KABANATA 49

1.8K 192 20
                                    

Senda's P.O.V.

Sa paglabas ng malaking silid, lalo akong nataranta. Bumungad kasi sa akin ang isang malawak na bulwagan na may tatlong pasilyo. Litong-lito ako kung aling pasilyo ang papasukin ko dahil alinman ang piliin ko ay hindi ko sigurado kung saan patutungo.

"Senda!"

Halos sabay-sabay sila nang pagtawag sa akin. Wala na akong panahon para mag-isip kaya basta ko na lang pinili ang pasilyong napaggigitnaan ng dalawa. Madilim sa loob dahil taging mga sulo lamang ang nagsisilbing liwanag doon at hindi naman mapawi ang kaba sa aking dibdib dahil sa pinakadulo ng pasilyong iyon ay may tatlong sanga-sangang daanan na naman ang naghihintay sa akin.

"Ano bang klaseng lugar ito? Naku, PANGINOON kong nasa langit, tulungan niyo po sana ako! Nasa'n na po ba ako?" Bulong ko sa sarili ko.

Tila mas lumapit na ang tunog ng mga yabag ng mga babaeng humahabol sa akin kaya hindi na ako gaanong nakapag-isip nang pinili ko ang nasa kanan, bagaman sa dulo ng bawat kong nililikuan ay may panibago na namang sanga-sangang lilikuan na hindi ko alam kung saan ang patutunguhan.

Hindi ko na matantiya kung gaano katagal at kung gaano na kalayo ang binagtas ko, basta't ang alam ko, pagod na pagod na ako kaya ayaw ko mang magpahinto-hinto ay kinailangan kong tumigil nang makailang beses upang habulin ang aking paghinga.

"Nasa'n na ba ako, PANGINOON?!" daig ko pa ang hinihika, "bakit tila walang katapusan ang mga pasilyo rito."

Sandali akong nakiramdam. Wala na ang mga yabag, ngunit sa halip na makapante ay lalo akong ninerbiyos dahil ang ibig sabihin lamang noo'y nag-iisa na lamang talaga ako sa nakaliligaw na laberintong ito. Pero wala akong magagawa, kailangan kong magbakasakali at patuloy na umabante dahil wala naman akong ibang mapagpipilian.

Ilang beses pa akong huminto upang magpahinga. May ilang beses rin akong napaidlip sa sahig sa sobrang pagod. Ngunit kahit ilang beses akong tumigil upang tumipon ang lakas, wala rin itong silbi kung nagugutom at nauuhaw na ako. At dahil dito, muli na naman akong nawalan ng malay.

***

Napabalikwas ako nang dahil sa mga yabag at tinig ng mga kalalakihang nag-uusap at nagtatawanan sa hindi kalayuan. Sa halip na mabahala ay pinakinggan kong mabuti kung saan nagmumula ang mga ito at sinundan iyon.

"Mukhang masaya ka ngayon ah!" sabi ng isa sa hindi ko pa matiyak na bilang ng mga lalaki. "Magaling ba ang diwatang umaliw sa 'yo?"

"Tama ka p're." Sagot ng ibang tinig, "hayup sa ganda ng katawan, hayup ring magpaligaya! Kaya nga kahit naiinis akong bagtasin ang laberintong ito, pinagtatiyagan ko para makarating ako sa langit!"

"Sulit naman, 'di ba?"

"Sulit na sulit!"

Muling naghalakhakan ang mga lalaki.

"Ano bang lugar ito?" bulong ko sa sarili ko, "bahay aliwan? Hay naku...kaya siguro gusto akong inspeksiyunin ng mga babaeng 'yun. Gusto siguro nila akong mapabilang sa kanila!"

Patuloy kong sinundan ang kanilang mga tinig, hanggang sa abot-tanaw ko na ang mga ito nang maglaon. Tama naman ang naging desisyon kong sundan ang mga ito dahil sila na rin ang gumabay sa akin upang makalabas ng laberinto nang hindi nila namamalayan.

***

Napanganga ako sa bumungad sa akin sa labas. Ang laberinto palang pinaggalingan ko ay isa lamang maliit na bahagi ng isang palasyong nasa gitna ng makapigil-hiningang paraiso. Bughaw na bughaw ang kalangitan, presko ang simoy ng hangin,hitik ng iba't ibang bunga ang mga punong-kahoy at napupuno ng iba't ibang kulay ng mga halaman at bulaklak ang buong kapaligiran.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon