TAMIS 9

5.1K 411 179
                                    

Kanina pa tinatawagan ni Aurea si Devin dahil naputol ang tawag nito kaninang madaling-araw ngunit hindi naman nito sinasagot. Marahil ay tulog pa rin ito hanggang ngayon.

Alam naman niyang hindi naging maganda ang huli nilang usapan. Napansin din niya ang bahid ng inis habang kausap niya ito. Halata naman iyon sa boses ng lalaki kaya hinayaan na lang muna niya.

Lilipas din iyon.

Marami rin kasing bumabagabag sa kaniya. Hanggang ngayon kasi ay naghihintay pa rin siya ng tawag mula sa mga kumpanyang in-apply-an niya ng trabaho.

Nag-iisip na rin siya ng mga puwedeng i-negosyo kahit small-time muna para kahit wala pa siyang stable job ay kumikita pa rin siya kahit kaunti.

Aminado siyang nakararamdam siya ng inggit sa mga kakilala niyang magaganda na ang estado sa buhay. Habang siya'y iniisip pa rin kung ano ba talaga ang gusto niyang mangyari at marating.

Marami namang oportunidad na dumarating pero hindi naman ito nagtatagal dahil sa maraming kadahilanan.

Ang natitira na lamang niyang pag-asa ay ang pag-pursue sa pangarap niyang maging writer. Kahit parang walang patutunguhan, sinusubukan pa rin niya. Sa tingin niya kasi ay dito lang siya magaling. Ito lang 'yong bagay na hindi siya napipilitang gawin.

Kaya heto siya ngayonnakatitig sa screen ng laptop, nag-iisip kung ano'ng mangyayari sa susunod na kabanata ng kaniyang nasimulang istorya.

Pasulyap-sulyap din siya sa cellphone at baka biglang mag-message si Devin sa kaniya. Gusto niya sanang humingi ng tawad dito dahil sa mga harsh words niya pero tinatablan siya ng hiya.

Sobrang harsh nga ba?

Nagdadalawang isip siya kung tatawagan ba ulit ang lalaki o hindi. Baka isipin naman nitong naghahabol siya ngayon o baka mabara pa siya't sabihing, "Na-miss mo ako, ano?".

Alam na niya kasi ang likaw ng bituka n'on.

Napatingin siya sa orasan. Mag-a-alas dose na ng tanghali pero tulog pa rin ito.

Araw-araw naman itong nag-iiwan ng mga mensahe sa kaniya. Kadalasa'y alas singko o alas sais pa lang ay mag-gu-good morning na ito at magre-remind ulit para sa mga dapat niyang gawin buong araw.

Nakapagtataka dahil ngayon lang ito tinanghali ng gising.

Gusto na sana niyang i-message ang mga katropa nitong sina Yuan Del Castillo at William Angeles na nakatira sa apartment building kung saan naroon din si Devin pero ayaw naman niyang magmukhang girlfriend na naghahanap at nag-che-check sa nobyo nito.

Naisip niyang kontakin si Myleen pero hindi niya gagawin iyon dahil umiiwas siya sa tsismis. Sa kadaldalan no'n ay baka buong bayan pa ang makaalam na siya ay buntis at ang tenant nito ang ama.

Napahaplos siya sa kaniyang buhok dahil sa pag-aalala. Marahil galit ito sa kaniya ngayon kaya hindi sinasagot ang tawag niya.

Ngunit imposible iyon dahil hindi naman ito 'yong tipong mapagtanim ng sama ng loob. Palagi pa nga itong kalmado at nakangiti.

"Baby, call natin si Daddy ulit?" tanong niya habang hinimas-himas ang tiyan.

Naging ugali na rin niya ang pakikipag-usap dito lalo na kapag siya lang mag-isa. Kung minsan nama'y kinakantahan pa niya 'to at nakikinig din siya ng mga classical music. Nakatatalino raw iyon ng anak, sabi ng iba.

Imbis na sa Messenger siya tumawag ay dumiretso siya sa personal number nito. Mga ilang segundo rin itong nag-ring pero wala pa ring sumasagot. Sinubukan pa niya hanggang sa panlimang tawag ay sumagot na ito.

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon