Ninth

145 20 10
                                    

NINE days before Christmas, magkasama kami ni Gray na sinimulan ang simbang gabi. Sobrang kakaiba sa 'kin ang gabi na 'yon. Para bang sobrang seryoso na kami sa isa't isa dahil magkasama na kaming nagsisimba.



Hanggang sa matapos ang misa at lumabas kami, parang nakalutang ang puso ko. Tumambay kami sa maliwanag na plaza kung saan maraming street vendors at mga batang naglalaro. Tahimik lang akong kumakain ng puto bumbong nang maramdaman kong ipinatong niya ang jacket niya sa likuran ko. Hindi lang basta nawala ang lamig na dala ng hangin, nag-init din ang mga pisngi ko.



Normal ang takbo ng usapan namin, tulad ng usual naming kuwentuhan sa tuwing nasa library kami. Hindi nawawala ang mga ngiti namin at maya't maya kaming tumatawa. Naputol lang ang usapan namin nang may tumugtog nang malakas.



Napalingon kami sa mga nagkukumpulang kabataan at nagkatinginan nang magsimula silang magsayawan. Nakangiting inilahad ni Gray ang kamay niya at habang inaabot ko 'yon, naalala ko 'yong dance performance natin no'ng Grade 12. Lumubog nanaman ang puso ko.



"Mag-gym kaya ako para pumayat ako?" hindi ko napigilang sabihin nang makabalik kami ni Gray sa kinauupuan namin. Saglit lang kaming sumayaw. Oh baka matagal 'yon, 'di ko lang namalayan dahil wala akong ibang inisip kung hindi 'yong sayaw natin.



"Millie, hindi mo na kailangang pumayat. Maganda ka na sa paningin ko."



Napaangat ang tingin ko sa sincere na mga mata ni Gray at nahawa nanaman ako sa ngiti niya. Pero hindi ko noon maintindihan kung bakit parang labag sa loob ko 'yon. Parang hindi talaga ako masaya. Parang may mali.



Hanggang kinabukasan, hindi pa rin ako mapakali. Hindi ko alam kung ano ang problema pero parang nakakita ako ng sagot nang madatnan kitang mag-isang nanonood ng TV sa living room namin.



"Oy, maggo-grocery daw si tita," sabi mo nang mamalayan mo ako saka ibinalik kaagad ang tingin sa TV.



Tumabi ako sa 'yo. "Mag-gym kaya ako para pumayat ako?"



"Tara." Pinatay mo ang TV at ibinaba ang remote. Tumayo ka kaagad at napakunot ang noo nang lumingon ka sa 'kin at nakitang sinasamaan kita ng tingin. "Ano?"



"Ibang-iba talaga kayo ni Gray." Hindi ko alam kung bakit ko 'yon sinabi. Siguro hinihintay ko na sa 'yo manggaling 'yong mga sinabi niya. "Sinabi ko rin 'yan sa kaniya at ang sabi niya hindi ko na kailangang pumayat dahil maganda na ako sa paningin niya."



"Magkaiba talaga kami!" Nagulat ako nang sumigaw ka. Lumaki akong nakikipagbangayan sa 'yo pero 'yon ang unang beses na sumigaw ka dahil... galit ka. "Hindi ko sinasabing kailangan mong pumayat pero katawan mo 'yan, ikaw ang magdedesisyon! Saka ano ngayon kung maganda ka sa paningin niya? Ano, 'pag panget ka na sa paningin niya, panget ka na talaga? Isipin mo lang kung anong tingin mo sa sarili mo!"



Napalunok ako. Nangilid ang mga luha ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa sinabi mo, o dahil nga unang beses na nagalit ka talaga sa 'kin. "S-Sorry—"



Parang frustrated na ihinilamos mo ang mga palad mo sa mukha mo. Huminga ka pa nang malalim bago ulit tumingin sa 'kin. "Ano bang tingin mo sa sarili mo?"



"Eli—"



"Millie." That was my turning point. Tinawag mo akong Millie.



Tumayo rin ako. "Panget ako, oo na! Mataba ako! Ano, masaya ka na?!"



Dire-diretso sa pagtulo ang mga luha ko. Buong buhay ko, sinasabi ko sa sarili ko na alam ko na 'yon, tanggap ko kung ano ako. Pero iba pala kapag kailangan ko nang sabihin. Sa 'yo. Sa 'yo na kasama kong lumaki at inakala kong, higit sa lahat, alam ang insecurities ko.



"Oh, ano'ng nangyari?" kalmado nang tanong mo na nakapagpakunot lalo sa noo ko.



"Ha—"



"Hatdog." Gusto na kitang batuhin ng throw pillow pero nagsalita ka ulit. "Ano'ng nangyari? Ano'ng nagbago? May namatay ba? May nasaktan ba? May dumating bang pulis? Hinuli ka ba?"



"Ano ba'ng pinagsasasabi mo—"



"Na walang mali sa 'yo! Kung gusto mong pumayat, magpapayat ka! Kung gusto mong mataba ka, kumain ka!" That's when it hit me. Tumigil ang mga luha ko. Gumaan ang pakiramdam ko. Hindi ko kailangang marinig sa 'yo, o sa kahit na sino, na maganda ako kahit hindi naman 'yon ang nakikita ko. Kailangan ko ng magsasabi sa 'kin na kahit ano pang tingin ko sa sarili ko, walang mali sa 'kin. "Walang magdidikta sa 'yo! Katawan mo 'yan!"



Pinunasan ko ang mga luha ko. "B-Ba't ka galit?"



At para namang nangungunsumisyon na napabuntong-hininga ka. "Ewan ko sa 'yo." Pabagsak na umupo ka ulit sa sofa saka isinandal ang ulo mo. Pumikit ka.



Ewan ko rin sa 'yo. Epal. Sweet.



"Eli."



"Ano?"



"Natatandaan mo 'yong favorite kong story about zombie apocalypse sa 2025?" Tinabihan ulit kita. Kahit nakapikit ka, humarap ako sa 'yo at tinitigan ang mukha mo.



"Ilang taon nang lumipas 'yon, wala namang nangyari."



"Natatandaan mo 'yong favorite kong character?"



"'Yong hindi naman bida?"



"Si Kuya Wawie," tumatangong sabi ko kahit hindi mo ako nakikita. "Siya pa rin pala ang paborito kong character do'n."



– M
















Note: Added this part because with the new wave of 2025 readers after AOUAD, marami nang Yuan x Wawie shippers. Skl.

25 StepsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon