Kabanata 4

23.4K 1.1K 364
                                    

Kabanata 4

Palengke

Sa dinami dami ng puwedeng bumungad sa akin ngayong umaga, hindi ko maintindihan kung bakit si Minerva pa.

Hindi naman ako naiinis sa kaniya. Hindi rin napipikon kahit pa paulit ulit niya akong pinaparinggan. Ang totoo ay natatawa pa ako dahil tila nakahanda siyang gawin galitin lang ako.

“Sinasabi ko na nga ba at may taglay na landi iyan! Dinadaan ang mga lalaki sa puti niya!” sabi niya sa mga alipores niya na sinadyang iparinig sa akin.

Nagtuloy ako sa paglalakad, walang balak na pansinin siya. Ano na naman kaya ang pinagsasasabi niya?

“Grabe, ‘no? Hindi na ako magtataka kung halos lahat ng lalaki dito ay magkagusto sa kaniya. Pasimple niya palang inaakit!”

“Anong may gusto sa kaniya ang lahat ng lalaki? Wala! Gusto lang makaisa ng mga ‘yon. Tingnan mo nga at naka-iskor kaagad si Nero!”

Humigpit ang hawak ko sa supot ng pandesal na binili ko. Maaga akong nagising at alam kong gusto ni auntie ng tinapay sa umaga kaya naisipan kong lumabas na para bumili.

“Ano naman ang tungkol kay Nero? Naka-iskor? Ano ba ang sinasabi niya?” bulong ko sa sarili.

Pagdating talaga kay Nero ay ang daming nasasabi nitong si Minerva.

Hindi na napigilan pa, huminto ako sa harapan nila na ikinaatras nung mga alipores niya. Habang siya, ang sama ng tingin sa akin.

Alas sais pa lang ng umaga pero naka asul na eyeshadow na kaagad siya. Para siyang palaging dadalo ng santa crusan.

“Good morning. Nag almusal na ba kayo?” tanong ko at ngumiti sa kanila.

Tumaas ang kilay ni Minerva. “At bakit mo naman tinatanong?”

“Mukha kasing hindi pa. Aalukin ko sana kayo ng pandesal para hindi tsismis ang inaalmusal n’yo.”

Lalong nanglisik ang mga mata ni Minerva na ikinatawa ko. Kumaway pa ako sa kanila bago sila tuluyang nilampasan.

“Hoy, Isha!” sigaw ni Minerva nang nakakailang hakbang na ako palayo sa kanila.

Pumihit ako at inosente siyang nilingon. “Bakit?”

“Akin si Nero!”

Ngumiti ako, nang aasar. “Ayaw naman sa’yo.”

Nakita ko ang pasimpleng pagtawa ng mga alipores niya dahilan para samaan niya ng tingin ang mga ito. Tumalikod na ako at tuluyan na silang iniwan. Pagdating ko sa bahay ay naabutan ko si auntie na binubuksan na ang tindahan.

“Maaga kang nagising, Isha?” bungad niya sa akin.

Imbes na pumasok ay naupo pa ako sa mga upuan sa labas ng tindahan at nagpahinga.

“Opo, auntie. Bumili ako ng pandesal natin.”

Bumaba ang tingin niya roon. “Mabuti at saulo mo na ang daan patungong paniderya?”

“Hindi naman po mahirap matandaan.”

Hindi siya sumagot. Pinagmasdan ko ang ulap na ngayon ay nagsisimula nang maging kulay kahel dahil papasikat na ang araw.

Simula nang tumira kami dito sa Santa Fe ay nakagawian ko na panoorin ang pagsibol at paglubog ng araw. Kitang kita kasi ‘yon lalo na sa may bandang bukid.

“May usap usapan, Isha...” salita muli ni auntie.

“Na ano po?”

“Nakita raw kayo ni Nero patungo sa talahiban kagabi. Huwag mo sanang mamasamain pero... ano’ng ginawa n’yo doon?”

Monasterio Series #6: Trapped in Her Arms Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon