MAXSPAUN MOON : PART 2

444K 18.3K 50.2K
                                    


CHAPTER SEVEN

MAXSPAUN MOON : PART 2

PABUGANG PINAKAWALAN ni Maxpein ang kaniyang buntong-hininga. Sapo ang kaniyang batok, lumapit siya kay Maxspaun at naupo sa kanyang paanan upang magpantay ang kanilang mga mata. Sandali pang tumitig si Maxpein sa kaniyang anak, hindi pa rin makaahon sa gulat mula sa pinakita nitong abilidad. Saka siya ngumiti matapos matitigan ang inosente nitong mukha.

"What you did was great, Spaun. It was shocking and...excellent. You made mommy really proud."

Hindi naitago ni Maxpein ang paghanga sa kaniyang tinig nang sabihin 'yon. Saka siya muling nag-angat ng tingin sa palasong nakatarak pa rin sa gitna ng tudluan. 'Ayun at dama na naman niya ang gulat at paghanga. Bigla ay parang gusto niyang tawagan ang bawat myembro ng kanilang pamilya at ipagmalaki ang nagawa ng anak niya. Gaya noong bata pa siya. Kung saan gusto niyang ipakita sa lahat ang achievements na nakukuha niya.

"Mas mahusay ka pa sa 'kin no'ng ako ang nagsisimula, Spaun."

Ngumiti si Maxspaun at nakamot ang kaniyang ulo. "Thank you, nanay."

"Tell me, saan mo natutunan 'yon?" usisa ni Maxpein.

Lalong ngumiti si Spaun. "From watching you."

Natigilan si Maxpein at napatitig sa kaniyang anak nang gumapang ang kilabot sa kaniyang katawan. Mas tumindi pa ang nararamdaman niyang paghanga. Sigurado siyang ang paghangang iyon ay hindi lang dahil anak niya ito. Kundi talagang mahusay ang pinakitang 'yon ni Spaun, lalo na ang dahilan nito kung paanong natuto.

"You're doing it almost everyday, mama," dagdag pa ni Spaun.

Napapailing siyang ngumiti, tuwang-tuwa. Pero ang isip niya ay pilit na pinoproseso kung paano nito nakuha ang tamang paggamit ng palaso sa pamamagitan ng panonood lang. Sapagkat alam niya kung gaano kahirap ang paggamit niyon. Natatandaan niya kung gaano katagal bago siyang natuto niyon. Hindi niya maisatinig ang paghanga dahil gano'n kabilis na natutunan ng anak niya iyon.

"You're unbelievable," hindi mawala ang paghanga ni Maxpein. Panay ang pag-awang ng labi niya, akmang susundan ang sasabihin para purihin ang anak. Pero walang lumalabas na salita, kundi pulos pagngiti at pagbuntong-hininga dahil sa saya.

Ngumiti si Maxspaun at hinaplos ang pisngi ng kaniyang ina. "Hindi lang po 'yon ang kaya kong gawin, mama,"nakangiting sinabi nito saka inalis ang maliliit nitong daliri na humahaplos sa kaniyang pisngi.

Pinigilan ni Maxpein na ipakita ang gulat nang matigilan siya, awtomatiko niyang nilaparan ang ngiti. "What do you mean?"

"Kaya kitang talunin."

Umawang ang labi niya sa sandaling gulat ngunit awtomatiko ring tumawa. "Syempre naman." Sinakyan niya na lang ang sinabi nito kahit alam niyang imposible 'yon.

Pero ang ngiting iyon ay tuluyan nang nawala nang talikuran siya ni Maxspaun upang lumapit sa mesa kung nasa'n ang mga armas. Nagpataas ito upang maabot ang espadang gawa sa kahoy at isang pinaglumaang arnis na galing pa sa practice room nila sa mansyon. Hindi lang si Maxpein ang nakapagsanay gamit ang arnis na 'yon. Dumaan din iyon sa kamay nina Mokz, Maze, Maxwell, Maxrill, Deib Lohr, Heurt at ngayon, kay Maxspaun.

Tumayo si Maxpein at nangingiting tiningnan ang anak, hinihintay kung ano'ng ipapakita nito. Pero gano'n na lang ang gulat niyang pagsalo nang ibato nito sa kaniya ang espadang gawa sa kahoy at agad pumuwesto sa kaniyang harapan.

"Mm?" napailing si Maxpein, tinitimbang ang gustong mangyari ng kaniyang anak.

Ngunit natawa siya nang ihakbang nito ang maliit na paa sa harapan at isangga ang libreng braso na para bang gano'n ang tamang paghahanda nito kung umatake man siya.

MTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon