KABANATA 34

1.9K 167 5
                                    

"Patawarin mo ako, Luisito." Paninikluhod ni Aretha sa asawa. Halos gumulong na ito sa lupa at nakasubsob sa mismong paanan ng nag-uumapoy sa galit na asawa. "Nagawa ko lamang naman 'yon dahil sa labis na pagmamahal ko sa 'yo."

Ngunit hindi na makapagsalita sa labis na pagkapoot dito si Lucio kaya mas minabuti na lamang ng lalaki ang umalis at iniwanang nakasubsob sa sahig ang kanyang asawa.

***

"Pag-isipan mong mabuti ang gagawin mo, Luisito." Ani Miranda kay Lucio, matapos nitong mabalitan ang nangyari sa mag-asawa. "Alam mong mainit ang mga mata ng mga taga-rito sa asawa mo, lalo na ang mga deboto ng Simbahan. Kapag sa iyo pa nila narinig ang mga bagay tungkol sa iyong asawa, gagamitin nila ito upang maging matibay na pruweba sa kanilang mga hinala."

"Bakit?" kunot-noong sagot ni Lucio, "totoo naman ang mga hinala nila, 'di ba?" Nanginginig pa rin ito sa galit. "Ginayuma niya ako. Umamin na siya sa akin, Nana Miranda. Siya mismo ang gumawa. Ginawa niya akong gagong sunod-sunuran sa kanya gamit ang itim na karunungan. Hindi man niya mabigkas ang katotoohanang mangkukulam siya pero mangkukulam nga siya! Kinulam niya ako para mapasunod niya ako sa lahat ng gusto niya. Hindi ba't ikaw pa mismo ang nagsabi sa akin? Bakit tila yata ikaw pa ngayon ang kumukontra sa akin?"

"Hindi naman sa ganun, hijo. Ang sa akin lang ay isipin mo muna ang mangyayari sa pamilya niyo kapag nalaman 'yan ng taong-bayan. Sabihin na nating totoo ngang mangkukulam ang iyong asawa, kapag nalaman 'yan ng mga tao bilang isang bagay na higit pa sa isang haka-haka, alam mong hindi nila ito palalampasin, at alam mo naman ang kaparusahan sa mga tulad niya, hindi ba? Siguradong susunugin nila si Aretha nang buhay. Papaano na tatlong anak niyo kapag nangyari 'yon? Paano na rin ang sanggol na nasa sinapupunan niya ngayon? Alam mong ang panghuhusga ng mga taong ito sa isang mangkukulam ay hindi lamang sa mismong mangkukulam kundi pati na rin sa mga anak nito; sa mga anak niyo! Kaya mo bang sikmurain na madamay ang mga anak mo sa kasalanan ng kanilang ina?"

Sinabunutan ni Lucio ang kanyang buhok, "paano nga ang gagawin ko, Nana?! Hindi ko na kayang makisama sa kanya?!"

"Huminahon ka, Luisito at babaan mo ang boses mo," mas lumapit ito sa dating alaga at bumulong,"kung hindi mo kayang gawin ang magtiis at magtakip para sa iyon asawa, gawin mo na lang ito para sa iyong mga anak! Makinig kang mabuti. Kapag hindi mo itinikom ang bibig mo, papatayin rin nila ang mga anak mo! Tandaan mo 'yan!"

***

Senda's P.O.V.

Ako na nga ang tinulungan nilang tanggalin ang mga nabuwal na puno sa aking bakuran, ako pa ang binayaran nila para sa kahoy. Hindi ko alam kung magkano ang tunay na bentahan ng Narra at Mahogany, pero noong binigyan nila ako ng limang libo para sa lahat ng punong-kahoy, hindi na ako nagreklamo. Puwede ko na ngang ibigay ng libre, magrereklamo pa ba ako kung ako pa ang binayaran.

"Ok na 'yan, Senda. Hindi na masama." Sabi sa akin ni Mylene nang mapadaan ito sa kubo papuntang ilog upang mag-laba. May kasama itong dalawang babae, isang mukhang mas bata sa kanya at isang mukhang mas matanda, ngunit batid kong umiiwas ang mga ito sa akin dahil nauna na ang mga itong nagsipag-alisan.

"Maraming salamat sa mga pinapunta mo rito, ha? Heto..." inabutan ko ito ng isang-libong piso, "para sa 'yo."

Nagulat ito, "naku Senda, 'wag na. Hindi naman ako nangungumisyon sa itinulong ko sa 'yo."

"Alam ko." May bitbit na batya si Mylene sa kanang kamay kaya't kinuha ko na ang kaliwang kamay nito at saka ko inilagay ang pera sa kanyang palad. "Pero gusto ko pa ring ibigay ito sa 'yo."

"Naku, Senda, ambait mo naman, pero nakakahiya naman sa 'yo. Wala namang presyo ang pakikipagkaibigan at pagtulong ko sa 'yo."

"Grabe ka naman, Mylene. Hindi naman ito presyo ng pagkikipagkaibigan mo sa akin. Gusto ko lang ibahagi sa 'yo ang hindi ko inaasahang pagpapalang dumating sa akin dahil kung hindi rin naman dahil sa 'yo, pinoproblema ko pa rin siguro 'yung mga puno sa bakuran ko. Sige na, tanggapin mo na. Maliit na halaga lang naman 'yan kung tutuusin."

Ngumiti ito sa akin, "naku, ang swerte ko naman pala ngayong araw. Akalain mong nagdesisyon lang akong maglaba, daig ko pa ang nakapulot ng pera sa kalsada? Sige na nga kung mapilit ka," isinilid na nito ang pera sa bulsa ng kanyang daster. "Maraming salamat ha? Pandagdag din ito sa gastusin namin sa bahay."

"Walang anuman. O siya, lumakad ka na, iniwan ka na yata ng mga kasama mo dahil sa pakikipag-usap mo sa akin." Pabiro kong turan.

"Ah, 'yung mag-inang 'yun? Hindi ko naman talaga kasama 'yun, nakasalubong ko rin lang ang mga 'yun sa daan. Doon kasi sila nakatira sa malapit sa amin. Eh ano naman kung ayaw nila na kausapin kita? Problema na nila 'yun no. Ay siyanga pala!" Ibinaba na muna nito ang kanyang batya, "may magaganap nga palang sayawan sa nayon ngayong darating na biyernes ng gabi. Gusto mo bang sumama?"

Napakingiwi ako, "alam mo na ang isasagot ko riyan, Mylene."

"Ano ka ba? Pagkakataon na 'yon para maipakilala kita sa mga kaibigan ko, kahit 'yung iba lang. 'Yun bang mga tinutukoy ko na gusto ring makipagkaibigan sa 'yo kaya lang eh medyo nahihiya at saka doon sila nakatira sa medyo malayong bahagi ng baryo kaya hindi sila gaanong nagagawi sa banda rito."

"Parang nahihiya ako, Mylene, at saka, ano bang isusuot ko ro'n?"

Tinapik ako nito sa braso, "'to naman, sa ganda mong 'yan ikaw pa ba ang mahihiya? Eh kung tutuusin, ikaw ang pinakamagandang dalaga rito sa San Gabriel bukod sa akin." Humagikhik ito, "Pahihiramin na lamang kita ng bestida kung 'yung isusuot lang ang inaalala mo. Sige na, Senda. Pumayag ka na. Kasama mo naman ako eh."

"Dalaga raw si Senda!" Natatawang bulong ng isa sa apat na babaeng dumaraan sa bandang likuran ni Mylene. Mukhang patungo rin ang mga ito sa ilog upang maglaba. "Eh 'di ba ang sabi nila may edad na raw 'yan? Kasintanda na nga raw 'yan ng mga nanay natin pero hindi lamang nagbabago ang hitsura?" Nagbubulungan pa sila gayung naririnig rin naman namin ni Mylene.

"May sinasabi kayo?!" Pagpaparinig sa mga ito ni Mylene. "Lecheng mga inggiterang 'to, kay aga-aga hindi na lang atupagin ang labada!" Inirapan lamang naman siya ng mga ito habang nagpapatuloy sa paglalakad papalayo.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Hindi ko alam kung bakit sinasabi nila na matanda na ako." Sinabi ko naman agad kay Mylene, "Eh beinte tres lamang naman ako ah."

"Nyeh! Eh mas matanda pa pala ako sa 'yo."

"Bakit? Ilang taon ka na ba?"

"Beinte singko na ako no. Pero dahil probinsya 'to, matandang dalaga na ang tawag sa akin ng nanay ko." Natatawang turan nito. "Pero alam mo? Huwag mo na lang pansinin ang mga inggeterang 'yon. Walang bait sa sarili 'yang mahilig magpapaniwala sa mga sabi-sabi. Mas lalo na lamang natin silang inisin kapag dumalo tayo sa sayawan kaya't huwag ka sanang hihindi, dahil magtatampo talaga ako sa 'yo."

"Puwede bang pag-iisipan ko na lang muna?"

Muli nito akong tinapik sa braso, "ano pa bang pag-iisipan mo? Ah basta! Dadaanan ka namin dito mga bandang ala singko ng hapon sa biyernes, para naman sabay-sabay na tayong makapagpa-beauty, 'di ba? Huwag kang mag-alala, ako ang mag-aayos sa 'yo!"

Dalawang araw pa naman bago ang sayawan, pero hindi na ako mapakali. Kinakabahan ako na hindi ko maintindihan. Isa pang problema ko 'yung hindi naman ako marunong sumayaw. Di kaya magmukha lamang akong katawa-tawa roon?

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon