Chapter 129

1.2K 97 7
                                    


Tahimik akong nakadungaw sa bintana ng karwahe. Kasama ko dito sa loob ang mga Cairon, habang nasa kabilang mga karwahe naman ang mga ladies-in-waiting namin at mga mayordomo. Iniwan ko sa Cyan sina Ju Fen, Wei Niu at Liu Ai. Inatasan ko sila na sila ang personal na tagapag-alaga ng magkakambal na malugod nilang tinatanggap. Tama si Otis, mainam nga talagang iiwan muna namin ang mga anak namin doon sa gayon ay maging ligtas sila at alam kong malakas ang seguridad ng mga Eryndor, lalo na si Vencel, syempre, mga apo na din niya ang pinag-uusapan dito. Bukod pa doon, alam kong hinding hindi nila papabayaan ang mga anak namin ni Otis, malaki din ang tiwala ko na maaalagaan muna ng mga prinsipe ng Cyan ang kanilang mga pamangkin.

Pinagpasyahan ko ding isama pabalik sa Thilawiel sina Nesta, Faila at Regie dahil sila lang ang nakaalam at buong detalye ng araw na may sumugod daw dito at pilit kinukuha ang magkakambal. Sa tuwing sumasagi talaga sa isipan ko na mayroon talagang nagbabalak na masama sa mga anak ko, hindi ko mapigilan na mainis o magalit. Ano pa kaya ang prinsipe na tagapagmana?

Mula dito ay natatanaw ko na ang arko kung saan ang daan papasok sa Thilawiel. Lihim ako napangiti. Hindi ko lubos na maisip na ilang buwan na pala ang nakalipas, sa wakas ay makakabalik na ako dito. Sa poder ng mga Cairon---sa poder ng aking asawa. Hindi rin ako makapaghintay na magtatrabaho ulit ako dito. Siguro naman ay magagampanan ko na ang mga tungkulin dito. Nasabi mismo sa akin ni Emperador Audrick na habang nawawala daw ako, patuloy pa rin ang daloy ng mga proyekto, lalo na ang hinahawakan kong minahan. Dagdag pa niya na dahil nasa ibang bansa na ngayon si Mival bilang hari at abala na ito sa pagtatakbo ng bagong bansa, ang Aliron. Napag-usapan nila na si Eglantine na daw ang hahawak ng mga trabaho na naiwan ng pangalawang anak ni Emperador Audrick. Medyo nawindang ako dahil tinanggap ni Eglantine ang tungkulin na ibinigay sa kaniya ng emperador pero may parte din sa akin na masaya ako para sa kaniya dahil talagang lumalabas na talaga mula sa madilim na silid. Na magagawa na niyang ipakita sa lahat na hindi na siya tulad ng dati na ang madalas na impresyon sa kaniya ay isang karaniwang prinsesa, na nasa loob lang ng Palasyo at maghihintay na asawahin siya ng isang myembro ng maharlika.

Napukaw ng aking atensyon ang matataas at makapal na pader papasok ng Thilawiel. Hindi ko na mapigilan ang sarili kong mapangiti. Heto na, makakabalik na ako! Makakauwi na ako sa pangalawa kong tahanan, sa wakas! Hindi na ako makapahintay na tumapak ulit ako sa lupang sinilangan ng aking asawa. Hindi na ako makapaghintay na makita kung ano ang hitsura nito mula una ko itong nakita.

Maliwanag ang sikat ng araw kaya mas gumaganda ang pakiramdam ko. Mas gumaan pa kung tutuusin.

Palapit na kami nang palapit ay rinig ko ang pagsigaw ng isa sa mga kawal na nagbabantay doon, malakas niyang inabiso sa kaniyang mga kasamahan ang pagdating ng Pamilyang Imperyal. Hindi rin nagtagal ay umangat ang makakapal na bakal na nagsisilbing harang bilang proteksyon sa bansa na ito---na hindi ito agad malilisob ng mga kalaban. Hanggang sa payapang nakatawid ng mga sinasakyan naming karwahe papasok sa Kapitolyo ng Thilawiel. Subalit, may isang bagay akong hindi inaasahan nang narating namin ang lugar na 'to.

Umuulan ng mga talulot na mga bulaklak sa paligid, malalakas at masasayang hiyawan, mga masasayang ngiti sa mukha sa mga Thilian, mga cardboard pa silang hawak na pawang pare-pareho ding mga masasayang mensahe nakasulat doon na nais nilang iparating sa akin.

"Maligayang pagbabalik, aming prinsesa na tagapagamana!" malalakas nilang hiyaw na isinalubong nila sa amin.

"Siya nga! Nakabalik na nga ang kamahalan! Nakabalik na ang minamahal nating prinsesa!"

May naririnig din akong mga iyakan sa hindi kalayuan, nahagip ng aking paningin na galing 'yon sa mga matatanda. Para bang ipinaparamdam nila sa akin ngayon na labis ang pangungulila nila sa akin sa mga panahon na nawawala ako.

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon