Kabanata 8

19.9K 1K 234
                                    

Kabanata 8

Magkita

Pinagmamasdan ko ang ilang babae na nasa tapat ng tindahan namin at nakatingin sa gawi ng bahay nina Nero. Nasisiguro ko na hindi sila taga baryo dahil ngayon ko lang rin nakita ang mga mukha nila.

“Baka may nobya na iyan!” sabi nung isang may katabaang babae at nakasuot ng puting headband.

“Wala siyang kasama na babae kapag nakikita ko siya!” wika naman nung babaeng payat at may kulot na buhok.

Tumingin ako sa gawi ng bahay nina Nero. Walang tao roon kaya hindi ko mawari kung sino ang pinagmamasdan nila doon.

“Kung makita mo man siya, Melody, siguradong hindi ka papansinin no’n! Kita mo naman kung gaano siya kagwapo, hindi ba?”

“Bakit, hindi ba ako maganda?” tanong nung Melody na inirapan pa iyong katabi niyang babae. 

Tinitigan ko siya. Mapusyaw naman at may itsura kung tutuusin. Hanggang balikat ang buhok na medyo dry. May bangs rin siya na parang one sided lang. Iyong parang sa mga Korean. Medyo singkit rin ang mga mata at mapula ang mga labi.

May itsura siya. Maganda rin naman.

Pero sandali. Halos lahat ba talaga ng mga kabataan na narito ay may gusto kay Nero? Hindi naman nakakapagtaka. Gwapo talaga ang isang ‘yon.

Kung ako nga na bago pa lang dito ay parang aligaga na rin sa tuwing nakikita siya. Lalo na sa tuwing magkalapit kami, para akong laging hindi mapakali.

Mayroon siyang epekto sa akin na ako mismo ay hindi magawang ipaliwanag. O, kung bakit ko nararamdaman ang mga emosyon na ‘yon sa tuwing malapit siya sa akin.

Ilang araw na simula nang huli kaming magkalapit. Iyon pa ‘yong inayos niya ang gripo sa banyo namin. Nagkikita naman kami pero aksidente lang lagi. Minsan ay nagdidilig ako ng halaman habang siya ay papalabas ng bahay nila. Magtititigan ng ilang sandali pero ako rin ang unang magbabawi.

Hindi ko pa rin makalimutan ang hiyang dinanas ko sa kwarto niya. At kung paano niya nahalata ang pagkapahiya ko sa kaniya.

Pansin ko, palagi akong napapahiya sa tuwing kasama ko siya. Para bang ang daming kapalpakan ang nagaganap sa akin sa tuwing malapit siya sa akin.

“Maganda ka naman, Melody. Kaya lang baka kasi hindi sapat sa isang katulad ni Nero. Hindi naman sa minamaliit kita pero kasi... sobrang gwapo niya.”

Lalong nalukot ang mukha nung Melody dahil sa kaprangkahan nung kaibigan niya. Tumayo ang isa pa nilang kasama at lumapit sa tindahan. Ngumiti siya sa akin.

“Ate ito po ang bote nung softdrink.”

Ngumiti ako pabalik. “Salamat.”

Bumili sila ng isang malaming softdrink kanina bago hinati hati sa plastik at tumambay sa labas ng tindahan. Hindi naman ako interesado sa pinag uusapan nila kanina pero nang marinig ko ang pangalan ni Nero ay unti-unti kong itinigil ang paglalaro sa cell phone.

“Bilang kaibigan ay ayaw lang naman kitang masaktan-”

“Pinahihina mo lang ang loob ko kasi may gusto ka rin kay Nero!” pagtataray nung Melody doon sa kausap niya.

“Huy, mga bhe, huwag na nga kayong magtalo diyan. Masiyado kayong apektado kay Nero e halata namang walang pakialam sa kahit kaninong babae ‘yon!” sabi nung babaeng nag abot ng bote ng softdrink sa akin.

“Baka bakla?”

Napasimangot ako sa sinabi nung isang kasamahan nila na abala sa pag nguya ng tinapay.

Si Nero, bakla? Imposible. Masiyado siyang makisig kung kumilos. At isa pa, suplado lang talaga siya at hindi basta-basta namamansin. Madaling mahalata sa isang lalaki kapag may itinatago ito sa kasarian niya.

“Maka bakla ka naman!” sigaw nung Melody.

“Hoy, babaeng makati! Ano’ng ginagawa mo dito? Ang layo ng baryo n’yo nakakarating ka pa dito sa amin?!” Si Minerva na ngayon ay paparating kasama ang alipores niya at tila ba mga siga ng Santa Fe.

Ngumiwi ako nang mapansin ang kulay berde na eye shadow niya. Makinang pa ito at parang may glitters. Namumula rin ang pisngi sa blush on at maging ang labi ay natatapalan ng kulay orange na lipstick.

Tamad akong bumuntonghininga.

Tanghaling tapat, Minerva.

“Bakit? Binili mo ba itong baryo na ito?” sagot ni Melody at tumayo pa para harapin si Minerva.

“Hindi! Pero wala kang karapatan tumambay dito! Nagpapa-cute ka na naman kay Nero e ayaw nga sa’yo no’n!”

“At sa’yo siya may gusto, gano’n ba? Feelingera ka naman! Tingnan mo nga iyang eyeshadow mo! Ang itim mo na nga ganiyan pa make up mo! Lalo kang kumintab! Salaginto ka, girl?”

Nanglisik ang mga mata ni Minerva habang ang kamay ay unti-unti nang kumukuyom. Namumula na rin ito sa galit... o nagiging kulay violet... hindi ko masabi dahil may kaitiman nga siya.

Away pala ito ng mga may gusto kay Nero. Lakad, Isha. Sumali ka.

Bumusangot ako sa bulong ng isip ko at pahigang naupo sa monoblock.

Bakit naman ako sasali? At anong may gusto? Wala akong gusto, ah. Kapag ba nahihiya sa tuwing nasa malapit siya, may gusto na kaagad?

“Huy, nariyan si Nero! Tumigil na kayo!”

Literal na naging alerto ang isip ko nang marinig ang mga salitang ‘yon mula sa isa sa kanila. Bago pa man ako makaayos ng upo ay natanaw ko si Nero na naglalakad palapit sa may tindahan at sa akin nakatuon ang madidilim na mga mata.

Nagsihawian sina Minerva at Melody bago ito hinabol ng tingin na para bang may anghel na dumaan. Naabutan ako ni Nero na halos humiga na sa monoblock, huli na bago pa man umayos.

Tumayo siya sa harapan ko hawak ang isang itim na paper bag. Masiyado siyang gwapo sa kulay itim na vneck tshirt at maong na pantalon. Mukhang kaliligo niya lang dahil medyo basa pa ang buhok niya ngunit mayroon rin namang parte na tuyo na.

Umihip ang hangin dahilan para yumakap sa ilong ko ang mabangong amoy niya.

Pabango ng isang mayaman.

“Kumain ka na?” tanong niya sa akin sa baritonong boses.

Umayos ako ng upo. Nahagip ng tingin ko si Minerva na nanglalaki ang mga mata habang nakatingin sa akin. Hindi lang siya. Lahat ng nasa labas na narinig ang tanong na ‘yon ni Nero.

“H-Hindi pa...” sagot ko.

Pinasadahan niya ng dila ang ibabang labi niya dahilan para mabasa ito at lalong mamula.

“Pinabibigay ni Nanay Martha,” aniya nang walang emosyon ang mukha at iniabot sa akin ang paper bag. “Kumain ka na.”

“May g-ginagawa pa si auntie kaya kailangan ko muna bantayan ang tindahan.”

Tumango siya, titig na titig sa mga mata ko. Tanaw ko sina Melody na nagtutulakan sa likod niya na tila ba may gusto silang gawin. Mukhang hindi alam ni Nero ang nangyayari sa likuran niya. O, maaaring alam ngunit walang pakialam.

“Magkita tayo mamaya...” seryosong sabi niya bago tumalikod at supladong nilagpasan ang mga babaeng nag aabang sa kaniya.

B-Bakit? Bakit kami magkikita? Ano’ng mayroon?

Gusto ko sana itanong iyon pero wala na siya sa paningin ko.

Nilingon ako ni Melody at Minerva, masama ang tingin. Pilit akong ngumiti, nakangiwi.

“Isha!” nanggagalaiti na bulyaw ni Minerva.

Monasterio Series #6: Trapped in Her Arms Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon