KABANATA 32

1.9K 163 3
                                    

"Huwag ka sanang magtatampo sa Lolo Cephalas mo," Ani Miranda, ang matandang katiwala sa tahanan ni Cephalas sa nagmumukmok na dalawampu't limang anyos na si Lucio. "Siya ang dating taga-sanay ng mga sundalo sa hukbo ng iyong Lolo, at marami na siyang naging karanasan sa larangan ng pakikipagdigma. Nais lamang niyang ibahagi sa iyo ang kanyang mga paraan sa pagsasanay noong kanyang kapanahunan upang maging magiting at matatag ka rin tulad ng iyong Lolo."

"Sinasanay nga ba niya ako?" sagot nito, "o pinaparusahan? Hindi pa ba sapat na pinamahalaan niya ang buong buhay ko na tila isang tautauhan, kasama na ang pagpupumilit niyang ipakasal ako sa taong hindi ko naman gusto?"

Nagulat ang matanda sa si tinuran ni Lucio, "limang taon na kayong mag-asawa at magdadalawa na ang anak ninyo ni Aretha, paanong aabot kayo sa ganyan kung wala ka naman palang pagtingin sa kanya?"

Hindi agad nakapagsalita si Lucio. Nakatingin lamang ito sa malayo at tila may malalim na iniisip. "Maniniwala ba kayo sa akin kung sasabihin ko sa inyo na hindi ko alam kung paano ko nabuntis si Aretha ng dalawang beses," tumingin ito sa matandang kausap, "gayung hindi ko naman naaalalang nakipagtalik ako sa kanya ni minsan."

Namilog ang mga mata ni Miranda, "ni minsan?"

"Ni minsan."

Tila naaburido ang matanda sa kanyang natuklasan, "kahit noong inyong pulot-gata?"

Tumango lamang si Lucio.

"Ngunit, kamukhang-kamukha mo naman ang dalawa mong anak na lalaki. Sa palagay mo ba ay hindi mo anak ang mga ito?"

"Hindi iyan ang ibig kong sabihin, Nana Miranda. Alam ko, base sa lukso ng dugo ko na mga anak ko nga sila, pero ang hindi ko maunawaan ay kung paanong..." umiling-iling si Lucio habang saglit na sinapo ang kanyang ulo. "Nahihirapan akong ipaliwanag, Nana Miranda, hindi ko talaga maalala. Ang naalala ko lang, may mga pagkakataon na tila..."

"Tila ano?" nakakunot na ang noo ni Miranda.

"'Yung tila ba...nawawala ako sa sarili. Kung minsan, nasa hapag-kainan ako, ngunit hindi ko naman naalala na natapos akong kumain, magigising na lang ako na nasa kama na ako kinaumagahan, ngunit hindi ko naman maalala na humiga ako nang kusa. Aywan ko!" Hinilot nito ang magkabilang sintido. Ang sabi ni Tata Doro, 'yung albularyo sa kabilang baryo? Baka raw namamaligno ako, ngunit ang sabi naman ni Nana Pisyang, 'yung manggamot dito sa atin, kulam naman."

Muling bumakas ang pagkagulat sa mukha ni Miranda. "Parati bang nangyayari 'yan sa 'yo?"

"H-hindi naman po parati, bagaman napapadalas na po nitong nakakaraang taon. Pakiramdam ko, laging may nawawalang oras sa akin. Hindi ko alam kung nawawala ba ako sa sarili o nawawalan ng malay...aywan ko. Napakagulo ng utak ko. Hindi ko maintindihan ang nangyayari sa akin. Kung minsan, natatandaan ko, nasa may ilog ako at namamahinga pero nasa bahay na ako nung magising ako, pero hindi ko maalala kung paano ako nakauwi."

Sandaling nag-isip muna ang matanda. "Naalala mo pa ba kung kailan ka nag-umpisang magkaganyan?"

Napabuntong-hininga si Lucio, "hindi ko na masyadong maalala, pero parang nagsimula ito noong nagkasakit ako. Noong inaapoy ako ng lagnat matapos ang matinding pag-eensayo namin ni Lolo. Noong...nakaratay ako ng ilang araw, ilang araw bago ang--" tila may biglang pumasok sa isipan ni Lucio.

"Bago ang ano?"

Muli nitong tiningnan ang matanda, "Ilang araw bago ang pamamanhikan nam--"

Nagkatinginan muna ng may katagalan si Lucio at Miranda, at napalunok muna ang matanda bago nito sinabing, "hindi kaya nagagayuma ka?"

"Gayuma? Sino naman ang gagayu--"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon