Kabanata LXXX

8.6K 706 615
                                    

- AERA -

Halos buong araw nang nananatili sa loob ng isang malawak na silid ang mga mag-aaral na babae ng akademya. Magmula nang gumising sila kaninang umaga ay kaagad na silang pinadiretso sa isang bakante at malawak na silid sa pamumuno ni Prinsesa Aonani at ng ilan pang Maestra sa akademya.

Sa buong araw din na ito ay walang ibang naramdaman si Aera kundi ang kaba at pag-aalala para sa kanyang mga kaibigan na hindi niya nasilayan sa nakalipas na mga oras ng pananatili niya dito. Ang tanging nakikita niya lamang ay ang mga kapatid nitong sina Prinsesa Caitrionna at Prinsesa Ellionoir na pareho lamang nakaupo sa isang tabi at nananatiling tahimik.

Hindi rin magawa ni Aera na makausap ang mga ito pagka't katabi niya ngayon si Prinsesa Saena at Prinsesa Keia na nananatili lamang tahimik at walang kibo.

Sa loob-loob ni Aera ay hindi niya man lubusang naiintindihan ang mga nangyayari ay hindi naman siya manhid para hindi makaramdam ng kaba at pangamba sa mga kaganapan sa labas ng silid na kanilang kinalalagyan. Nakadadagdag pa sa kaba niya ay ang katotohanang hindi niya rin nakita magmula kahapon pa ang ilan sa mga kalalakihan na pamilyar sa kanya katulad na lamang ni Aspen.

Napabuntung-hininga na lamang tuloy si Aera sabay hilamos sa kanyang mukha upang kalmahin ang sarili. Kanina niya pa kasi ninanais dumaldal ngunit mukhang wala rin sa wisyo anh mga katabi niya na pare-parehas lamang talagang tahimik at kibo. Hindi pa nga siya makapaniwala sa sarili niya na nagawa niyang tumahimik ng ilang oras gayong naniniwala siya na ikamamatay niya talaga kapag itinikom niya ang bibig sa mahabang panahon. Pero alam niya rin na hindi ito ang tamang panahon para dumaldal siya dahil seryosong-seryoso talaga ang dating ng buong kapaligiran.

Wala naman kasing ibang sinabi si Maestro Zora bukod sa kinakailangan lamang nila manatili sa silid na ito hangga't pa natatapos ang isang mahalagang misyon na kinakaharap ngayon ng mga nasa ranggo. Hindi na rin ito nagbigay pa ng ibang detalye patungkol sa misyon na tinutukoy ng Maestra dahil kukumpirmahin niya pa raw anh buong detalye sa konseho mismo. Hindi rin nagbigay ng kahit anong paliwanag si Aonani patungkol dito at nananatili lamang labas-pasok sa silid na tila nagbabantay.

Kanino naman kaya siya puwedeng magtanong? Kanina pa talaga kating-kati si Aera na magtanong pero hindi niya rin alam kung kanino magtatanong at ano ba ang eksaktong mga impormasyon ang kailangan niyang itanong. Dapat niya ba unahin itanong kung nasaan sina Eliana o ang dahilan kung bakit sila nananatili sa silid na ito. Nahihirapan na talaga siya sa totoo lang.

"Puwede ka naman magsalita, Aera, kung nahihirapan ka na talaga. Wala naman pipigil sa'yo dito na ibahagi ang mga saloobin mo."

Natigil naman si Aera sa pakikipagtalo sa sarili niya nang magsalita si Saena sa kanyang tabi. Gulat niya pa itong nilingon ngunit inosente lamang na ngumiti sa kanya ang dalaga.

"Ah... Eh... Halatang-halata na ba talaga na kanina ko pa gustong dumaldal?" Napapahiyang tanong pa ni Aera habang kakamot-kamot ito sa buhok.

Bahagya naman natawa sa kanya si Saena matapos siyang sandaling pakatitigan sa mga mata. "Hindi naman. Sanay kasi akong nakikita kang madalas kausap si Prinsesa Eliana kaya tiyak kong marami ka na rin kuwento ngayon."

"Ah, pasensya na. Nasa dugo ko na talaga pagiging madaldal. Hindi ako mabubuhay sa akademyang 'to kung hindi ako dadaldal." Natatawang saad pa ni Aera.

Naaalala niya na dahil sa kadaldalan niya at kakapalan ng mukha ay nagawa niyang mapalapit kay Eliana at maging kaibigan ito. Unang tingin pa lang kasi ay mukhang hindi na palakaibigan ang dating ni Eliana kaya mas lalong napuno ng kuryosidad si Aera at kinausap ito.

"Anu-ano ba ang mga katanungang bumabagabag sa'yo, Aera? Baka sakaling makatulong ako." Umayos la ng umupo si Saena at humarap sa gawi ni Aera na tila ba handa na ito sa mahaba-habang usapan.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon