Chaptee 93 (Season 2)

1.5K 83 16
                                    


Hindi maalis ang nakapagtatakang tingin nang harapin ko ang tatlong babae sa harap ko ngayon. Nakaluhod ako nang nakaupo, ginaya ko lang kung ano ang ginagawa nila. Wala akong kamalay-malay kung ano ang tradisyon at kultura sa lugar na ito lalo na't hanggang ngayon ay hindi pa rin nabalik ang aking alaala. Ang dalawang babae na na nakakita sa akin kanina ay tinulungan akong makaalis mula sa bangka na aking pinanggalingan. Sinabi nila sa akin na dinala ako ng naturang bangka na 'yon dito, sa Jian Yu. Dagdag pa na mabuti nalang daw ay dito ako dinala ng hangin at alon. Ang sabi pa nila sa akin, upang matulungan pa nila ako ay dadalhin daw muna nila ako sa tatlong babae na kasalukuyang namumuno sa lugar na ito. Hindi ako tumanggi dahil 'yon talaga ang kailangan ko sa ngayon.

"Siguro ka bang... Hindi mo maalala ang 'yong pangalan, binibini?" tanong ng isang babae, ang nasa pinakagitna. Mukhang siya ang pinakapinuno ng lugar na 'to.

Tumango ako bilang sagot. "Opo, hindi ko po talaga matandaan... At hindi ko po alam ang... Pinanggalingan ko." matapat kong sabi.

Umayos siya ng upo at nagkatinginan silang tatlo. "Pero may ideya ka kung anong lugar 'to?" sunod na tanong ng babae na nasa bandang aking kanan.

Ang sunod kong sagot ay iling. "Hindi ko po alam kung anong lugar 'to."

Sabay naman silang nagbuntong-hininga. "Naririto ka ngayon sa isa sa mga templo ng Jian Yu, binibini." sagot ng isa pa. Ang nasa kaliwa ko naman.

"Templo..." mahina kong ulit.

Tumango sila. "Sa katunayan, ang mga naninirahan dito ay mga babaylan. Madalas kaming gumagawa ng mga ritwal, at minsan naman ay ipinapatawag kami ng Palasyo upang sumayaw ng pagtawag ng ulan o anumang mga mahahalagang kaganapan dito sa Jian Yu." pagpapaliwanag ng babaeng nasa gitna. Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay napakadominante niya. Kahit ganoon ay ramdam ko pa rin ang pagiging malumanay niya.

"G-ganoon po ba...?" saka bahagya akong yumuko. "Subalit, maaari po bang manatili muna ako dito hanggang sa manumbalik ang aking mga alaala?" may halong pakiusap kong sabi.

Isang nakakabinging katahimikan ang bumalot sa silid na ito. Medyo inangat ko ang aking tingin sa kanila. Gumuhit ang pagtatanong sa aking mukha. Nakita ko na nagkatinginan silang tatlo. Sa pamamagitan ng tingin na 'yon ay parang nag-uusap sila. Wala din akong naramdaman na may pagtatanggi sa kanila. Nakita ko din na nagpapalitan sila ng tango sa isa't isa. Pagkatapos ay sabay nilang ibinalik sa akin ang kanilang tingin, pawang may mga ngiti sa kanilang mga labi.

"Walang problema, binibini. Bukas-palad ka namin tinatanggap sa templo na 'to. Lahat ay sinuman maaaring tumapak dito lalo na kung ginintuan ang puso at napupuno ng sinseridad ang kaniyang kaluluwa." sabi ng babaeng nasa pinakagitna.

Hindi ko mapigilang mapangiti nang marinig ko ang pangungusap ng kanilang pagtanggap. "Maraming salamat po! Hayaan po ninyo, tutulong po ako bilang kabayaran sa pagpapatira ninyo sa akin dito kahit pansamantala---"

"Kahit kailan mo gusto, walang problema sa amin, binibini."

"Maraming maraming salamat po!" hindi mabura ang galak sa aking mukha nang sambitin ko ang kataga na 'yon.

Pagkatapos ko makausap ang mga punung babaylan ay hinatid ako ng isa sa kanila sa magiging silid ko. Nakasunod lang ako sa kaniya sa paglalakad dito sa pasilyo. Habang hinahatid niya ako, itinuturo niya sa akin kung ano ang oras ng paggising, pagkain at pagtulog dito sa loob ng tempo. Nabanggit din niya sa akin kung ano ang trabaho ng mga babaylan dito bukod sa mga ritwal o pagdalo sa palasyo para hilingin na makita ang mahal na emperador.

Pangunahin daw nilang kabuhayan ay ang pagpupulot ng mga kabibe sa dalampasigan at dadalhin daw ito sa Kabisera upang ibenta. Gagawing mga palamuti sa mga bahay o hindi kaya gawing palamuti o ipit sa mga buhok. Madalas daw ay mga anak ng mga tao na mataas ang ranggo sa lipunan at mga babae na tinatawag nilang 'ji yuan' na ibig sabihin ay mga matataas na uri ng mga kalapati na mababa ang lipad. Kaya nakapagpasya na ako na tutulong nalang ako sa pagpupulot ng mga kabibe sa dalampasigan simula bukas.

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon