TAMIS 24

4.8K 350 194
                                    

Naging mabilisan ang paglilipat nina Devin sa kanilang bagong tirahan sa kalapit na subdivison dahil malapit na ring manganak ang asawa.

Mabuti na lamang at tinulungan sila ng kanilang pamilya at mga kaibigan sa pag-aasikaso pati sa pag-aayos ng gamit sa loob ng bahay dahil hindi nila kakayaning gawin lahat ng 'yon nang silang dalawa lang.

Sunod din nilang inasikaso ang pagbili ng mga gamit para sa kanilang baby. Nagtulungan silang dalawa sa pagdidisenyo at pagsasalansan ng mga bagay-bagay sa kuwarto nang magiging anak nila.

At si Aurea rin ang pumili ng ibang mga gusto nitong ilagay sa kanilang tahanan dahil gusto niyang maging komportable ito sa sariling pamamahay.

Achievement kung tatawagin ang makitang natutuwa ito sa mga nangyayari sa kanilang buhay.

Iyon naman ang kaniyang tunay na hangarin—ang mapasaya ang asawa.

Dahil sa mga naipon niya mula sa siyam na taong pagtatrabaho pati na rin sa mga kinikita niya sa kaniyang mga negosyo ay nagawa niyang magpundar ng bahay at lupa para sa kanilang dalawa.

Nauna pa nga ang mga kotse kaysa roon pero ang mahalaga'y kinaya niya rin ang pagkuha ng property. Hindi man mansiyon ay alam niyang sapat na ang laki no'n para sa kanilang bubuuing pamilya.

Malaki rin ang itinulong ng kaniyang mga magulang para mabayaran na iyon ng buo. Hindi naman din niya kasi kayang maglabas ng milyun-milyong piso nang isang bagsakan kung kaya't huhulog-hulugan na lamang niya iyon sa mga ito.

Ang laking alwan dahil wala siyang kailangang bayarang interest at hindi siya masyadong mangangarag sa pagbabayad.

Masasabi niyang mas nagkaroon ng direksyon ang kaniyang buhay.

Kung dati'y gusto lamang niyang mag-ipon para makabili siya ng mga luho't makapag-travel sa iba't ibang bansa, ngayon ay may mahalagang napupuntahan ang kaniyang mga pinagpapaguran.

Hindi man sila nagsimula bilang magkasintahan katulad ng pinapangarap ng karamihan ay gumawa naman siya ng paraan para makuha ang tiwala't loob ni Aurea.

Dahil likas siyang masayahin at palabiro, nakatulong 'yon sa kanilang pagsasama. Sa palagay naman niya ay hindi tatagal ang asawa sa kaniya kung hindi mabuti ang pakikitungo at trato niya rito.

Hindi rin naman siya naging iresponsable para magreklamo ito sa kaniya. Sa palagay naman niya ay wala siyang naging pagkukulang dito kahit abala rin siya sa maraming bagay.

Hindi man niya masabi nang diretsuhan ay alam niya kung gaano kahalaga ang babae sa kaniya.

Hindi man siya katulad ng ibang lalaking nababasa nito sa Wattpad na kinaaadikan nito o hindi man siya ang tipong pang-leading man sa isang pelikula o drama ay mataas naman ang kaniyang kumpiyansa sa sarili.

Kung gusto ng ibang babae ang misteryoso at hard to get na lalaki, puwes hindi siya 'yon. Kung gusto ng mga ito 'yong kasing yaman ng mga artista at model, puwes hindi rin siya 'yon. Kung gusto ng iba ng makalaglag panty na pagpapakilig, puwes hindi rin sa kaniya makukuha 'yon.

Siya lang naman si Devin Francisco na kayang magpakatotoo sa sarili at hindi kailangang magpahanga para lang makuha ang loob ng mga tao.

Siya 'yong lalaking makatotohanan at hindi katulad ng mga nababasa at ikinukuwento ni Aurea sa kaniyang mga bidang lalaki sa Wattpad.

Hindi nga siya kinababaliwan ng mga babae pero umaasa siyang balang araw, ang misis niya ang tuluyang mababaliw sa kaniya.

At hindi siya titigil hangga't hindi nangyayari ang inaasam.

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon