CHAPTER 14

511K 20.6K 36.9K
                                    


BUONG araw ay tulog lang ang propesor simula nang mainom niya ang mga gamot. Inabot na ng gabi ngunit hindi pa rin siya gumigising. Dahil sa sobrang pag-aalala ay tumawag ulit ako kay Xalvien.

"Fift, normal lang talagang epekto ng benzodiazepine ang makatulog nang matagal," paliwanag ng doktor. "Napatagal din yata kayo sa ilalim ng araw kaya tinaasan ng propesor ang kaniyang dosage."

Humigpit ang kapit ko sa telepono. "Xalvien, hindi pa kumakain ang propesor... Kasalanan ko 'to, eh. Dahil din kasi sa'kin kaya siya nagtagal sa araw."

Narinig ko ang mahinang buga ng pagngiti ni Xalvien sa kabilang linya. "No, Fift. Hindi mo dapat sisihin ang sarili mo. Ang totoo niyan, gusto ko pa ngang magpasalamat sa'yo."

"Bakit naman?" Napanganga na lamang ako sa sunod niyang sinabi.

"Dahil sa'yo, nakayanan ni XV na lumabas... at unti-unti niya na ring nahaharap ang takot niya sa araw," malumanay na pagwawari ng doktor. "You might actually be the cure to the professor's fear, Fifteen."

***

NAGBILIN sa'kin si Xalvien na bibisita raw siya ngayong gabi sa mansyon para ma-check up si XV.

Habang naghihintay sa kaniyang pagdating ay paroo't parito ako sa mansyon. Nakarinig ako bigla ng pagkaliskis sa may pasilyo kaya sinilip ko kung si Xalvien na ba ito.

A guy wearing a blue jumpsuit is standing at the top of a ladder, tinkering with the lighting system of the ceiling.

Siningkit kong maigi ang aking mga mata para maaninag kung sino ito. Biglang bumilis ang pagtibok ng puso ko nang mapagtantong hindi ito si Xalvien—at hindi rin ito ang propesor.

Agad akong tumakbo para maghanap ng magagamit na armas laban sa lalaking nanghimasok sa mansyon. Saktong bumukas ang pangunahing pintuan at nakarating si Xalvien suot ang kaniyang puting amerikanang pang-doktor.

"Xalvien!" mahinang bulong ko. "May magnanakaw na nakapasok sa mansyon. May sandata ka ba riyan o kahit anong puwedeng panakit sa kaniya?"

"Magnanakaw? Pero mahigpit ang security system ng Villa Vouganville—"

Hindi ko na tinapos ang kaniyang sinasabi. Kinuha ko agad ang mahabang payong sa may pintuan at sinamahan ako ni Xalvien pabalik sa pasilyo.

Pababa pa lamang ang lalaki sa dala nitong hagdanan nang hinigpitan ko ang kapit sa payong at sumugod na ako para hampasin ang kaniyang ulo.

"Walang hiya ka! Magnanakaw!"

Ihahampas ko na sana ang payong nang biglang may pumigil sa braso ko mula sa'king likuran. Paglingon ko, nagulat ako dahil si Professor XV pala ito. Gising na siya sa wakas.

"Bakit mo 'ko pinigilan? May magnanakaw!" giit ko sa propesor.

Paglingon ko sa estrangherong lalaki ay nakataas ang dalawa nitong kamay at tila natakot sa'kin.

"H-Hoy, XV! Ito ba ang bago mong assistant?!" hiyaw ng magnanakaw. "Hindi mo 'ko nasabihang mapanakit pala ang babaeng 'to!"

Kumunot agad ang noo ko dahil sa sobrang pagtataka. Narinig kong natatawa sa gilid si Xalvien.

"Fift, hindi 'yan magnanakaw," paliwanag ni XV. "Siya si Xantiel. Isa siyang mechanical, software, at computer engineer. Siya ang nagkabit ng iba't ibang mga mekanismo sa mansyon tulad ng espesyal nitong kisame, pati ang motion-sensor na pintuan. Kahit gago 'yang lalakeng 'yan, matalino rin siya tulad ni Xalvien."

"Hi, miss! Ako nga pala ang gagong si Xantiel," nakangiting sambit ng lalaking naka-jumpsuit sabay lahad ng kaniyang kamay. "Nice to meet you. Kumusta ang buhay bilang tanging empleyado ni XV? Kung sawa ka na sa propesor, naghahanap din ako ng assistant."

Knock, Knock, ProfessorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon