KABANATA 55

2K 199 34
                                    

Senda's P.O.V.

"Ano ba naman Luis, saan ba tayo pupunta?" habang sinusundan ko si Luis. Kung saan-saan na kasi kami nakarating mula nang lumabas kami sa palasyo ni Lucio. Naglakad kami sa hardin, pumasok sa tila isang sikretong tarangkahan dahil luminga-linga muna si Luis bago nito ako hintak papasok doon. Sa pagpasok namin sa loob ay bumungad sa amin ang makulimlim na kagubatan. Nakakatakot ang lugar na iyon dahil bukod sa wala namang marka ng daanan ay kung ano-anong nakakikilabot na huni ng iba't ibang nilalang ang naririnig ko. "Nasa Pilipinas pa ba tayo?"

"Shhh...huwag kang maingay." Bulong nito sa akin na tila baga mawawala ako sa higpit ng pagkakahawak nito sa aking kanang kamay. "Baka makabulabog ka ng mga maligno rito, mahihilig pa naman ang mga 'yon sa mga babaeng tao." Humagikhik ito.

Hinataw ko ito ng kaliwa kong kamay, "Eh kung marami palang maligno rito eh bakit dito mo ako dinala?" mangiyak-ngiyak na ako. "Letse ka! Magpupulong lamang tayo bakit kailangan magpakalayo-layo pa tayo. Saang lupalop ba tayo tutungo?"

"Shhh...ibaba mo sabi ang boses mo." Muling bulong nito, "ganun talaga para walang makakarinig sa atin. Marami kasing usisero at tsismoso sa Palasyo."

"Ang sakit na ng mga paa ko eh." Reklamo ko.

"Ganun ba?" huminto ito at walang pasabing binuhat ako sa kanyang magkabilang bisig.

"Aayy kirat na bilat!" Sa sobrang gulat ko.

"Shhh!" Nakasimangot na ito sa akin, "ang ingay mo talagang babae ka. Kapag nabulabog mo ang mga Kapre rito at hiningi ka nila sa akin kapalit ng isang sakong ginto, ibibigay na talaga kita! Malapit na tayo, 'Wag kang mag-alala."

Inipit ko ang bibig ko upang hindi na akong matuksong sumagot kahit na ang totoo, gustong-gusto ko nang bulyawan ang Luis na ito.

***

Napanganga ako nang bumungad sa amin ang isang napakaliwanag na hardin na di hamak na mas maganda pa sa hardin sa Palasyo. Punong-puno ito ng iba't ibang halaman at mga bulaklak na may matitingkad at masasayang kulay.  Sa pinakigitna niyon ay may isang magarang bahay na yari sa naputing bato. Katamtaman lamang naman ang laki nito na may ikalawang palapag. Napapalibutan ito ng lawang kumikinang sa sobrang linaw, bagaman mayroon itong tulay na siyang naghuhugpong sa hardin patungo sa mababang tarangkahan ng nasabing bahay.

"N-nasaan tayo, Luis? Kaninong bahay 'yan?"

"Maligayang pagdating sa aking munting tahanan." Nakangiting wika ni Luis.

Muli na naman akong napanganga, "dito ka nakatira? 'Yan ang bahay mo?"

"Oo, bakit parang gulat na gulat ka?"

"A-akala ko kasi sa Palasyo ka rin nakatira."

Saglit itong nag-isip, "mayroon din akong silid doon bilang..." tumikhim ito, "P-Panginahing Ministro ng kaharian. Mayroon din akong bahay at mga lupain sa napakaraming lugar, pero ito..." inilahad nito ang kanyang mga kamay, "ang nag-iisang lugar kung saan ako namamalagi kung gusto kong napag-isa. Ang nag-iisang espasyo rito sa Elysio na matatawag kong akin lang."

"Ikaw lang ang nakatira rito?" nagsimula na kaming maglakad patungo sa tulay.

"Oo, bakit?"

"Eh 'yung asawa mo nasaan?"

Napahinto ito sa paglalakad at tiningnan ako nang natalim, "wala akong asawa." Muli itong naglakad kaya sumunod naman ako.

"Suuu, wala raw."  Panunukso ko rito, "nakita ko nga kayo sa San Joaquin dati eh. Si David pa nga ang may sabi na may asawa ka na. Ano nga ulit 'yung pangalan? Ahh...si Belinda."

Muli itong huminto at tiningnan ako, "unang-una, hindi si David ang nakausap mo sa San Joaquin, ikalawa, hindi ako ang nakita mong kasama ni Belinda, at ikatlo, wala sinabi akong asawa. Kung ayaw mong maniwala sa akin, itanong mo na lang kay David. 'Yung tunay na David."

"H-ha?" kakamot-kamot ako, "eh kung hindi si David at ikaw 'yun, sino 'yu--"

"Mga tikbalang na ginaya lamang ang aming anyo."

"Ha?! T-tikba--" nakaramdam ako ng agarang panlalamig sa aking buong katawan. Luminga-linga muna ako bago ako dumistansya ng kaunti kay Luis.

"O, anong problema mo?"

"Kung nagagaya ng tikbalang ang anyo mo, paano ako nakakasigurong hindi ka tikbalang?!"

Napatawa ito, "nakikita mo ba 'yan?" itinuturo nito ang mga kumikinang na mga pinong puting kristal na nagsisilbing buhangin sa palibot ng lawa. "Purong mga asin 'yan at may nakatanim na bawang sa palibot ng buong bakuran. Kung tikbalang ako, sa palagay mo ba ay makakaparito ako kasama mo?"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"E-eh sabihin na nating hindi ka nga tikbalang. Eh bakit dinala mo nga ako rito?"

"Para makapag-usap tayo."

"Bakit kailangang dito pa?"

Nagbuntong-hininga ito, "para walang abala, walang nagmamasid at walang ibang makakaalam ng pag-uusapan natin."

"Pambihira ka naman. Ano bang kailangang isikreto? Simple lang naman ang gusto ko. Gusto ko lamang matulungan sina Patruska upang hindi mapaalis sa kahariang ito."

Natahimik muna ito bago nito sinabing, "'gusto mong tulungan ang lambanang nagtraydor sa iyong ama?"

Nagulat ako sa narinig ko dahil sa pagkakaalam ko ay wala naman akong nababanggit kay Luis at sa kahit kanino tungkol sa aking ama.

"Gusto mong tulungan," pagpapatuloy nito, "'yung labanang nagpadukot sa iyo, upang gawin kang isang mumurahin at mababang uri sa pamamagitan ng pag-aalay nito sa iyong pagkababae sa imortal na kaaway ng iyong ama?"

Wala akong maisagot kung kaya nanatili lamang akong nakatitig kay Luis.

"Hindi ko alam kung anong sinabi niya sa iyo upang mapapayag kang ipamigay ang iyong sarili alang-alang sa kanyang pansariling kapakanan, ngunit ito lang ang masasabi ko sa 'yo. Huwag kang basta-bastang nagtitiwala kung kani-kanino. Hindi mo naman kilala si Maria, sumama ka agad sa San Antonio para ano? Para dalhin ka rito nang walang permiso mo? Hindi ka man lang ba nagalit?"

"E-eh...hindi ko naman alam na--"

"'Yun na nga ang problema, Senda!" Tumaas na ang boses nito, "Hindi mo alam, wala kang alam dahil ayaw mong alamin! At dahil diyan napapahamak ka."

"Eh malay ko ba na may magtatangka sa akin ng masama eh napakasimple ko lang namang tao. Wala naman akong kaaway. Wala naman akong inaagrabyado."

"Hindi porke't 'yan ang tingin mo sa sarili mo ay ganyan na rin ang pagtingin ng iba sa 'yo. Tutal wala namang nakakarinig sa atin dito, magtapatan na tayo. Hindi ka simpleng nilalang at alam mo 'yan! Anak ka ni Lambino. Maaaring wala ka ngang kaaway, ngunit ang walanghiya mong ama, meron, at isa na roon si Patruska!"

"T-teka muna." Nagulat kasi ako na tinawag niyang walanghiya ang aking ama. Kahit naman hindi ko nakagisnan ito ay ama ko pa rin ito. "Kung makawalanghiya ka naman sa ama ko wagas! 'Yan ba ang sinabi ni Lucio sa 'yo? Natural, kaaway rin 'yun ng aking ama eh!"

Sandali itong tumahimik at huminga upang pakalmahin ang sarili, "kulang pa nga ang salitang walanghiya sa ama mo!" Mababa na ang tono niya, "patawarin mo ako kung ikagalit mo man ang sasabihin ko sa 'yo dahil palagay ko ay panahon na para malaman mo ang katotoohan sa ginawa niya sa iyong ina."

"B-bakit? A-anong alam mo?" hindi na ako halos makahinga sa tindi ng kabang nararamdaman ko.

"Ginahasa niya ang iyong ina, Senda. Hindi lang minsan, kundi paulit-ulit. Ngunit sa tuwing nabubuntis ito, ay bigla na lamang nito ito inaabandona."

"K-kada mabubuntis? Paanong nangyari 'yun eh ako lamang naman ang anak ni--" muli akong napatitig sa mga mata ni Luis. "I-ibig mo bang sabihin, a-anak din niya si Kuya Arnulfo?"

"Oo."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon