Chapter 40

165K 7.8K 5.4K
                                    

"ISAIAH!"

Itinulak ko siya sa dibdib. Kapwa namimilog ang mga mata naming dalawa sa dilim.

"A-anong ginagawa mo ritong siraulong gago kang hayup ka mamatay ka na!"

"Uh, iko-congrats lang kita sa... sa competition kanina," nauutal na sabi niya. Nang bahagya siyang matapat sa kapirasong liwanag mula sa lamppost sa labas ng bakuran ay nakita ko na namimilog pa rin ang kakulay ng kadiliman ng gabi niyang mga mata.

Marahas kong pinunasan ang mga labi ko gamit ang aking bisig. Nagdududura pa ako sa sahig. "Pwe! Pwe!"

Nagpunas ulit ako ng labi pagkatapos saka siya ulit tiningala.

"Hoy, oo nga pala, akala ko ba may LBM ka?!" singhal ko sa kanya sa kontroladong lakas dahil baka marinig nina Mommy sa loob.

Napakamot ng ulo si Isaiah. "Ah, LBM? Charing lang iyon. Tinatamad lang talaga akong um-attend ng intrams kanina."

"Ah, ganoon? O sya, alis na," utos ko sa kanya. "Papunta si Jordan dito ngayon!"

"So kung pupunta siya? Magkaibigan naman tayo, ah!"

Itinulak ko ulit siya. "Hindi na kita kaibigan!"

Di naman siya nagpatinag. "Galit ka pa rin? Dapat nga ako ang magalit, tsinansingan mo ako ngayon!"

"Gago!" Nag-init ang pisngi ko sa sinabi niya. "Basta, F.O. na tayo!"

"Bakit naman?!" Bahagyang lumakas na rin ang boses niya. "Desisyon ka mag-isa, ah!"

Napasabunot ako sa aking buhok dahil sa frustration. Paano ko ba palalayasin si Isaiah? Patayin ko na lang kaya siya at isako sa basurahan namin sa labas para wala ng problema?

Inilapit niya ang mukha niya sa akin. "Hoy, babae, pinagbabawalan ka ba ng syota mo?" panunubok niya sa akin.

Lalo akong hindi makasagot. Ayaw ko namang pasamain si Jordan pagkakakilala niya. 

Ayaw kong isipin ni Isaiah na seloso at threatened ang boyfriend ko dahil ang ganda-ganda kong girlfriend. Iyong huli lang iyong totoo.

Napapalatak si Isaiah. "Tangina, seloso si Herrera!"

"Umalis ka na!" pigil na pigil ang boses ko dahil baka marinig nga nina Mommy sa loob.

Ang tagal pa ni Isaiah sa pang-aasar sa akin. Tuwang-tuwa pa siyang asarin ako. Kung kailan naman paalis na siya ay saka naman kami nakarinig ng paparating na tricycle.

Nagkatinginan kami. Kahit si Isaiah ay natigilan. Ako ay biglang natorete. Biglang natakot. Hindi ko alam kung ano ang kinatatakutan ko. Basta hinaltak ko si Isaiah sa kwelyo ng suot niyang t-shirt.

"Halika rito! Bilisan mo, punyeta ka!"

Nagmamadaling binuksan ko ang pinto ng bahay namin. Sa sobrang pagkataranta at pagkalito ay pinagtulakan ko si Isaiah papasok sa loob.

"Huy, bakit ako papasok?" Gulat na gulat naman ang mukha niya.

"Basta pumasok ka muna! Wag kang lalabas hangga't andito si Jordan!"

Hindi siya pwedeng makita ni Jordan. Hindi talaga. Basta hindi.

"Ay, gagi anong gagawin ko rito? Baka makita ako ng ermat mo."

Sinamaan ko siya ng tingin. "Wag kang mag-iingay diyan at baka marinig ka nina Mommy! Magtago ka! Kahit saan! Sa banyo, sa ilalim ng lababo! Basta kahit saan! Gusto mo sa basurahan!"

Pagkatulak ko sa kanya sa loob ng pinto ng sala ay isinara ko agad ang pinto. Humihingal ako. Nang huminto ang tricycle sa tapat mismo ng gate namin ay natiyak kong si Jordan nga ang dumating.

South Boys #2: HeartbreakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon