Kabanata CVIII

11.8K 885 1.7K
                                    

Eliana's POV

Halos pigil hininga naman akong pumasok sa silid na binuksan ni Dareios habang siya ang nangunguna sa paglalagay. Hindi pa man ako tuluyang nakapapasok ay dama ko na ang tila ba tira-tirang mga enerhiya sa buong paligid na para bang kahit mukhang matagal na itong hindi nagagamit ay kikilabutan ka pa rin sa lakas ng enerhiya na bumabalot dito lalo na sa mga kagamitan na nasa loob nito.

Habang naglalakad kami papasok ay awtomatiko naman na nagkaroon ng kulay asul na liwanag sa mga nakakabit na lampara sa dingding dahilan para mas lalong makita ang laman ng buong silid na hindi ko naman inaasahan na ganito pala karami ito.

Mula sa dingding ay makikita ang samu't-saring mga larawan at pinta ni Elaine sa lahat ng anggulo at iba't-ibang mga kasuotan. May ilan dito na nakatingin siya marahil habang ang ilan naman ay ipininta ito ng hindi siya nakatingin tulad na lang ng habang nagbabasa, namimitas ng mga bulaklak, nakatingin sa karagatan, at mayroon pa dito ang tila ba natutulog na mukha ni Elaine. Marami na akong mga pinta ang nakita pero tila ba bawat larawan na nandito ay puno ng emosyon na napakasidhi na halos mararamdaman mo rin ang emosyon ng nagpinta sa pamamagitan lang nang pagtingin sa mga larawan.

May isa pa doon na larawan na kasama naman ang totoong batang Eliana na nakakandong kay Elaine. Sinusuotan ng batang Eliana ang kanyang ina ng bulaklak na korona at sobrang ganda ng pagkakapinta nito dahil detalyadong-detalyado ang larawan na ultimo ang ngiti ni Elaine ay nabigyang-diin. Marahan ko pang idinikit ang aking mga daliri sa parte kung saan masaya rin ang batang Eliana at hindi man lang kababakasan ng tila ba malagim niyang kahahantungan.

"Ako ang nagpinta ng mga larawang ito kung sakaling hindi mo na rin naaalala, Eliana, kung bakit napakaraming larawan ang nandito." Biglang pag-amin naman ni Dareios dahilan para kaagad naman ako mapaayos ng tango at mapalingon sa kanya.

Kaya naman pala halos lahat ng larawan ay napakaganda at halatang mabusisi ang pagkakagawa. Ganito ata talaga ang kalalabasan ng isang bagay na ginawa at ipininta sa pagmamahal at tunay na kaligayahan.

Pinanood ko naman si Dareios na maglakad sa isang hilera ng mga kapa na maingat na nakasuot sa tila ba mga batong mannequin. Mahigit labim-pitong mga asul na kapa ang nakalagay dito at halatang iniingatan ito ng mabuti dahil wala man lamang dumi o alikabok ang mga ito kahit pa mukhang matagal nang nakaimbak dito. Sa totoo lang, halos malinis naman ang buong silid at halatang alagang-alaga ang lahat ng gamit na nandito.

"Ang mga kapang ito ay itintahi ng iyong ina sa tuwing paparating na ang kaarawan ko magmula nang kami ay makasal. Kahit isang kaarawan ko ay hindi siya nakalimot magtahi ng kapa na sinisiguro niyang may tema kada taon." Malungkot na saad ni Dareios nang mapansin niya marahil na nakatingin ako sa mga kapang ito.

Akala ko pa naman ay dito niya lang iniimbak ang sandamakmak niya na kapa at araw-araw siya nagpapalit. Pero hindi ko sukat-akalain na iingatan niya ang gawa ni Elaine ng labis. 

Pinagmasdan ko rin siya maglakad tungo sa isang upuan sa tabi kung saan nakalagay ang iba pang mga larawan ni Elaine saka ito marahan at malungkot na tiningnan. Maging ang ilang libro na nandoon na tingin ko ay pagmamay-ari rin ni Elaine ay marahan at maingat niya pang inayos at binuklat. 

"May gusto ka pa bang malaman sa mga bagay na nasa silid na ito, Eliana?" Mahinahon niyang saad habang ibinabalik na niya sa akin ang kanyang tingin. 

Sandali naman akong hindi nakasagot dahil napakarami ko naman kasi talagang katanungan sa kanya. Magmula sa katauhan ko, sa mga masasaya at magagandang alaala ni Eliana sa kanya na para bang ibang tao siya noon, ang tungkol sa pagkatao ni Elaine, ang sa Anthanite. Napakarami kong dapat itanong kay Dareios at ang pagkakataong ito ay marahil ang nag-iisang pagkakataon para maitanong ko sa kanya ang pinakasimpleng katanungan na mag-uugnay na sa lahat ng misteryo. Sana at baka. 

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon