PROLOGO: MISTERYOSONG MGA MATA

462 87 253
                                    

Baranggay Isigan, 6:45 pm. Hulyo 26, 2017.

Nagkukumahog ang mga malalapit na kapitbahay patungo sa crime scene. Nagsisiksikan ang mga 'yon, makita lamang ang mga nangyayari. May iba pa nga na hinanda ang mga camera ng cellphone at pilit na tinututok ang mga 'yon sa kaganapan. Anupa't sa gitna ng kaguluhan ay sari-saring kwento na naman ang binahagi ng mga Marites sa isa't isa.

"Hoy! Ano ba?! Bawal sabi rito eh," iritadong sita ni PO2 Danilo Ruiz sa mga tao. Isa siyang baguhang Police Investigator na nakadestino ngayon sa Baranggay Isigan. Bilang member ng CIDG, layunin din niyang mag-imbestiga tungkol sa kasong ito. May barricade tape na sa lugar para hindi sila magambala sa ginagawa ngunit hindi siya mapakali dahil sa ingay ng mga tao.

"Hinay lang Danilo. Mag-concentrate ka sa trabaho. Huwag mo silang pansinin," lapit ni Ramil Manzano na tinapik siya sa balikat. Siya ay isang Crime Scene Analyst Investigator. May itsura ang lalaki at mukhang nasa 20's lang ang edad.

Nang dumating ang mga first respondent sa scene, nakita nila ang walang buhay at duguang batang lalaki na nakahandusay sa madilim na kalsada, malapit sa abandonadong bahay na naroon. Naglagay agad sila ng barricade tape at tinawagan si Ramil Manzano, dahil kilala siya bilang isa sa pinakamagaling na investigator sa Pampanga.

Tumingin muli si Danilo sa lugar. Tinignan niya ang mga kasama, may dalawang pulis na first respondent sa scene. Sila ang humaharang sa mga tao. Nandito na rin ang mga member ng SOCO team na binubuo ng isang photographer, sketch preparer, evidence recorder at isang medical examiner.

Si Jejomar Devera, ang Photographic log recorder, panay ang pagkuha niya ng litrato sa paligid. Pati mga gamit ng bata na nakakalat sa kalsada ay kinuhanan din niya ng litrato. May mga bahid ng dugo ang mga iyon.
Kinunan niya ng litrato ang bangkay ng biktima sa limang anggulo--- mula sa straight overview, foot to head, right to left, head to foot at left to right. Tumingin siya sa malaking tipak ng bato na malapit sa ulo ng bata. May bahid ng dugo ang bato at may dilaw na evidence marker na katabi iyon.

Si Isagani Alonzo, siya ang sketch preparer. Umiikot ang paningin niya sa paligid at ginuguhit ang sukat at itsura ng mga 'yon. Rough sketch lamang ang ginagawa niya, aayusin na lamang niya ito mamaya. Sa tapat ng isang abandonadong bahay na malapit sa 'Agsikapin Elementary School of Isigan' naganap ang krimen. Sinigurado niya na tama ang measurement at location ng mga ginuguhit.

Si Edcel Munoz naman ang Evidence recorder. Kinukudkod niya ng cotton swab ang mga dugo na nakakalat sa sementadong kalsada at inilagay sa loob ng swab box bago ipasok sa maliit na paper bag. Pagkatapos ay nilalagyan niya ng seal ang paper bag. Sinusuri din niya ang paligid at nilalagyan ng fingerprint powder ang ilang nakakalat na gamit, lalo na ang bato na sa tingin niya'y ginamit din ng suspek sa pagpatay.

At ang Medical Examiner ng team na si Dr. Jovan Arellano. Sinusuri naman niya ang katawan ng biktima. Nilagyan niya ng chalk outline ang katawan nito at sinusuri din niya ang paligid. Napansin niya na nagkalat ang dugo roon.

"May problema ba, Dok?" lapit ni Danilo sa lalaki.

"Wala naman, sinusuri ko lang ang blood splatter," paliwanag ni Jovan. "Batay sa nakikita ko hinambalos ng malaking bato ang biktima. Sa dami ng dugo rito sigurado akong hindi lang isang beses 'yon ginawa ng suspek."

"Grabe. Kawawa naman talaga," sagot ng baguhang investigator na tumingin sa katawan ng bata. Hindi niya maiwasang maawa sa sinapit ng biktima.

Lumingon si Jovan sa likod nang marinig ang malakas na iyak ng isang babae. Nakita niya roon ang isang ale na tumatangis at kausap ang dalawang pulis na first respondent sa lugar. "Siya ba iyong nanay?" tanong niya kay Danilo.

"Oo dok," tango nito.

"Ang huling nakakita sa bata ay iyong tindera d'yan sa Sari-Sari Store," lapit ni Ramil sa kanilang dalawa. Dala niya ang notes, ballpen, at documentations na gawa niya kanina lang.

"That explains this," turo ni Jovan sa nagkalat na sitsirya sa sahig.

"Bumili muna siya ng foods bago siya nagpunta rito," nasambit ni Danilo, "Pero bakit siya pupunta rito nang ganitong oras?"

Tumingin si Jovan sa bandang kaliwa. Tanaw roon ang Agsikapin Elementary School. Mukhang sarado na ang paaralan at napakadilim sa gusaling 'yon. "May guard ba sa school ng ganitong oras?" tanong niya sa mga kasama.

"Maaari," sabi lamang ni Ramil at naglakad.

"Saan ka pupunta sir?" pahabol na sigaw ni Danilo.

"Sa school," simpleng sagot lamang nito na hindi lumingon sa kausap.

"Wait lang sir! Samahan kita," pigil ng matabang pulis na humabol kay Ramil.

Nang mawala sa harap niya sina Danilo at Ramil, sinuri muli ni Jovan ang bata. Nakadilat pa ang mga mata niyon. Napabuntong-hininga siya at nanghinayang sa buhay na nawala. Hinawakan niya ang talukap ng mga mata nito at ipinikit. Nanalangin na sana maging payapa ang kaluluwa ng bata kahit ganito ang sinapit niya.

Napatingin si Jovan sa harap at nakita niya ang madilim na bahay. Ang buwan at poste ng ilaw lamang ang nagbibigay ng liwanag doon. Sa unang tingin, malalaman mong abandonado na 'yon. Tumayo siya at tumitig doon nang napakatagal. Naningkit ang mga mata niya. Naaninag niya na may anino roon ng tao. Dumaan ang anino at sa wari niya'y naglakad sa loob.

"Sino iyon?" tanong niya sa isip. Walang pag-aalinlangan na naglakad siya palapit.

"Dok, wala pong tao riyan. Nag-check na ako riyan," sabi ng isang tinig.

Napatigil siya sa paglalakad at napalingon sa nagsalita. Si Isagani pala.

"Sigurado kang walang tao?" tanong muli niya sa sketcher ng grupo. Tumango lang si Isagani.

Muli siyang nagbuga ng malalim na hininga. Hindi na niya masyadong inisip kung ano ang nakita. Nagtitiwala naman siya sa kakayahan ng mga kasama sa pagsuri sa paligid. Isa pa, may mas mahalaga pa siyang dapat gawin ngayon.

"Okay then," tinanggal niya ang bara sa lalamunan. "Pakitulungan ako na ilagay na sa body bag ang katawan ng bata. Kailangan na niyang ma-autopsy."

"Yes dok," tumango si Isagani at pumunta sa loob ng coroner vehicle. Kumuha siya ng body bag at tinawag niya si Jejomar at sinabing pakitulungan sila.

Pinagtulungan nila na maipasok sa body bag ang bata. Binuhat din nila ito sa stretcher at pinasok sa likod ng sasakyan.

"Habang ginagawa ko ang autopsy. Magpatuloy kayo na mag-imbestiga rito," bilin ni Jovan na nilibot muna ang paningin sa crime scene.

"Syempre naman dok," sabi ni Jejomar at muling bumalik sa lugar kung saan may chalk outline. Kinunan niya iyon ng litrato. Pumunta na rin si Isagani sa tabi ni Edcel at tinulungan ang lalaking maglipat ng finger prints.

Samantala, patingin-tingin pa rin si Jovan sa abandonadong bahay. Pakiramdam talaga niya ay may kakaibang nilalang sa loob niyon. Hindi siya naniniwala sa mga aswang o maligno, ngunit malakas ang kutob niya pagdating sa panganib. Nararamdaman niya na may maitim na pwersa sa loob ng bahay.

"Dok? Tara na?" tawag sa kanya ng driver ng vehicle.

Muling napunta ang atensyon niya sa iba. Kailangan niyang mag-focus ngayon at huwag munang pansinin ang ibang bagay.

"Oo, sige," simpleng sagot niya at pumasok na sa loob ng sasakyan. Isinara niya ang pinto.

Umalis si Jovan sa crime scene dala ang katawan ng bata upang masuri ito sa laboratoryo. Naiwan naman sina Isagani, Edcel, at Jejomar. Sina Ramil at Danilo naman ay magkasamang nag-interrogate sa guard na naka-duty sa paaralan.

Lingid sa kaalaman ng lahat, may isang pares ng mata na nakatingin sa kanila roon sa abandonadong bahay...

𝕋𝕙𝕖𝕣𝕖'𝕤 𝕒 𝕄𝕒𝕟 𝕚𝕟 𝕥𝕙𝕖 ℂ𝕒𝕓𝕚𝕟Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon