Chapter 133

972 65 8
                                    


Payapa kaming nakarating ni Otis sa Palasyo ng Cyan. Hindi lang siya ang kasama ko. Sina Ceca, Frostine, Berrian at Xiras ay sumama din papunta dito. Hinayaan ko nalang sila kung ano ang gugustuhin nila. Bukod pa doon ay kinukutuban ako na baka may maisasagot din sila sa mga posibleng tanong ko mamaya.

Napasinghap ang dalawang babaeng tagapagsilbi na pamilyar sa akin nang nakita nila ang aming presensya. Nang napagtanto nila na hindi sila nagmamalikmata ay aligaga silang bumati sa amin na may halong kapormalidad. Nilapitan ko sila at itinanong ko sa kanila kung saan namin matatagpuan si Vencel. Mabuti nalang ay may alam sila. Sinabi nila na kasalukuyan itong nasa kaniyang opisina, kasama ang mga kapatid ko dahil may dalawang hindi inaasahan na bisita ang dumating.

Kusang kumunot ang aking noo dahil sa pagtataka na dahilan upang magpalitan kami ng tingin ni Otis. Hindi rin nagtagal ay hindi na kami nagsayang pa ng oras. Agad namin pinuntahan ang Opisina kung nasaan ang mga Eryndor. Gusto ko itanong sa kanila kung alam na ba nila na buhay pa ba si Theavia na siyang aking ina. Pero mas nangingibabaw sa akin ang katanungan kung sino ang dalawang hindi inaasahan na bisita ang napadpad dito sa Cyan.

Pareho lang kami huminto sa paglalakad nang nasa tapat na kami ng malaking pinto kung nasaan ang Opisina. Kumatok ako ng tatlong beses. Naghintay kami ng kaunti hanggang sa nagbukas ang pinto. Unang tumambad sa amin ay si Raegan. Tulad ng dalawang babaeng tagapagsilbi ay bakas din sa mukha niya ang pagkagulat sa biglaan naming pagsulpot, lalo na't wala kaming pasabi na bibisita kami.

"Rini?" hindi makapaniwalang tawag niya sa akin. Nilakihan niya ang awang ng pinto, binigyan niya kami ng pahintulot na makapasok sa silid. "Pasok kayo."

Bahagya akong tumango. Nanatili kaming tahimik hanggang sa tagumpay kaming nakatapak sa mismong loob ng silid. Napukaw namin agad ang atensyon ng mga tao na naririto. Sina Vencel, Cederic at ang tinutukoy na dalawang bisita, ang binabanggit sa akin ni Otis na si Miriel, ang Panginoon at namumuno sa mga diyos at diyosa ng mundong-ibabaw, at si Gelnius, ang tumatayong pinuno ng mga diyos at diyosa ng mundong-ilalim. Nakakapagtataka lang kung ano ang sadya nila dito sa Cyan? Siguro ay masyadong importante ang usapin.

Sabay kaming nagbigay-pugay sa mga kaharap namin. "Binabati po namin ng magandang gabi, kamahalan, ang mahal na emperador at mga prinsipe ng Cyan. Paumahin sa biglaan naming pagbisita..." panimula namin. "Gayundin sa mga pinuno ng mga diyos at diyosa."

"Walang problema, Rini. Tamang-tama ang inyong dating. Mayroon kaming mahalagang pinag-uusapan dito, lalo na tungkol sa inyo ng Prinsipe Otis." pormal na saad ni Vencel sa amin.

Gumuhit ang pagtataka sa aming mukha nang marinig namin ang bagay na 'yon. Muli kami nagpalitan ng pagtatakang tingin ni Otis. Hindi rin nagtagal ay ibinalik namin 'yon sa mga kaharap namin. "Ano pong ibig ninyong sabihin, Papa?" kahit sa boses ko ay may halong pagtataka.

"Biglaan din ang pagbisita ng Panginoong Miriel at ang tagapagsalita na siya ding pansamantalang tumatayong Panginoon ng mundong ilalim, si Panginoong Gelnius." panimula ni Vencel nang sulyapan niya ang dalawang Panginoon na kaniyang tinutukoy. "May misyon silang ibibigay sa inyo, hindi lang sa inyo ng Prinsipe Otis, gayundin sa mga prinsipe na naging parte ng kasunduan, Rini."

Pareho kami natigilan ni Otis. Mga prinsipe na naging bahagi ng kasunduan? Ibig sabihin, kasama din sa sinasabing misyon sina Calevi, Dilston, Cederic, at ang magkapatid na Pamilyang Imperyal mula Jian Yu? "Iba pa po ba sa misyon para sa Corbin, papa?" sunod kong tanong.

Tumango siya. "Oo, pero masasabi din na may kinalaman din sa mga bato ang susunod ninyong misyon..."

"Pero mas maganda kung sasabihin namin ang misyon na 'yon sa oras na makasama na din natin sila. Makakapaghintay pa naman kayo pagkatapos ng pyesta sa Corbin?" biglang sumingit sa usapan ang tinutukoy na Panginoong Miriel. "At bukod pa doon, ay may mga mahahalaga pa kaming sasabihin sa inyo."

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon