Fifth

151 22 2
                                    

"FIVE AM, bihis ka na ah!"



"'Di naman ako hubad."



"Eli!"



"Bakit ba kailangang kasama ako?"



"Kasama ka naman palagi ro'n ah?"



Para tayong tangang paikot-ikot sa basketball court na walang ibang tao bukod sa 'ting dalawa. Bwisit ka kasi, lakad ka nang lakad. Ako naman, sunod nang sunod habang pinipilit kang sumama sa family gathering namin. Every summer kasi may event ang Torre Family, at oo, 'di ka naman Torre pero taon-taon ka ring nandoon. Epal ka eh.



"Eh, may laro nga kami bukas," sabi mo saka ini-shoot ang hawak mong bola. Pasok 'yon. Ngumiti ka bago ibinagsak ang sarili mo para umupo sa mismong gitna ng court.



Tinabihan kita pero nakayuko lang ako. Pagkaupong-pagkaupo ko, ramdam ko nang tinignan mo ako. Pagkatingin na pagkatingin mo pa lang sa 'kin, alam ko nang alam mo na may mali. "Dadating kasi si Tita Gabriel," halos pabulong na sabi ko. Sabay tayong napabuntong-hininga.



"Oo na," bigla mong sabi. Tumayo ka at inilahad kaagad ang dalawang kamay mo dahil alam mong mahihirapan akong buhatin ang sarili ko.



"Hmm?"



"Sasama na 'ko bukas," paglilinaw mo saka kinuha ang bola mo. Lumapit ka ulit sa 'kin at itinulak ako sa direksyon ng gate. "Umuwi na tayo at matulog ka na. Baka bukas ikaw 'tong hihintayin namin."



Hindi na ako umangal sa mga pasaring mo. Masaya lang ako na may siguradong kadaldalan ako sa family gathering. "You the best!"



"Alam ko."



Wala pang alas-singko, kinabukasan, kumakatok ka na sa kwarto ko. Excited amputa. Ngiting-ngiti ka sa madaling araw. Poging-pogi sa madaling araw.



Sa dami ng energy mo, hindi natin namalayan ang biyahe. Puro tayo daldalan, asaran, at minsang sinaway nina mama at papa dahil tuluyan na tayong nag-away. Tulad naman ng normal nating mga bangayan, saglit lang at nagkukulitan na tayo ulit.



"Aba, Millina, parang mas lumaki ka pa ah?" Nasa entrance pa lang tayo nang salubungin tayo ni Tita Gabriel. Nagkatinginan tayo. Pinilit kong ngumiti.



"H-Hello po—"



"Nako, Mira, hindi mo pa rin ba dina-diet 'tong anak mo? Sabi ko naman sa 'yo, hindi 'yan maliligawan kung ganiyan."



"Ate, napag-usapan na natin 'to, 'di ba?" Si papa na ang nagsalita, alam din na nagtitimpi lang si mama na masigawan ang kapatid niya. Obvious na sinadya niyang hilahin si Tita Gabriel papalayo sa 'kin. Lumapit silang tatlo nina mama sa iba pang matatanda at naiwan tayong nakatayo roon, pinoproseso ang mga narinig natin.



"Gutom na 'ko, kain tayo." Naputol ang panliliit ko sa sarili ko nang marinig ko ang boses mo.



"Ha? A-Ano, busog pa 'ko—"



"Ikukuha na rin kita. Humanap ka ng table."



Ginawa mong unli restaurant 'yong family gathering. Kulang na lang magpatulong ka sa mga waiter sa dami nang dala mo pagdating sa table natin. Dadalawa tayong nakapuwesto roon, napuno ang lamesa ng mga platong may iba't ibang putahe.



"Kainin mo lahat ng gusto mo," utos mo sa 'kin.



Sandali kong nakalimutan ang mga pinagsasabi ni Tita Gabriel dahil sa sarap ng mga pagkain. Nagkukulitan na tayo ulit. Habang kumakain ng dessert, nanonood tayo ng Tiktok videos sa cellphone mo. Ikaw ulit ang nag-i-scroll dahil 'di ko mabitawan ang ice cream.



25 StepsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon