailangan muna nating ipagpaliban o kalimutan para sa mga anak natin, pero dapat isipin natin na sa atin ang pangarap na iyon, hindi sa mga anak natin. Hindi rason na dahil nagka-anak ka ay hindi mo na maiaahon sa kahirapan ang buhay mo. Ika nga nila kung gusto maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan. Nasa diskarte, tiyaga at pagsusumikap lang 'yan kung paano natin babaguhin ang buhay natin. Bakit i-aasa mo pa sa anak mo ang pagpapaunlad ng buhay mo, kung pwede namang ikaw lang rin mismo ang mag-aahon sa sarili mo sa kahirapan? Na dapat ang panahon na inilaan ng mga anak niyo sa inyo ay ilaan nalang nila sa kanilang sariling buhay. Dapat maging ganito ka, maging ganyan kasi pangarap ko 'yan noon, mali. Maling-mali ang sabihin iyan sa mga anak natin. Bakit parang gusto mo pang dugtungan ang buhay mo sa pamamagitan ng mga anak mo? May mga gusto rin naman sila sa buhay. Bakit hindi natin sila papiliin kung ano ang gusto nilang gawin? Bakit gusto natin ipilit ang mga bagay na pangarap natin sa kanila kung may sarili naman silang mga pangarap sa buhay? Ang daya naman natin kung ganoon.

Hindi ko sinasabi na maging sakim tayo sa mga magulang natin o hindi dapat tulungan ang mga magulang. Ang sa akin lang kusang loob na lang iyon ng mga anak dahil sa pasasalamat sa pagiging mabuting magulang nila. Hindi responsibilidad ng mga anak, lalong-lalo na walang karapatan na magdemand ang mga magulang sa mga anak nila. Oo, bilang isang magulang gusto natin na mabigyan nang magandang buhay ang mga anak natin at inuna natin sila kesa sa mga pangarap natin pero dapat natin isipin na may kaniya-kaniya rin tayong buhay. Hindi porket hindi natin naabot ang mga pangarap natin ay i-aasa na lang natin sa mga anak natin ang mga responsibilidad namapabago ang mga buhay natin. Isang sakit ng ilang mga magulang na Pilipino na dapat mabura. Dapat tinatama na ang mga ganitong maling mentalidad. Mahalaga ang pagpapahalaga sa pamilya, pero mahalaga rin na matutunan natin na tayo ang gumagawa ng tadhana natin. Huwag i-asa sa iba ang mga bagay na kaya naman nating gawin. Huwag i-asa sa iba ang pagbabago ng ating mga buhay. Hindi dahil naging magulang tayo wala na tayong responsibilidad na baguhin and estado ng buhay natin o sundin ang ating mga pangarap. Nasa sa atin lang rin naman kung paano natin babaguhin ang buhay na ito. Isa lang ang buhay natin. Bakit i-aasa pa natin sa susunod na henerasyon ang pagbabago ng buhay natin kung kaya naman pala nating baguhin ngayon.Kung tatanungin niyo ako kung paano ko gagawin ang pagpapaunlad sa sarili ko kasabay ng pag-aako ng responsibilidad ng isang magulang. Aba'y hindi ko alam. Ang sa akin lang ay may pangarap ako na gusto kong matupad ko at gusto ko rin na maging magulang sa mga anak ko. Ika nga rin nila, gagawin mong possible ang impossible kapag naging magulang ka na. Tandaan, kabataan ang pag-asa ng bayan, hindi pag-asa mo o ng pamilya niyo.

One-shot CompilationsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon