Chapter 43

142K 9.1K 7.5K
                                    

"GO HOME."


Tumutulo ang mga luha ko habang nakahabol ng tingin kay Jordan hanggang sa pumasok na siya ulit sa bahay nila.


Nakatitig ako sa pinto nila kahit nanlalabo ang aking mga mata dahil sa luha. Naghintay ako na bumukas ulit iyon. Hinihiling ko na lumabas siya ulit, na sana balikan niya ako rito sa labas nila. Mahigit kalahating minuto na hindi nangyari ang hinihiling ko.


Basang-basa na ako sa pawis at luha. Nahihilo na rin ako sa pagkakatayo. Nang dumaan pa ang ilang minuto na hindi lumalabas si Jordan ay tinanggap ko na lang na ayaw niya talaga akong makausap at makita.


Nakayuko ako habang nakatingin sa aking pawis at luha na tumutulo sa lupa. Naiintindihan ko. Kasalanan ko kung bakit siya galit. Kasalanan ko dahil tanga ako. Akala ko okay lang siya, akala ko ayos lang ang lahat. Hindi ko narealize agad na nasasaktan ko na pala siya. Wala talaga akong kwenta kaya deserve ko na sukuan at talikuran.


I'm sorry, Jordan...


Masakit ang dibdib na pinunasan ko ang mga luha sa aking pisngi. Sinulyapan ko ng huling tingin ang nakasaradong pinto ng bahay ng mga Herrera bago mabigat ang katawan na humakbang ako paalis. 


Bitbit ko ang kahon ng cake na sumakay sa jeep pabalik sa amin. Pagkababa ng Navarro ay malumbay na naglakad ako patungo sa eskinita na shortcut sa street namin. 


Pagkalabas ng eskinita ay natanaw ko na nakaparada na ang kotse ni Ninong Luis sa tapat ng aming bahay. Kahit nalulungkot ay nakuha kong mapangiti sa isiping nakauwi na pala sila. Hindi ako mag-i-stay sa bahay ng mag-isa.


Pumasok na ako sa gate. Hindi bukas ang ilaw sa sala at sarado rin ang mga bintana kaya madilim ang loob kahit hindi pa naman gabi. Bukod sa madilim sa sala ay napakatahimik din. Parang walang tao kung titingnan. Hindi ko na lang pinagkaabalahang buksan pa ang ilaw doon.


Dinala ko ang kahon ng cake sa kusina at basta inilapag sa ibabaw ng mesa. Napakatahimik din dito bagamat bukas ang ilaw sa itaas ng kitchen table. Tumingin ako sa lababo at nakitang wala roong kahit isang hugasin. Ako lang kasi ang tao rito sa nagdaang magdamag.


Naglakad ako papunta sa aking kwarto para magpalit ng damit. Pawisan kasi ako.


Papasok ako sa pinto ng aking kwarto nang mapatingin ako sa pinto ng kwarto ni Mommy. Bahagyang nakaawang iyon. Mauulinigan ang masayang mga pag-uusap sa loob.


Natukso akong sumilip sa nakaawang na pinto. Si Baby Levi ay nakaupo sa gitna ng kama at nagpapabula ng laway. Sa tabi naman ay sina Mommy at Ninong Luis na kapwa nakangiti habang nilalaro ang bata.


Nang gumulong ang botsog na si Baby Levi sa kama ay sabay pang natawa sina Mommy at Ninong Luis. Aliw na aliw sila at proud na proud sa anak. Ang saya nilang tingnang tatlo.


Ayaw ko silang istorbohin kaya marahan akong lumayo sa pinto para hindi nila ako mapansin.


Nagpasya ako na bumalik na lang muna sa kusina dahil biglang kumalam ang aking sikmura. Naalala ko na hindi pa nga pala ako nagla-lunch. Sa sobrang excited ko na puntahan si Jordan sa kanila ay hindi ako nakakain nang tanghali.

South Boys #2: HeartbreakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon