KABANATA 50

1.8K 189 15
                                    

"M-mabuti naman at nagustuhan mo ang iniluto ko." habang pinagmamasdan ni Aretha ang pagkain ni Lucio. Masaya siya, dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay kinain nito ang inihain niyang pagkain.

"Kumain na ba ang mga bata?"

Isa rin ito sa ikinatuwa dahil ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nagtanong ito kung kumain na ang kanilang mga anak.

"Oo, pasesensya ka na nga lang at hindi ka na nila nahintay. Kailangan nila kasing matulog ng maaga para sa eskwela nila bukas."

"Ikaw, kumain ka na ba?"

Mas lalong ikinabigla ito ni Aretha. Napaisip tuloy ito kung ano ang nangyari sa mahabang paglalakbay ni Lucio. Mahigit anim na buwan din kasi itong nawala upang mangalakal sa ibang lugar.

"O-oo, kumain na ako. H-hindi ko kasi inaasahan na darating ka ngayong gabi."

***

Tuwang-tuwa ang kanilang mga anak sa mga pasalubong ng kanilang ama. Punong-puno kasi ang dalawang malalaking maleta nito ng sari-saring mga pasalubong nito sa kanila.

"Para sa 'yo." Nakangiting iniabot ni Lucio ang ang isang maliit na kahon sa kabiyak. "Sana magustuhan mo."

Hindi man halos makakilos si Aretha sa pagkabigla sa napakalaking pagbabago ng kanyang asawa ay marahan nitong kinuha ang kahon at agad na binuksan ito. Lalo itong nagulat sa kanyang nakita. Isa itong ginintuang kuwintas na may palawit na krus na lantay ng mga diyamante at rubi.

"K-krus?" hindi maipinta ang mukha ni Aretha. Hindi naman kasi ito isang Kristiyano at alam naman ni Lucio ito.

"Bakit? Hindi mo ba nagustuhan?"

"H-ha?" sa loob-loob niya ay mas mahalaga kaysa sa regalong natanggap niya ang malaking pagbabago sa asawa, "n-nagustuhan ko. Napakaganda. Maraming salamat." Bagaman nababagabag siya na ang pagbabagong ito ay may koneksiyon sa regalong ibinigay sa kanya. 'Isa na kaya siyang Kristiyano ngayon?' sabi ni Aretha sa kanyang isipan. 'Huwag naman sana...huwag naman sana..."

Hindi pa man din gaanong nakukumbinsi ni Aretha ang kanyang sarili sa kanyang hinala ay napansin niyang may dinukot na isang maliit ngunit makapal na tomo si Lucio mula sa bulsa nito. Mayroon itong titulong nakasulat sa salitang latin at isang malaking simbolo ng krus sa gitna.

Mukhang tama nga ang kinatatakutang hinala ni Aretha. Isa na ngang Kristiyano ang kaniyang kabiyak, na ang ibig sabihi'y kaisa na ito ng mga taong umuusig sa mga tulad niyang isang mangkukulam.

***

"Hindi mo ba nagustuhan ang pagbabago sa iyong asawa?" natatawang wika ni Miranda kay Aretha, "bagay na hindi nagawa ng paulit-ulit mong panggagayuma sa kanya?"

Sinamaan ito ng tingin ni Aretha. Sapul sa mula'y sadyang hindi niya makasundo ang matandang ito.

"Bakit ganyan ka makatingin? Akala mo ba'y hindi ko alam? Puwes, mayroon akong isa pang rebelasyon para sa 'yo...alam din ni Lucio ang lahat ng ginawa mo upang maangkin siya. Bakit hindi ka na lamang magpasalamat at hindi ka pa niya hinihiwalayan?"

Nanatiling tahimik si Aretha dahil gayun naman talaga ang ugali niya. Hindi siya nakikipag-away. Hindi siya sumasagot sa kahit na anong uri ng pang-iinsultong natatanggap niya, sapagkat mayroon siyang ibang paraan ng pagganti sa mga taong nakakabangga niya. 'May araw ka rin sa 'kin matanda ka!' sa kanyang isipan, 'balang araw pagsisisihan mo ang pambubuwisit mo sa buhay ko!'

Gayun naman talaga si Aretha. Mukhang mahinhin, mabait at pasensiyosa, lalo na sa harapan ng pinakamamahal niyang asawa, ngunit ang kalooban nito'y kumukulong putik; punong-puno ng poot at kadiliman laban sa kahit sinong kanyang kinayayamutan.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon