Kabanata 11

20K 1K 313
                                    

Kabanata 11

Meryenda

Papauwi na ako mula sa paniderya nang makita si Minerva na tila nakikipagtalo sa tindahan sa gilid ng kalsada. Huminto ako hindi kalayuan at pinagmasdan siya.

“Magbabayad naman kami, Aling Lucing! Sa makalawa ay suweldo na ni Tatay at babayaran namin kaagad kayo!” sigaw nito.

“Ganiyan rin ang sinabi n’yo sa akin nung nakaraang buwan, Minerva! Pero ano’ng nangyari? Imbes na maubos na ang utang n’yo ay lalo pang nadagdagan!” bulyaw pabalik sa kaniya nung matanda mula sa tindahan.

Mas lalong nalukot ang mukha ni Minerva, hindi na nakasagot.

“Para itlog at noodles lang naman!”

“Umalis ka na at wala kang mapapala! Hindi ako magpapautang hangga’t hindi ninyo binabayaran ang naunang utang n’yo!”

Masamang tumingin si Minerva sa nasa loob ng tindahan.

“Kapag ako talaga yumaman, who you kayo sa akin, Aling Lucing!”

“Paano ka yayaman e puro pagpapapansin kay Nero ang ginagawa mo! Hindi ka naman gusto!”

Lalong nalukot ang mukha ni Minerva. “Ay, bakit naman namemersonal ho kayo, Aling Lucing? Para itlog at noodles lang inuutang kala mo naman...”

Tumalikod na si Minerva, nagdadabog. Lumabas ang isang bata mula sa bahay sa tapat at sinalubong siya.

“Ate! Ate! May pagkain na po ba tayo?”

Unti unting napawi ang iritasyon sa mukha ni Minerva pagkakita sa bata. Siguro ay nasa apat o limang taong gulang lang ito. Kung tinawag niyang ate si Minerva, nasisiguro kong magkapatid sila.

Yumakap ang bata sa bewang ni Minerva. Ginulo niya ang buhok nito at tipid na ngumiti.

“Mag toyo at mantika na lang ulit tayo. Masarap ‘yon, hindi ba? Parang adobo lang.”

Toyo at mantika? Iyon ang iuulam nila?

Nagkamot sa ulo ang bata. “Ulam na rin po natin kagabi ‘yon, ate. Hindi naman ako nabubusog.”

Tila nalukot ang puso ko habang pinagmamasdan sila. Hindi na kumibo si Minerva at bumuntonghininga na lang habang marahang naglalakad.

“Minerva!” tawag ko, hindi na nakapagpigil.

Nilingon nila ako parehas. Nagsalubong ang mga kilay ni Minerva nang makita ako, parang biglang nayamot.

“Oh, bakit Isha? Ang aga-aga ikaw makikita ko!”

Ngumuso ako. Kahit gano’n ang bungad niya sa akin ay hindi ako naiinis. Hindi naman talaga ako nainis sa kaniya kahit noon pa man.

Naglakad ako palapit sa kaniya. Mas lalo siyang sumimangot.

“Naiinis ako sa mukha mo, Isha!” aniya.

“Inaano ka ba ng mukha ko?”

“Ang kinis masiyado! Kainis!” inirapan niya ako.

Hindi ko ‘yon pinansin dahil ayaw ko talaga ng pinupuri ako nang harapan.

“Baka gusto mong sumama sa akin. Ang ibig ko sabihin, puwede kitang pautangin... ng noodles at itlog.”

Naningkit ang mga mata niya. “Nakinig ka sa usapan namin, Isha? Tsismosa ka!”

“Hala, hindi ko sinasadya. Dadaan ako at sakto namang nakita kita.”

“Hindi na! Baka mamaya ay isumbat mo pa sa akin ‘yang ipapautang mo!” aniya.

Lumabi ako. Mukha namang hindi talaga siya papayag sa suhestyon ko kaya bumuntonghininga ako at tumango na lang.

Monasterio Series #6: Trapped in Her Arms Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon