Chapter 150

1.4K 74 21
                                    


Kanina pa pumaparito't pumaparoon ang isang dalaga na nangangalang Blair sa apat na sulok ng isang silid. Bakas sa kaniyang mukha ang pinaghalong pagkataranta at takot. Hindi niya inaakala na matatagpuan niya ang kaniyang sarili dito---na isa siyang bihag ng Pamilyang Imperyal ng Cyan. O sadyang hindi niya lang naisip na matutunugan ng mga ito ang kaniyang pagdating upang makuha ang iniingata na mahiwagang bato ng Pamilyang Stodge, ang isa sa mga susi upang mabuhay ang nirerespeto at pinapahalagahan na reyna ng mga mangkukulam. Matindi man ang kaniyang dahilan, subalit hindi siya binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag, mismo ang emperador ng naturang bansa na ito. Bukod pa doon, kasalukuyang buntis ang pinakamamahal nilang reyna kung kaya kailangan niya din iligtas ang batang nasa sinapupunan nito kahit anuman ang mangyari.

Pumikit siya ng mariin. "Patawarin ninyo ako, kamahalan. Sa tingin ko ay magiging bigo ako sa aking tungkulin bilang inyong isa sa mga tagapaglingkod ninyo..." halos manginig ang kaniyang boses nang sambitin niya ang kataga na 'yon.

Dumilat din siya saka napatingin siya sa maliit na bintana na nasa selda kung nasaan siya naroroon sa mga oras na ito. Malalim man ang gabi ngunit sadyang malinawag at malaking buwan ang nasisilayan niya. Hindi niya mapigilang mapabuntong-hininga. Humakbang siya palapit pa sa bintana. Hindi matanggal ang tingin niya doon. Ramdam niya ang labis na pagkabahal sa kaniyang sistema nang mapansin niya na unti-unti nagiging kulay pula ang buwan. Isang malaking hudyat 'yon para sa kaniya.

"Isang malaking digmaan ang paparating, hindi ang nagaganap ngayon. Maraming nilalang ang magigising... Ang iba din sa kanila ay babalik mula sa kamatayan... Hindi na matahimik ang kanilang kaluluwa..." mahina niyang sambit. "Subalit, magigising din ang nawawalang reyna ng naturang kaharian na 'yon na kailanma'y wala pa man dito nakakakita..." biglang nanlaki ang kaniyang mga mata. Kusa siyang nanigas sa kaniyang kinakatayuan. "H-hindi maaari..."

Biglang nanumbalik sa kaniyang alaala ang kwento sa kaniya noon ng reyna ng mga mangkukulam. Sa oras na nagiging kulay pula ang buwan, magigising na ang isang nilalang na may malaking kakayahan na wasakin ang mundo na ito. Na kaya nitong burahin ang anuman na mayroon dito. Buhay man o kamatayan. Hindi lang ito isang reyna, kungdi isa rin itong diyos. Ang diyos na kailanma'y hindi nagpapakita kung kaninuman. Maski ang mga kasamahan nitong diyos at diyosa ay walang nakakakilala sa kaniya. Maliban lang nang bigyan ito ng pangalan, ang reyna at ang diyosa ng digmaan. Tanging unang panginoon ng mga diyos at diyosa lamang ang may kakayahan na makipagharap dito. Iyon lang at wala nang iba pa.

"Ano ang binabalak mo sa oras na magising ka na mula sa 'yong pagkahimlay?" mahina niyang tanong kahit na alam niyang walang makakasagot sa kaniya.

"Hmm... Hmm... Hmmm..." rinig niya ang pagtawag ng isang lalaki na hindi rin kalayuan sa kaniya.

Agad siyang lumingon upang hanapin ang pinanggalingan ng tawa na 'yon. Kusang kumunot nag kaniyang noo. Kumawala siya ng ilang hakbang hanggang sa matagpuan niya ang tunog na 'yon mismo sa tabi ng kaniyang selda. "S-sino ka?" hindi niya mapigilang itanong 'yon. Hindi man niya maiharap ito kaya nagbabakasakali siya na nagtatago lamang ito sa dilim.

"Hindi mo na kailangan na malaman ang aking ngalan, Binibini." sagot nito sa kaniya. "Sadyang na eenganyo ako sa 'yong sinabi. Maraming nilalang ang mabubuhay sa takdang panahon. Alam ko ang ibig mong ipahiwatig."

"Siya nga?" hindi makapaniwala niya niyang tanong.

"Hindi ako makapaghintay na matunghayan ko ang paghaharap ng mga makapangyarihan at malalakas na nilalang na 'yong tinutukoy." pahayag nito sa kaniya. "Lalo na ang pagkabuhay ng reyna na siyang diyosa ng tagong Kaharian na 'yon."

Sa hindi niya malaman ay bigla nalang niya naramdaman na tumindig ang balahibo niya. Hindi man niya nakikita ang tunay nitong hitsura sa tingin niya ay hindi lang ito basta-basta bilanggo sa lugar na ito. Higit pa. Tila wala ang simuman ang maaaring kumalaban dito, maliban lang siguro ang sinasabi sa isang alamat na ang reyna ng digmaan. Hindi lang 'yon, nararamdaman niya sa lalaking kausap ang malaking kapangyarihan na itinatago nito. Oo, hindi man ito mararamdaman ng sinuman, maliban lang sa kaniya at sa mangkukulam na tulad niya. Nais man niyang magtanong upang makilala niya ang tunay nitong pagkatao, pinili nalang niyang itikom ang bibig. Marahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata saka marahan na isinandal ang noo sa pader. Sa ngayon ay maghihintay nalang siya ng isang malaking milagro upang siya'y makaalis at bumalik sa kaniyang pinanggalingan.

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon