Kabanata XCVIII

11.3K 782 1.2K
                                    

- ERYX - 

Halos alas-kuwatro na ng madaling araw nang makabalik si Eryx sa akademya pagka't naabutan din siya ng ulan kagabi at kinakailangan niya pang patuyuin si Liway kundi ay magiging delikado ang paglalakbay niya sa gabi. Pinipilit din siya ng ibang mga kapatid ni Zephyr na magpalipas na lamang sa kaharian ngunit alam niyang magpapadala na ng batalyon ng kawal si Estevan sa Umoewin kung hindi siya makababalik sa loob ng dose oras nang walang ipinapadalang sulat o pasintabi man. 

Kasalukuyan namang naghahanda si Eryx ngayon sa pagpasok sa kanyang mga klase para sa araw na ito. Mayroon din kasi siyang pagsusulit sa isa niyang asignatura ngayong umaga at aminado rin siya na ayaw niyang lumiban sa klase niya mamayang tanghali na matagal-tagal na rin na hindi niya naipagpatuloy dahil sa dami ng mga naganap sa akademya at sa emperyo. 

"Prinsipe Eryx, ipinagtimpla kita ng tsaa. Inumin mo muna ito bago ka pumasok ng klase." Nasa kalagitnaan naman si Eryx nang pagbubutones nang biglang pumasok si Estevan sa kanyang silid dala ang isang basong tsaa at ilang mga gamot sa sipon at ubo. 

"Maraming salamat, Este---" Hindi na niya natuloy pa ang kanyang sasabihin nang sunod-sunod na lamang siya mapabahing. Dama niya rin ang pananakit ng kanyang lalamunan at ang pagtutubig ng kanyang mga mata magmula nang gumising siya sa tatlong oras niyang tulog. 

"Ay naku naman, Prinsipe Eryx!" Nag-aalalang bulalas naman ni Estevan saka nito hinawakan ang prinsipe sa noo. Hindi naman na nakakibo pa si Eryx dahil dama niya rin kung gaano kasama ang pakiramdam niya ngayon. 

"Ang init-init mo! Literal! Huwag ka na kaya muna pumasok sa mga klase mo ngayong araw, Prinsipe Eryx? Baka mabinat ka pa sa taas ng lagnat mo."

"Hindi puwede. May pagsusulit ako sa asignatura kong Politika at Ekonomiya. Alam mo naman kung gaano kahigpit ang maestro ko doon." Namamalat ang boses na pahayag ni Eryx at ipinagpatuloy na lamang niya ang pagbubutones ng kanyang uniporme dahil pakiramdam niya ay nilalamig na rin siya kahit pa tirik na tirik ang araw sa labas. 

"Hindi ba hanggang alas-onse lang naman ang klase mo ngayong araw? Lumiban ka na kaya sa Amadeo Morricone mamayang ala-una? Pagsasayaw pa naman iyon, Prinsipe Eryx. Tiyak na mabibinat ka talaga kapag pumasok ka pa." Nag-aalalang saad ni Estevan habang inaabot na nito sa kanya ang mainit na tsaa. 

"A. . .Ayokong lumiban sa Amadeo Morricone." Nahihiya pang pahayag ni Eryx habang mas lalo atang umiinit ang kanyang pisngi dahil naalala niyang makakasayaw niya ngayong araw si Eliana. 

Sisiguraduhin niya muna kung papasok ito o hindi bago siya umuwi. Ayaw niya naman kasing iwan ito na walang kapares kaya hangga't nakakatayo pa siya sa sarili niyang mga paa ay susubukan pa rin niyang pumasok sa klase. 

Pansin niya naman ang lalong pagsimangot ni Estevan dahil sa kanyang sinabi at pagmamatigas. Alam niya rin naman na nag-aalala rin ang kaibigan niya para sa kanya pero namana niya talaga ang katigasan ng ulo mula sa kanyang ina. 

"Paano kita maiiwan niyan ngayong araw kung ganyang inaapoy ka ng lagnat?! Tsk. Prinsipe Eryx naman, maawa ka naman sa sarili mo at sa akin dahil kapag bigla ka na lang nawalan ng malay dyan sa daan at nabagok ay tiyak akong lilipad ang ulo ko sa espada ng Emperador." Pamimilit pa ni Estevan sa kanya pero tahimik lamang si Eryx na sumisipsip sa kanyang mainit na tsaa. 

"Ayan kasi sinasabi ko na nga ba at dapat sinamahan na kita kahapon sa Umoewin dahil alam ko naman na hindi ka babalik dito ng wala na namang natatamong sakit sa katawan. Kung bakit ba naman po kasi nagpaulan ka pa at talagang hindi ka pa nagpalit ng damit at hinayaan lang ito matuyo sa iyong katawan. Kapag nalaman ito ni Emperatris Hestia ay tiyak kong parehas tayong mananagot!" Sunod-sunod na sermon ni Estevan sa kaibigan habang nililigpit nito ang ibang gamit ni Eryx na nakakalat sa sahig lalo na ang mga papeles na binasa pa nito kaninang madaling araw bago matulog. 

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon