#28 Sa Kahit Anong Bakas

23 4 0
                                    


Kinakanlungan ng mga sumasayaw na apoy ang namumugtong mga mata. Nagmumula sa kandilang malapit nang matunaw sa katagalan ng aking pagtitig kaakibat ang repleksyon ng mga inaasam na gumagalaw na retrato. Naglalaro sila. Kupas na ang senaryo ngunit paulit-ulit pa rin itong tumatakbo na parang isang sirang makina.

Sa isang lumang papel, gumuhit ako ng isang ngiting kailanma'y hindi mawawala. Mga matang kailanma'y hindi aanurin ng mga luha. Mga kurtina ng buhok na dumadampi sa kilay na dahilan ng iyong pagka-irita.

Isasalba ko lahat ng mga bagay na magpaparamdam sa akin na nasa tabi pa rin kita.

Gagawan kita ng yungib at isisigaw ko lahat ng mga paalala na aking sinta,

Ibubulong ko sa'yo ang mga pangarap nating dalawa nang walang pangako ng pagkabilanggo.

Ikukuwento kita sa mga kuliglig at alitaptap na nagpapakalma sa ating mga delubyo.

Iipunin ko sa isang kabibe ang koleksiyon ng mga boses mo at gagawa ako ng isang museo.

Na kahit gabi-gabi ko man itong pakinggan,
hindi ako magsasawa.

#YakapNgTalata

Yakap ng TalataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon