KABANATA 29

1.9K 161 7
                                    

Matapos ang milya-milyang paglalakbay gamit lamang ang mga paa, nakarating rin naman si Lucio sa bahay ng kanyang Ama ngunit...

"Wala na ang Senyora Rusticana." Mangiyak-ngiyak na wika ng isa sa mga kasambahay na nagpatuloy sa kanya sa loob ng kanilang Mansiyon.

"A-ang Papa po?" humihikbi ang batang paslit.

"Walang nakakaalam kung nasaan ang Papa mo. Bigla na lamang itong nanglaho, bago pa man pumanaw ang iyong lola. Ibinilin ka sa amin ng lola mo. Ilang beses ka naming pinuntahan sa pinagdalhan niya sa 'yo, pero ang sabi sa amin doon, naglayas ka raw kaya hindi rin nila alam kung nasaan ka. Pero ang totoo, alam namin na naroon ka dahil may nagsumbong sa amin na ikinukulong ka raw nila sa kulungan ng mga hayup."

"Paano na po ako?" Tuluyan nang tumangis si Lucio.

Inalo naman agad ito ng babaeng katiwala. "Huwag ka nang umiyak. May tagubilin naman ang lola mo sa amin at nangako kami sa kanya na tutuparin namin iyon.

"Ano po ang tagubilin niya?"

"Kailangan ka raw naming mahanap upang dalhin sa pangangalaga ng matalik na kaibigan ng iyong Lolo."

"Sino po iyon?"

"Hindi rin namin kilala dahil tanging ang pangalan at tirahan lamang nito ang ibinigay sa amin ni Senyora. Pero 'wag kang mag-alala. Sasamahan ka namin. Hindi ka namin iiwanan. Sisiguraduhin namin na maihahatid ka namin sa tahanan ni Ginoong Cephalas."

***

Lucio's P.O.V.

"Ano pong nangyari kay Senda?" tanong ni David. Umakyat ito sa Yate matapos nitong mai-angkla ito.

"Shhh...Huwag kang maingay." Bulong ko. Nakita kasi nitong buhat-buhat ko ang natutulog na si Senda.

"Po?" Hininaan naman nito ang boses niya.

"Nakatulog na sa kadadaldal."

Napatawa ito, "tulungan ko na po kayo. Ako na ang magbubuhat sa kanya."

"Tsk. 'Wag na. Ako na. Pumunta ka na lang pabalik sa mansiyon at ayusin niyo ang silid na para sa kanya."

Sumunod naman agad ito.

***

Kinagabihan...

"Masamang balita po, Panginoon." Ani Diego, ito ang pinuno ng pangkat ng mga Tik-tik, "ang iba sa ating mga kasamahan ay naniniwalang kayo raw po ang nagpahintulot sa iba pa nating mga kasamahan na maghasik ng lagim sa mga baryo ng San Joaquin at San Agustin. Mga kasamahan din daw po kasi natin, at hindi ni Marietta, ang lumusob sa mga baryong iyon."

Pumikit ako at hinilot ang tumitibok kong sintido sapagkat wala naman akong naaalalang ipinag-utos o ipinahintulot na ganoon. Hindi ko man natutukoy pa kung paanong ang mga kampon ko ang siyang may kagagawan ng mga trahedya sa dalawang magkalapit-baryo, nasisiguro kong isa ito sa mga pailalim na istratehiya ni Marietta upang basagin ang aking hukbo, mula sa loob.

"Kalat na kalat na rin po sa iba't ibang mga baryo at teritoryo ng ating mga kasamahan," pagpapatuloy nito, "na ipinapahintulot niyo na rin daw po ang pagluwas ng iba't ibang lahi ng mga Aswang, na hindi na raw nila kailangan ang magtago pa at ang umiwas pa sa pagkain ng mga tao sa mga siyudad at bayan-bayan."

Malakas ang kutob ko na ang mga alagad din ni Marietta ang nagpapakalat ng ganitong impormasyon upang malito ang mga kampon ko sa mga teritoryong hindi ko gaanong nasisiyasat.

"Nagkakawatak-watak na po ang ilan sa ating mga lupon. Nagkakagulo, nalilito, nag-aaway-away habang ang iba nama'y sinasamantala ang pagkakataon. Agad na nagpapadala sa mga maling impormasyon kaya hindi na sila nagdadalawang-isip na maghasik ng lagim kung saan-saan. Kahit sinong makita nilang tao, basta-basta na lang binibiktima kahit sa araw. At dahil kilala sila bilang mga taga-sunod mo, ikaw mismo ang pinaniniwalaan ng iba na may pakana sa kaguluhang ito."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Magpapatawag ako ng pagpupulong." Anunsyo ko sa lahat ng mga pinuno ng konsehong naroroon. Ipinag-uutos ko rin na dakpin niyo isa-isa ang mga nilalang na nasa listahang ito!" Iniharap ko sa kanila ang mga nakasulat na pangalan sa hawak kong balumbon. Tila nagulat naman ang iba sa kanila dahil sa aking kahandaan.

'Alam na pala niya kung sino-sino?' Iyon ang naging tema ng bulong-bulungan nila.

"Iharap ninyong lahat ang mga nilalang na ito sa akin sa araw mismo ng ating pagpupulong pitong araw mula ngayon. At mahalaga na ihaharap niyo silang lahat sa akin ng buhay, kung hindi'y kayo ang mananagot sa akin."

Muling nagbulong-bulungan ang mga miyembro ng konseho, 'paano kung pumalag?' bulong ng iba sa kanila, 'paano kung tayo ang malagay sa panganib?'

"Hindi kayo malalagay sa panganib," anunsiyo ko upang sagutin ang kanilang mga pinagbubulungan, "at hindi sila makakapalag kung paplanuhin niyong mabuti ngunit bibilisan niyo ang bawat pagkilos niyo. Kailangan ko pa ba kayong turuan isa-isa? Pitong-araw lang ang taning ko. Kailangan ko silang lahat na nasa listahan ko, walang labis, walang kulang."

***

Natatawa ako, ngunit pinipigilan ko. Nasa magkabilang dulo kami ng hapag-kainan. Hindi makapagsalita si Senda dahil tuluyuan ng namalat ang boses nito.

"Bakit ang tahimik mo yata?" pang-aasar ko rito.

Hindi man ito nakakapagsalita ay nangungusap naman ang matatalim na tingin nito sa akin.

"Alam mo, nakakabagot ka pala kapag hindi ka nagsasalita."

Sinimangutan ako nito.

"Ano? Kaya mo na bang mag-isa sa silid mo?"

Namilog muna ang mga mata nito bago umiling.

"Ayoko sana ng may katabi ngayon kayo doon ka na lang sa silid mo, puwede ba?"

Lalong namilog ang mga mata nito at mas lalong tumindi ang pag-iling.

"Ha? Hindi kita maintindihan." Pananadya ko.

Tinampal nito ang lamesa at muling umiling. Pinilit nitong magsalita ngunit wala namang lumalabas na boses mula sa kanya.

"Wala akong marinig. Hindi ko marinig!" May halo na itong pang-aasar sa kanya. "Ha? May sinasabi ka ba?"

Nagulat ako nang bigla itong tumayo, kinuha ang kutsilyo at ibinato ito diretso sa akin. Nakailag ako kung kaya't tumusok ang kutsilyong ito sa sandalan ng upuan ko.

"Anak ng..." hindi ko sigurado kung namumutla ako dahil muntik na ako roon. At sa hinaba-haba ng panahong nabubuhay ako, ngayon ko lang ulit naramdaman ang medyo kabahan kahit na alam kong hindi naman ako mapipinsala kahit na tinamaan pa ako nito.

Tinanaw ko si Senda, gusto ko sana itong bulyawan sa labis na pagkainis, ngunit agad din naman nagbago ang nararamdaman ko nang matanaw kong nakabakas naman sa mukha nito ang pag-aalala. "Sorry, Luis." Paos man at hindi maliwanag ay alam kong 'yun ang sinabi niya, "dumaplis lang sa kamay ko, hindi ko sinasadya."

Tumayo ako at tumalikod sa kanya upang bunutin ang kutsilyo. Ngunit habang iniaangat ko ito ay napangisi ako dahil sa mga bagong ideyang naiisip ko.

"Humanda ka sa 'kin." Bulong ko. Hindi pa rin napapawi ang ngiti sa mga labi ko. "Tingnan natin kung hanggang saan ang kaya mong gawin para sa akin."

"Luis." Hindi pa rin malinaw ngunit alam kong iyon ang sinabi niya.

Lumingon ako, sumimangot at kunwari'y galit na galit. "Paano kung tinamaan mo ako?! May silbi pa ba 'yang paumanhin mo kung patay na 'ko? Sumosobra ka na ah!" Sadyang itinaas at inilakas ko ang boses ko.

Mangiyak-ngiyak ito at akmang lalapit na sa akin.

"Huwag kang lalapit."

Huminto naman ito.

"Mabait akong tao pero hindi mo pa ako kilala, Senda! Pagsisihan mo ang araw na ito!" Sabay tarak ng kutsilyo sa ibabaw ng lamesa. "Yolanda!" Sigaw ko sa isa sa mga taga-silbing nakamasid sa amin. Tila nanginginig din ito sa takot.

"P-panginoon?"

"Dakpin niyo nga ang babaeng ito!" Itinuro ko si Senda, "ikulong niyo sa bartolina kasama ng mga daga!"

Hindi ko alam kung paano ko pipigilan ang pagtawa ko sa naging reaksyon ni Senda sa ipinag-utos ko, kaya't tumalikod na lamang ako at nagdali-daling umalis.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon