Chapter 38

151K 9K 6K
                                    

"JORDAN..."

Paglabas ko ng eskinita ay saktong palabas ng gate ng bahay namin si Jordan. Daig ko pa ang binuhusan nang na tubig nang masalo ko ang malamig niyang mga titig. 

Grey na plain shirt at black na jogging pants ang suot niya. Kalmado ang kanyang eskpresyon bagamat malamig ang kulay tanso niyang mga mata.

"Kumain ka na?" iyon ang una niyang tanong sa akin nang magkaharap na kami.

Napayuko ako sa panliliit. "S-sorry..." 

"Sabi ko kung kumain ka na ba?" malumanay pa rin ang tono niya pero ang sakit sa dibdib ko.

Ang sakit kasi nagsinungaling ako sa kanya. Huling-huli niya ako na nagsisinungaling pero ganito siya kakalmado. Mas gusto ko na lang na magalit siya, na ipakita niya iyong totoong nararamdaman niya kaysa ganito.

Hinawakan niya ako sa ulo. "Pumasok ka na sa loob. Tulog na ang mommy mo."

Pumasok kami sa loob ng bakuran pero hindi sa sala. Sa loob ng gate namin ay madilim dahil hindi nakabukas ang ilaw sa labas. Gayunpaman ay may kapirasong liwanag na nagmumula sa bintana ng sala.

Sumandal ako sa pader habang nakatingin pa rin sa akin si Jordan. Nakapamulsa siya sa suot na jogging pants. Hindi siya nagsasalita. Basta nakatingin lang siya sa akin.

"Galit ka..." anas ko.

Hindi pa rin siya nagsasalita.

"P-pumunta ako sa binyag ng baby ng kaibigan ko. Hindi ko namalayan ang oras. Nakatulog ako..." mahinang paliwanag ko kahit pa huli na para dito.

Wala pa rin siyang sinasabi. Hindi ko na alam ang reaksyon niya dahil nakayuko ako. Hindi ko matagalan ang mga tingin niya na hindi ko naman mabasa.

"Sorry. Sasabihin ko naman sa 'yo kaya lang ayaw kong sabihin sa phone. Hindi ko alam na nandito ka..."

"Sinong kasama mo?"

Nakagat ko nang sandali ang aking ibabang labi bago nagsalita. "M-mga kaklase ko dati... Sina Miko, Asher, at... si Isaiah."

Narinig ko ang paglagutukan ng mahahabang daliri niya sa kamay. Nang tingnan ko iyon ay kitang-kita ko ang pagkuyom ng kanyang kamao.

Kinakabahang tiningala ko siya. Taliwas ang kanyang reaksyon. Kalmado ang mukha niya at walang mababakas na emosyon sa kanyang kulay tansong mga mata.

Matamang siyang nakatingin sa akin saka maliit na ngumiti pagkuwan.

Napamaang ako. "J-Jordan..."

Pinisil niya ang pisngi ko. "I can't get angry with you because you're so pretty."

Hindi ba talaga siya galit?

"Tara sa loob niyo. Baka lamukin ka rito." Nakangiti pa rin siya at kalmado ang kanyang ekspresyon.

Sumunod na ako sa kanya dahil nauna na siyang pumasok sa sala ng bahay namin. Nakaupo siya sa sofa pagpasok ko. Sumenyas siya na tumabi ako sa kanya. Ginawa ko naman. Naupo ako sa tabi niya.

"Jordan, sorry talaga at nagsinungaling ako."


Sumandal siya sa sandalan ng sofa at tumingin sa akin. "It's fine because I love you."

"Ha?" Napalunok ako dahil sa nakikitang emosyon sa mga mata niya.

Hindi ba talaga siya galit? Saka narinig ko na naman iyong mga salitang binitiwan niya, nagsisirko na naman tuloy ang puso ko sa loob ng aking dibdib.

South Boys #2: HeartbreakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon