Kabanata 1

9.6K 172 70
                                    

Every 17th

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Every 17th

•••

GUMUHIT ANG MGA NGITI SA LABI KO nang matanaw ko na ang mga namumukadkad na mga bulaklak na tanim ni Manang Tinay. Pinabilis ko lalo ang pag padyak sa pedal ng bisikleta ko para makarating ka agad sa plantasyon nito. Nagmamadali kasi ako dahil may importante akong kailangang puntahan. Naiisip ko pa lang iyon ay napapangiti na ang loob ko.

“Dayang!” tawag sa’kin ng isang tinig na mabilis kong nalagpasan. Sa palagay ko ay si Manang Ata ‘yon base sa matining nitong boses na palagi kong naririnig kapag dumaraan ako sa kalsada na ‘to.

Binagalan ko ang pagpadyak ko para maingat ko ‘tong malingon. Nakumpirma ko ngang ang babaeng may katangkaran, payat na pangangatawan at halos puti na lahat ang buhok ay si Manang Ata, isa sa magsasaka sa malawak na bukid hindi kalayuan sa bahay at sinasakahan nila Rafael.

Ginawa kong pang harang mula sa tirik na araw ang isang palad ko sa mga mata ko. 

“Bakit po?” pasigaw na balik ko pero sa magalang pa rin na tono. 

“Mag-ingat kang bata ka! Huwag kang magmadali at baka madisgrasya ka,” paalala nito sa’kin. Bakas ang pag-aalala nito sa boses at ekspresyon n’ya. 

Ang mga kabaitan ng tao rito ay isa sa mga kinalakihan ko.

Napatawa ako sa gawi nito, nerbyosang babae talaga s’ya. “Huwag po kayong mag-alala, Manang Ata, hindi na po ako lampa!” Kumaway ako rito bilang paalam. 

Tumango naman ang may edad na babae kahit ang nakapinta sa mukha nito ay isang pagngiwi na nagsasabing wala s'yang tiwala sa sinabi ko. Pero ‘di naman na ‘ko lampa, ni hindi na nga halos kita ang mga peklat ko sa tuhod na nakuha ko no'ng bata-bata pa ‘ko.

“Una na po ako!” Dali-dali rin akong bumalik sa pagpadyak nang mabilis.

May nadaanan pa ‘kong ibang magsasaka na halos araw-araw kong kinakausap at binabati. Ganito naman kasi talaga ang buhay sa probinsya, halos lahat ay magkakilala. Halos lahat, alam ang istorya ng isa't isa.

Binati ko ng may kasamang ngiti ang mga magsasaka na nadaanan ko, habang isasagot naman nila ang palayaw kong Dayang. Mas sanay pa ata akong tawagin ako sa palayaw na ‘yon kaysa sa mismong pangalan kong Yngrid. Sa bahay at eskwela ko na lang ata naririnig ‘yon. Kung tutuusin, mas gusto ko rin naman kasi ang pagtawag sa’kin ng Dayang. 

Simula bata pa lang ako ay binigay na sa’kin ng mga kapit-bahay naming magsasaka ang palayaw ko na ‘to na ang ibig sabihin daw ay prinsesa. Nakakatawa man pakinggan, pero ‘yon ang totoo. Mapusyaw daw kasi ang kutis ko dati noong bata pa 'ko at kakalipat pa lang namin dito sa Idiyanale. Namana siguro kay Mama dahil may lahi raw na mestiza iyon. Pero kalaunan ay hindi ko rin naman naalagaan ang mapusyaw kong balat, madalas kasi akong bilad sa araw. Tumutulong ako sa lupain namin na may tanim ng mga puno ng buko, kamatis, at iba’t ibang gulay at prutas dahil ‘yon ang pamumuhay na tinuro sa’kin ni Papa. Gayon pa man, maswerte na rin ako dahil may malaki-laking lupa kami na bumubuhay sa’ming pamilya. Pasalamat ko na lang dahil komportable kaming namumuhay.

Every 17thTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon