KABANATA 35

1.9K 177 6
                                    

Senda's P.O.V.

Araw na naman ng pamamaraka ko sa bayan. Tulad ng dati, nilalakad ko lang ang patungo sa waiting shed para maghintay ng masasakyan. Sa aking paghihintay, mas naging kapansin-pansin ang pag-iwas sa akin ng mga tao. Lahat sila sinusulyapan ako, at kapag nahuhuli ko sila, agad din naman silang umiiwas ng tingin. Meron namang papunta rin sana sa pinaghihintayan ko, pero kapag natanaw nila na naroon ako ay bigla na lamang tumatalilis.

"Hoy Senda!" Isa itong pamilyar na tinig na nagmumula sa aking may bandang likuran

Nilingon ko ito at agad ko namang nakilala, "Mylene!"

May bitbit din itong bayong at nagmamadali ito sa paglapit sa akin, "papunta ka ba sa bayan?"

Tumango ako nang naroon na siya sa aking tabi. "Ikaw rin ba?"

"Oo, pero doon ako pupunta kina Joanna, para makisakay. Ngayon kasi ang araw ng pamimili nila sa bayan, Meron kasing jeep ang mga 'yun eh. At saka, ang hirap magbantay rito, madalang lang kasi ang namamasada dito sa atin, lalo na doon sa San Antonio."

"Bakit nga, ano? Simula nang lumipat ako rito, 'yun din ang napansin ko. Doon sa ibang nayon na mas malapit sa kabayanan, tila maraming namamasada, pero pagdating dito sa atin at San Antonio parang halos wala."

"Tayo kasi ang pinakaliblib. At alam mo na, dahil sa mga sabi-sabi ng mga taga ibang nayon tungkol dito sa atin, marami ang nangingilag magpunta rito."

"Bakit naman? Ano ba ang sinasabi nila tungkol dito sa lugar natin?"

"Hmp. Na pugad daw ito ng iba't-ibang mga elemento at maligno."

"E-elemento." Bigla kong naalala ang mga kapatid ko.

"A-anong klase raw ng mga elemento at maligno?"

"Hay, ewan ko ba sa mga mosang at mosong diyan sa kabilang bayan. Kesyo marami raw silang mga kakilala na kapag nagtutungo raw dito upang makipamiyesta sa atin ay hindi na raw nakakabalik nang buhay, o di kaya naman eh, nanununo raw, 'yung bigla na lamang nagkakasakit nang walang lunas. Eh, malay naman nila kung may sakit na pala 'yung mga taong 'yun bago pa sila nagtungo rito. O di kaya naman eh nakipagtanan lang 'yung taong nawawala o sadyang naglayas lang at nagtungo lang sa ibang lugar nang hindi nila alam. Marami namang dahilan kung bakit nawawala ang mga tao, 'di ba?"

Napatulala ako sa dami ng sinabi niya. Alam ko naman kasi na may mga elemento nga sa lugar namin at kasama na roon ang mga kapatid ko, ngunit mabubuti naman silang mga engkanto, at wala namang nababanggit ang mga kapatid ko sa akin na may ganoong mga pangyayari sa lugar namin.

"Hoy, Senda!"

Nagulat ako, "pasensya ka na, Mylene, kulang kasi ako sa tulog kagabi kaya medyo lumulutang ang utak ko." Pagdadahilan ko.

"Ikaw ba? Naniniwala ka ba na may mga elemento nga dito sa lugar natin?"

"H-ha?" hindi ko alam kung sasabihin ko ang alam kong totoo o kung magsisinungaling ako.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Hoy, Mylene!" Pagtawag ng isang babae mula sa pampasaherong jeep na hindi namin namalayan na nasa harapan na pala namin. Doon ito nakaupo sa unahan, sa tabi ng isang matandang babae, at ng matandang lalaking siyang nagmamaneho. Nakangiti naman ang mga ito sa amin. "Sasabay ka ba?!"

"Oo, sasabay ako!" Sagot naman nito, "pero, Joanna, aling Lavinia, Mang Felix, p'wedeng bang isabay na rin natin si Senda. Papunta rin kasi siya sa bayan eh."

"Oo naman!" sagot ng babaeng tinawag ni Mylene na si Joanna, "sumakay na kayo para makaalis na tayo, may dadaanan pa kasi sina Nanay sa San Joaquin!"

"Oo, sige!" Tugon ni Mylene, "halika na, Senda!"

***

Nagluluksa ang buong nayon ng San Joaquin. Sa marahang pagpapatakbo ni Mang Felix ng kanyang jeep dulot ng bako-bakong kalsada'y mas natitigan ko ang lahat ng kayang abutin ng aking paningin sa magkabilang tabihan ng kalsada.

Bukod sa kabi-kabilang pag-uumpukan ng mga taong nagbabayanihan upang muling maitayo ang mga bahay ng lahat ng mga nasalanta, ay kapansin-pansin na kung hindi nakaputi ay nakaitim naman ang mga tao roon. Bakas sa kanilang mukha ang matinding kalungkutan at pagdadalamhati.

"Mas grabe ang nangyari rito, kumpara sa atin at sa San Agustin." Mahina at mahinahong wika ni Mang Felix. "Wala halos natira sa mga bahay ng mga ito. Huwag na 'yung mga bahay na nawasak, doon na lang sa mga taong magpahanggang sa ngayon ay nawawala pa rin. Mga bata at mga sanggol, mapababae man o lalaki; mga binata at dalaga. Ang nakapagtataka'y kung paano sila nawala, gayung ayon sa mga kaanak na nawalan ay hindi naman sila lumabas ng bahay noong sinakop sila ng itim na ulap. Basta't ang naaalala lang nila, bigla na lang dumilim, kumulog, kumidlat, at umulan ng walang hinto habang umiihip ang malalakas na hangin na naging sanhi ng pagkawasak ng kanilang mga bahay..."

"Pero 'tay!" Sabi ni Joanna sa kanyang ama, "bakit po tila piling-pili lang 'yung mga nawala dahil ang natira lamang ay yaong matatanda at doon sa mga mas bata ay yaon lamang may asawa na. Kung naglaho, may kumuha o napadpad lang kung saan, bakit po kaya sa atin at San Agustin ay kakaunti lamang ang pinsala at bilang na bilang lamang ang nawala kumpara rito?"

"Hindi ko alam." Sagot dito ni Mang Felix, "ang lahat ay palaisipan pa rin sa ating lahat magpasahanggang sa ngayon."

"Saan na kaya napadpad ang mga 'yun 'no 'tay?" muling tanong ni Joanna sa kanyang ama, "kawawa rin 'yung mga naiwan nila."

"Felix, ipara mo riyan sa tabi!" Bulalas ni Aling Lavinia. "Ayun si Kapitan." May itinuturo itong isang matandang lalaking nakatayo sa isang bahay sa bandang kanan. Inihinto agad ni Mang Felix ang jeep at agad na bumaba naman si Joanna at ang Nanay nito upang puntahan ang kanilang pakay.

"Ano pong ginagawa rito ni Kapitan, Mang Felix." Tanong ni Mylene dito.

"Ah, dito kasi nakatira 'yung isa sa mga anak niya dahil tagarito ang napangasawa, at isa 'yung anak niyang babae sa mga nawalan ng sanggol. Kapapanganak lamang nito noong kabilang buwan. Dito muna siya tumitigil upang manulungan, pero nakiusap siya sa amin na daanan siya sa pagpunta namin sa bayan, upang makapamili rin siya ng mga kakailanganin ng anak at manugang niya dahil hindi na raw maasikaso pa ng mga ito ang pamamaraka sa ngayon. Nang dahil kasi sa mga nangyari ay hindi na makausap 'yung anak niyang babae nang maayos. Lagi raw itong nakatulala at tila nawawala na sa sarili."

'Kahit sino naman siguro ang mawalan ng anak,' wika ko sa sarili ko, 'mababaliw ako kung sa akin mangyayari 'yun.'

"Kawawa naman po pala. Nakakalungkot naman. Mas lalo tuloy akong nagpapasalamat sa DIYOS na walang nawala sa pamilya ko---"

Nakikipag-usap pa si Mylene kay Mang Felix nang may napansin ako sa bandang kaliwa ng kalye kung saan kami nakaparada. Napanganga ako at bahagyang hindi makapaniwala sa aking nakikita. Naroon kasi si Luis.  Nakasuot ito ng pantalong maong, walang damit pang-itaas at tila pawis na pawis. Isa ito sa mga nanunulungan sa paghahakot ng mga kawayang pinagtatagni-tagni nila upang gawing ding-ding ng isang bahay.

Tatawagin ko sana ito ngunit nauna nang dumako ang kanyang mga mata sa akin habang dumadampot ito ng panibagong kumpol ng kawayan. Wari'y nagulat ito at hindi agad makapagsalita nang makilala niya ako, habang ako nama'y wala nang iba pang maisip na sasabihin nang unti-unti na itong ngumiti sa akin, bukod sa...

'Susmaryosep! Nang magpaulan ba ang DIYOS ng kakisigan ay nasalo niyang lahat?'

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon