Kabanata LXXVII

8.5K 660 433
                                    

ELIANA'S POV

Katatapos lamang ng klase ko at kulang na lang ay takbuhin ko ang labasan para makabalik na ako sa dormitoryo at makatulog. Kanselado raw kasi lahat ng pagsasanay ko para sa linggong 'to dahil sa dami ng kaganapan na nangyayari sa buong akademya at sa buong Elior.

Tamad ko naman na isinukbit ang aking bag at mabilis na akong lumabas ng silid-aralan matapos magpaalam ng Maestra.

Habang naglalakad palabas ay hindi nakaligtas sa akin ang mga bulungan ng malalandi kong kaklase at may itinuturo pang kung sino sa labas.

"Uuuy nandito si Prinsipe Daewon! Grabe ang guwapo-guwapo niya!"

"Ang tangkad ni Prinsipe Daewon, grabe! Ang tangos-tangos pa ng ilong!"

"Sino kaya ang hinihintay niya? Mayroon na kaya siyang kasintahan dito?"

Kusa naman umarko ang kilay ko matapos marinig ang pamilyar na pangalan ng kapatid kong asungot. Sakto namang paglabas ko ay natanaw ko na si Daewon na pinagtitinginan ng halos lahat ng mga kababaihan sa palapag na ito.

Hindi na ako nagtaka na hindi siya halos malapitan ng mga kababaihan sa dating niya ngayon. Malamig kasi ang mga mata niya na nakatingin lamang sa kawalan at mistulang inaantok pa. Blangko lang din ang ekspresyon ng mukha niya habang nasa bulsa ang mga kamay at prenteng nakaupo sa isa sa mga upuan na nakalaan para sa mga kababaihang may hinihintay.

Bukod dito ay takot lang din nila na mabulyawan at masungitan ng damuhong ito dahil dating pa lang niya ay mangangain na.

"Hoy..." Pagtawag ko naman sa kanya nang tuluyan na akong makalapit sa kanya.

Inis naman siyang nag-angat ng tingin ngunit mabilis din umaliwalas ang mukha niya ng makilala kung sino ako. Akala niya siguro ay kung sino lang ako na tumawag sa kanya na para bang naghahamon ng suntukan.

"Sino sa mga nandito ang kasintahan mo?" Kaagad kong tanong habang panay din ang lingon ko sa paligid na tila ba may hinahanap din ako.

"Ano ba 'yang pinagsasabi mo? Ikaw ang hinihintay ko." Nakasimangot niya saad habang nag-uunat na akala mo naman isang oras siyang naghintay.

Nangibabaw naman ang tsismisan sa paligid namin marahil ay hindi pa sanay ang karamihan dito na ganito na lamang kami kakaswal mag-usap ni Daewon. Ni hindi pa ako yumuko sa kanya at hindi niya rin ako pinakikitaan ng kagaspangan ng ugali. Ha! Manigas kayo dyan.

Nangunot din ang noo ko matapos malaman na sa akin pala siya may kailangan dahil sa pagkakatanda ko, wala naman kaming usapan na manggugulo siya sa akin ngayong araw.

"Anong kailangan mo?" Mataray ko na lamang na tanong.

"Ihahatid na kita sa dormitoryo mo." Kaswal niya lang din na pahayag.

Mas lalo naman akong nagtaka dahil hindi niya naman ako madalas ihatid sa dormitoryo ko maliban na lang kung may kailangan siya sa akin.

"Bakit? Kaya ko naman maglakad mag-isa." Dahilan ko pa. Balak ko pa naman sanang dumaan ng silid-aklatan bago umuwi ng dormitoryo para maghanap ng mga babasahin pero mukhang tatamarin na ako ngayong araw.

"Basta. Ihahatid na kita. Tara." Utos niya pa sa akin at talaga namang nauna na siyang maglakad at iniwan akong gulat sa kalapastanganan niya.

Bawal na talaga ako tumanggi?

Kahit labag sa kalooban ko na maglakad ng may kasabay dahil sa kagustuhan kong magmuni-muni ay wala na rin akong nagawa kundi ang sumunod kay Daewon.

Tahimik lang kaming naglalakad habang siya ay nananatili pa rin nag-iisip ng malalim.

Hindi na lamang din ako nagsalita at hinayaan na lamang namin na tahimik maglakad dahil pabor din naman ang ganito sa akin. Pero ilang saglit lang ay hindi na rin nakatiis ang bunganga ni Daewon at nauna na siyang magsalita.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon