PROLOGUE

33.8K 1.1K 490
                                    

PROLOGUE

DALAWANG kuwarto na ang sinubukan kong buksan pero naka-lock lahat. Ang sabi ni Manang Inday ang unang pinto raw na nakabukas, iyon ang magiging pansamantalang kuwarto namin ni Nanay.

Alin kaya sa mga kuwartong 'to ang guest room?

Ang laki-laki naman kasi nitong mansyon ng mga amo ni Tiyang Sol pero pansin ko parang walang tao. Sayang naman nitong mga kuwarto tapos parang wala namang gumagamit.

Ang kuwento ng isa sa mga kasambahay nilang si Manang Inday, nasa Amerika raw ang pamilya ng may-ari ng hacienda na 'to. May sakit daw kasi ang Don kaya nagpapa-therapy roon. Isa pa ay may negosyo rin daw silang inaasikaso roon. Kaya silang mga katiwala sa mansyon na lang ang naiwan dito. Kasama ang sandamakmak na mga guwardiya.

Napakamot ako ng leeg nang bigla itong nangati. Paano kasi kahapon pa ng umaga ang huling ligo ko. Ako kasi ang pansamantalang nagbantay kay Tiyang Sol sa ospital habang nagpapahinga si Nanay. Salitan kami. Inihatid lang ako rito ng driver nila sa mansyon, pero si Manang Inday umalis din kaagad nang malaman niyang nagising na si Tiyang.

Napahikab ako. Antok na antok na kasi ako pero kailangan ko munang maglinis ng katawan. Feeling ko kasi pati amoy ng ospital dumikit na sa katawan ko.

Malaki ang utang na loob namin kay Tiyang Soledad kasi hindi na siya nag-asawa at sinuportahan na lang kaming mga pamangkin niya sa pag-aaral. Grabe kasi si Tiyang, hindi na naka-move sa first love niya kaya ayon minabuti niya na lang maging single for life.

Madalas nga siya pa ang bumibili ng mga bagong damit ko. Paborito niya raw kasi akong pamangkin. Kaya sobrang nag-alala kami nang biglang tumawag si Manang Inday sa amin sa Iloilo na nahulog daw sa hagdan si Tiyang. Kaya lumuwas kami kaagad ni Nanay dito sa Negros para makita ang kalagayan niya.

Isang linggo ring na-comatose si Tiyang at kanina lang siya nagising. Mabuti na lang talaga at nagising pa siya, kinabahan din ako kasi paano na lang kung mawala sa amin si Tiyang? E 'di wala nang may paborito sa 'kin.

Sinubukan ko ulit pihitin ang lock ng isang kuwarto pero sarado rin. Nakalimutan kasing ibigay sa 'kin ni Manang Inday ang susi kaya nang tinext ko siya sa cellphone, ang sabi niya sa guest room daw ako matutulog at nakabukas naman kaya hindi na kailangan ng susi. Hindi ko naman kasi alam ang pasikot-sikot sa mansyon na 'to dahil ngayon lang ako nakaapak rito.

Sumunod kong binuksan ang katabing kuwarto.

"Yes! Finally!"

Napasuntok ako sa hangin nang sa wakas ay nahanap ko na ang kuwartong sinasabi ni Manang Inday. Itinulak ko ang pinto saka padipang pumasok.

Agad na nanuot sa ilong ko ang bango pagkapasok ko. Malamig din. Buti na lang nakabukas na pala ang aircon dahil hindi ako marunong paano paandarin 'yon. Wala kasing gano'n sa bahay namin. Electric fan ang mayroon kami. At saka hindi naman kailangan ng aircon sa bahay namin kasi malamig. Malapit kasi kami sa dagat.

Grabe, pati kuwarto amoy mamahalin. Kanina pa nga ako nakanganga pagkapasok ko sa foyer pa lang. Marmol ang sahig nila at ang kintab. Puwede na nga manalamin doon. Ang chandeliers nila parang nakakatakot titigan, baka mabasag.

Kaya siguro hindi na umalis si Tiyang Sol dito kasi parang ang sarap tumira dito. Kahit paghugasin pa ako ng plato araw-araw, okay lang. Kung ganito ba naman kalaki ang kuwarto ko..

Ibinagsak ko sa sahig ang dala kong backpack saka padipang humiga sa kama. Ang lambot at ang laki-laki!

Pero pansin ko ang dilim ng kulay nito. Pati ang kurtina madilim din. Bampira ba ang may-ari ng mansyon na 'to? Sana ginawa naman nilang pink, o 'di kaya purple. Napaka-plain ng kurtina nila, wala man lang design. At mukhang makapal. Parang takot sa araw ang mga tao rito. 'Di tulad ng kurtina namin sa Iloilo, floral design, iba-iba pa kulay.

Against the WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon