Chapter 18

145K 8.1K 6.2K
                                    

"SIYA BA IYONG KAUSAP MO KANINA?"


Nagulat ako sa biglang tanong ni Jordan.


"Uhm, oo. Si Isaiah 'yan, tropa ko..." Nahimigan ko ang pagiging defensive ng sarili kong tono. Para akong tanga na bigla na lang nailang sa mga titig niya gayung wala namang laman ang mga iyon.


"I see," casual niyang sabi.


Tumango ako at ngumiti para mapawi ang biglaang awkwardness sa hangin. Bahagya akong nalito nang mapansin na parang madilim ang kulay tanso niyang mga mata.


"Ah, ano 'yan, birthday ko last year. Nag-stroll lang kami ni Isaiah 'tapos kumain sa fast food," nagkusa ang bibig ko kahit wala namang nagtatanong.


Malamang na tanda ni Jordan ang pagmumukha ni Isaiah. Ilang beses niya na akong nasaktuhan na kasama si Isaiah, minsan pa nga ay nakaangkas ako sa motor ng lalaking iyon, kaya malamang natatandaan niya ang mukha nito.


Hindi na siya kumibo ulit. Nagsimula na siyang magpulot ulit ng natirang mga kalat sa sahig ng kwarto ko, kagaya ng crumpled paper, mga nalaglag na sanrio rubber at straw ng Mik-Mik.


"Pasensiya ka na ang gulo ng kwarto ko. Magulo rin kasi ako."


Hindi pa rin siya umimik. Seryoso siya nang itapon sa basurahan ang mga napulot niya. Pati iyong mga sanrio rubber ko na pwede ko pa sanang i-recycle, itinapon din niya. Hindi siya earth friendly.


Naupo ako sa gilid ng kama at pinanood na lang siya. Nang mapansin niyang nakatitig ako sa kanya ay saka lang siya huminto.


Humalukipkip ako at inginuso ang tabi ko. "'Lika nga rito."


Nakita ko ang pag-alon ng kanyang lalamunan. Para bang nagtalo pa ang isip niya kung lalapit ba sa akin o hindi. Sa huli, lumapit naman siya. Natakot siguro kasi seryoso ako.


Paglapit niya ay kinailangan ko pa siyang higitin sa braso para lang tumabi siya sa akin, para lang kasi siyang estatwa kanina na nasa harapan ko.


"Bakit ka pala naglilinis diyan, ha?" sita ko sa kanya. "Sinabi ko bang maglinis ka?"


Napatikhim muna siya bago mahinang nagsalita. "'Sabi mo kanina sa mommy mo, magpapatulong ka sa aking maglinis dito."


"Hindi ako seryoso roon. Inaasar ko lang si Mommy."


"Bakit?"


"Basta. Pero bakit naglinis ka pa rin? Ayos ka lang? Naglilinis ka ng kwartong di iyo."


Hindi na naman siya umimik.


"Kagabi pala, masama ang loob ko kay Mommy kaya ako nakitulog sa inyo..." Namalayan ko na lang ang aking sarili na nagkukwento. "Thank you kasi tinanggap mo ako sa inyo. Hindi ko talaga alam kung saan ako pupunta kung hindi mo ako pinatuloy kagabi."

South Boys #2: HeartbreakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon