Kabanata LXX

10.9K 646 1.2K
                                    

- AERA -

KAHIT paano ay ipinagpapasalamat ni Aera na nakapares niya ang isa sa pinakamabait na kalalakihan sa akademya. Halos bawat laro ay nagkakasundo sila at talaga namang inaalalayan siya ni Aspen ano man ang gawin nilang dalawa. Ngayon niya lang ata naranasan ang itrato na parang isang prinsesa sa kabila ng pagkakaroon niya ng mababang antas sa kanilang tribo.

"Nauuhaw ka ba?" Tanong ni Aspen sa dalaga habang sandali silang nagpapahinga sa isang upuan. Bakas sa mukha ng binata ang pagod lalo na at pawisan na rin ang mukha nito ngunit hindi pa rin maaalis ang pagmamalasakit nito para sa kapares.

"A...Ayos lang, Prinsipe Aspen. Kinakailangan ko lang maupo at magpahinga sandali." Nakangiting saad ni Aera habang bahagya niyang pinapaypayan ang sarili dulot na rin ng mainit na simoy ng hangin. Katanghaliang tapat pa rin naman kaya ganito na rin kainit sa kanilang lugar.

"Ikukuha na lamang kita ng maiinom kung sakali." Mahinhin na saad ni Aspen at kaagad na itong naglakad paalis bago pa man makatanggi si Aera.

Palihim na lamang na napangiti ang dalaga. Kung tutuusin ay magkaibigan lamang sila ni Aspen o iyon ang tingin ni Aera sa namamagitang koneksyon sa pagitan nilang dalawa ngunit kung itrato siya nito ay talaga namang parang higit pa sa isang kaibigan.

Sa isip niya ay mabait lamang talaga si Aspen at bagama't kinakantsawan siya nina Prinsesa Mishal at Eliana na may kung anong espesyal sa kanilang dalawa ay pilit na lamang niya itong isinasantabi o itinatanggi sa kanyang sarili.

Sinundan ng tingin ni Aera ang binata na naglalakad na palayo. Napaisip na lamang siya habang nakatingin dito. Para sa kanya, hindi niya tatangkain na abusuhin ang kabaitan na ipinapakita sa kanya ni Aspen o bigyan ito ng kung ano mang malisya. Magmula ng ihatid siya nito noong bugbog sarado ang mukha niya ay kaibigan na kaagad ang tingin niya dito. Hindi naman kasi siya katulad ng kanyang ate Amaya na maaaring mangarap sa mga prinsipeng katulad ni Prinsipe Aspen. Matagal na kasing nakatadhana na ang katulad niyang ikalawang prinsesa ng isang maliit na tribo ay ipakakasal na lamang sa kaniyang katribo at mamumuhay sa lupain na kanilang pagmamay-ari na ngayon kasama ang kanyang Lolo. Tanging ang kanyang Ate Amaya lamang ang maaaring makapangasawa ng isang lalaki na may mataas na katayuan sa lipunan.

Bigla naman pumasok sa kanyang isipan kung may lalaki nga ba sa buhay ng kanyang Ate Amaya. Ngayon niya lamang napagtanto na wala pa pala itong pinakikilala sa kanya na kahit sinong lalaking napupusuan nito. Noong nag-aral din kasi sa akademya ang kanyang Ate ay hindi ito masyadong nakasusulat dahil abala ang kanyang ate sa pag-aaral. Pero sa isip naman ni Aera ay hindi na kailanganin problemahin ni Amaya ang mapapangasawa nito dahil panigurado namang ipakakasal siya sa isang anak ng Aristokrata o di kaya'y kung nananatili pa rin ang kasunduan ng kanyang Lolo at ng Hari ng Umoewin ay kay Prinsipe Zephyr ito ipakakasal.

Hindi rin naman lingid sa kaalaman ni Aera na may ibang nagugustuhan si Aspen na dalaga. Nabanggit niya ito ng isang beses nang maihatid siya ng binata sa dormitoryo. Ang sabi pa nga nito ay noong ika-unang taon pa lamang niya sa akademya nakilala ang babaeng tinitibok ng kanyang puso ngunit hanggang ngayon daw ay hindi niya pa maamin ang nararamdaman niya para sa hindi kilalang babae.

Hindi na nag-ungkat pa si Aera patungkol dito dahil ayaw niya naman panghimasukan ang buhay ni Aspen. Hinahayaan niya lamang magkuwento ang prinsipe sa kanya tuwing sila ay nagkakasama. Sa isip pa nga ni Aera ay tila ba nawawala ang kadaldalan na nananalaytay na sa kanyang dugo tuwing si Aspen ang kaharap sa hindi malamang kadahilanan.

Nasa kalagitnaan naman ng pag-iisip si Aera ng kung anu-ano nang mapansin niya ang dalawang pamilyar na tao na naglalakad hindi kalayuan sa kanyang kinauupuan.

Ayon sa kanyang nakikita ay hindi mapagkakaila ang pagiging malapit ng dalawa lalo na at nakaakbay ang lalaki sa babae at tila ba napakasaya ng pag-uusap ng dalawang ito. Sandali pang pinanonood ni Aera ang prinsesa at prinsipe na nagbubulungan na ngayon bago pa niya mapagdesisyunan na lumapit dito.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon