KABANATA 53

1.7K 187 18
                                    

Lucio's P.O.V.

Hindi ko na mapigilan ang init ng ulo ko habang lumalapit ako sa pinakahuling pintuan. Minumura ka na si Patruska at ang lahat ng mga miyembro ng aking hukbo na pumaparoon habang halinhinan kong sinisipa ang bawat pader tuwing makakailang hakbang ako.

Sa pinakahuling pintuan ay muli kong inilapat ang tenga ko at tila tumigil ang aking paghinga nang mabosesan ko si Senda na nagsasalita nang tila may kausap at pagkatapos ay umuungol rin ito na tila mayroon itong katalik.

"Anak ng–" nanginginig na itikom ko ang makabila kong kamay. Tumunghay na ako at humarap nang diretso sa pintuan. Hindi ko na kayang pigilan ang galit ko kaya walang pasabing sinipa ko ang pinto na agad namang nabuwal sa unang sipa ko pa lamang.

Sumalubong sa akin ang sindak na sindak na mukha ng hindi mabilang na mga babae. Ang lahat ng mga ito ay nakatingin sa akin.

"S-sarangay..." pabulong na wika ng babaeng nasa pinakaunahan.

Mabilis kong iniikot ang mga mata ko, ngunit hindi ko naman makita ni anino ni Senda sa loob.

"Sinong babae 'yung umuungol dito kanina!" Bahagya kong iniba ang boses ko.

Sandali munang natahimik ang mga babae na tila nagpapakiramdaman bago may isang babae na naglakas-loob na tutukan ako ng sibat sa leeg, "anong ginagawa mo rito, ha?" Sabi nito sa akin. "At anong pakialam mo kung sino man ang umuungol dito? Sino ka ba? Ba't ngayon ka lang namin nakita rito? Alam mo bang bawal humingi ng serbisyo rito kung walang pahintulot ni Kapitang Bebeng?!"

"Kapitang Bebeng?" sa isipan ko. Ang tinutukoy nila ay ang punong kinatawan ng mga Tikbalang. "Siya pala ang may pakana ng lahat ng kabastusan sa kutang ito. Sinasabi ko na nga ba at hindi ko mapapagkatiwalaan ang Tikbalang na iyon."

"Hindi naman araw ng serbisyo para sa mga Sarangay ngayong araw na 'to ah!" Sabi naman ng isa pa sa mga babae.

"Aha, at may nakatokang araw pa pala ang mga walanghiya!"

"At dahil hindi mo alam ang patakaran, siguradong hindi aprubado ni Kapitang Bebeng ang pagpunta mo rito kaya lumayas ka rito!" Sigaw ng isang babaeng nagmumula sa bandang likuran. "Layas!" Nagsimula nang umabante ang mga babae kaya napapaatras na rin ako. "Layas!" Sabay-sabay na sila sa pagsigaw habang isa-isa na ring dumadampot ng sibat ang bawat isa sa mga ito.

Masyado silang marami at armado kaya wala na akong nagawa kundi kumaripas ng takbo. Hinabol nila ako habang nagsisihiyawan tulad ng mga mandirigmang umaabante sa digmaan. Hirap na hirap akong tumakbo ng nakamaskara kung kaya nang makalayo-layo na ako sa bandang gitna ng laberinto ay hinubad ko na ang aking maskara at itinapon ito sa malayo. Inayos ko muna ang aking sarili bago ako tumayo nang paharap sa mga humahabol sa akin. Sinadya ko silang hintayin upang salubungin ng matatalim na tingin.

Tulad ng aking inaasahan, nagulat silang lahat nang makita nila akong nakatayo roon. Hindi pa man sila nakakalapit sa akin ay huminto na ang mga ito at saka ipinagtatapon ang kanilang mga sibat.

"Ang Panginoong Lucio." Bulong-bulungan ng mga ito. Bakas sa mukha ng mga ito ang pangamba at pag-aalala.

"Anong kaguluhan ito?!" Napaiktad ang mga ito sa pagbulyaw ko.

"M-may hinahabol po kaming S-sarangay." Sagot ng isa sa mga ito, "Nambulabog po kasi sa amin."

"Nambubulabog nga ba?!" Umiiktad sila sa bawat diin ng aking pananalita, "o kayo ang mga may ginagawang kababalaghan dito?! Nasaan si Patruska?!"

"Wala po siya rito. N-naroon po siya sa batalan. Inaayos po ang pagliliguan ng–"

"Sino ang nagbigay ng pahintulot sa inyo na gawing kuta ng kabastusan ang bahaging ito ng aking palasyo?!"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon