TAMIS 16

5K 379 194
                                    

Pinagmamasdan ni Aurea ang larawan nilang dalawa ni Devin bilang mag-asawa habang siya ay nag-e-empake ng mga gamit na dadalhin niya sa apartment nito.

Napagdesisyunan na niyang manirahan doon simula ngayon. At ito ang unang pagkakataong mahihiwalay siya sa kaniyang magulang at kapatid kaya aminadong natatakot siya sa mga problemang posible nilang kaharapin balang araw.

Inisa-isa niya sa kaniyang isipan ang mga magagandang katangiang mayroon ito.

Noong una niya 'tong nakita sa bahay nina Myleen ay hindi naman gaanong masama ang impresiyon niya rito.

Mukhang pilyo at palikero pero hindi naman 'yon ang naging basehan niya para sumama rito kung 'di ang pagiging totoo sa sarili.

Palagi itong nakangiti at nagpapatawa kahit sa mga simpleng bagay lang.

Gagawin nito kung ano ang gusto nang walang pag-aalinlangan.

Mukhang walang pakialam kung titingnan sa itsura ngunit ito'y maaalahahin naman pala. At isa pa sa mga napansin niya ay mapagbigay ito ng atensyon.

Hindi ganoon noong una silang nagkakilala ni Pierre. Ilang buwan pa bago sila magkapanatagan ng loob at ilang taon ang ginugol nila para makuha ang tiwala ng bawat isa.

Habang sila ni Devin, ilang oras pa lang nagkausap no'n ay ipinagkatiwala na niya ang sarili rito.

Siguro nga'y marupok at malandi ang maitatawag sa kaniya ng mga taong hindi naman siya kakilala talaga.

Madali naman para sa iba ang husgahan ang isang tao base lamang sa mga naririnig nilang kuwento.

Sa panahon ngayon, mas marami pang side comments kaysa roon sa mga tunay na makaiintindi sa 'yo.

Kaya kung ano man ang iisipin o sasabihin sa kaniya ng iba ay hindi na lamang niya pagtutuunan ng pansin.

May isang bagay na mas dapat niyang pagtuunan ngayon ng atensyon—ang kaniyang pagbubuntis.

"'nak, magkahiwalay ba kayo ng kuwarto roon?" Napaangat siya ng tingin sa Mama niyang nakasilip sa may pintuan. Pumasok naman ito at umupo sa gilid ng kama bago kinuha ang larawan nila ni Devin. "Bagay kayo kaysa roon sa isang mukhang kargador."

Natawa siya sa panlalait nito kay Pierre. Hindi naman talaga mukhang kargador ang lalaki pero dahil sa galit ng nanay niya roon ay pinauulanan na lang palagi ng insulto.

"Ano, sagutin mo tanong ko. Magkahiwalay ba kayo ng kuwarto ni Devin?" pangungulit ng nanay niya.

Napailing siya. "Mama naman. Ano pa ba ang mawawala sa akin, eh ang laki na nga ng tiyan ko?"

Hindi naman sa gusto niyang makasama si Devin sa iisang silid pero wala naman talaga siyang choice dahil isang kuwarto lang ang mayroon sa apartment nito.

"Aba, nagtatanong lang ako kung magkahiwalay kayo o magkasama. Ang gusto ko lang sana sabihin eh baka naman mapuno mo na ang kuwarto ng asawa mo roon sa dami nang inempake mong gamit," paliwanag nito, nakamuwestra pa ang kamay sa mga gamit niya.

Bigla siyang napayakap sa kaniyang ina. Hindi man siya palaging sweet dito ay gusto pa rin niyang iparamdam kung gaano niya ito kamahal.

Hindi pa man siya nakaaalis sa bahay nila'y para bang gusto na niyang maiyak dahil ma-mi-miss niya ang kaniyang nanay na kasama niya buong buhay niya.

"Mama, lagi pa rin kaming dadalaw ni Devin dito, ha? Lagi mo pa rin kaming ipagluluto. Dito pa rin ako mag-se-stay kapag na-bore ako roon sa apartment o kapag wala akong mapuntahan kaya huwag mong gagawing bodega 'tong kuwarto ko, ha?" Hinaplos niya ang likod nito nang marinig niya ang mahina nitong pagsinghot. "Video call tayo minsan. Si Kuya naman mukhang matagal pa namang mag-aasawa kaya may makakasama ka pa rin dito."

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon