Kabanata CXIII: Ang Kaarawan ng Hari (Huling Bahagi - 2 [Alab])

14.9K 869 2.2K
                                    

Eliana's POV

Sinasabi ko na nga ba at may tinatago itong si Caedmon kaya ganoon na lamang kalaki ang galit niya kay Zephyr. Pero hindi ko maintindihan kung bakit kinakailangan niyang itago pa sa akin ang totoong dahilan kung ang nais niya naman pala ay maiwasan kong mahulog sa kaibigan niya? Sabagay, hindi nga naman ako basta-basta nagpapadaig sa kuwento lamang at tiyak ko na kahit ikuwento niya sa akin ang nakaraan niya ay mas pipiliin ko pa rin husgahan si Zephyr ayon sa pag-uugali na ipinapakita niya sa akin. Pero mukhang hanggang ngayon, kahit ako pa ang dumaan sa buhay niya ay hindi pa rin siya nagbabago. 

Magmula nang makitsismis ako kanina pa dito kay Caedmon at Amaya ay marami rin akong napagtanto lalo pa at wala talaga akong kaalam-alam na ang malaking hidwaan sa pagitan ni Caedmon at Zephyr ay nagmula pa lang sa pag-iibigan nilang dalawa. Hindi na rin naman ako nagtaka na nagkagusto si Caedmon sa ganitong tipo ng babae dahil kung titingnan si Amaya, isa talaga siya sa mga magagandang babae na nakilala ko sa emperyo dagdag pa na may ibubuga rin ang tapang at ang prinsipyo niya.

Pero hindi ko sukat-akalain na hindi masyadong matalas ang isipan ni Amaya pagdating sa pagdedesisyon bagay na pilit ko pa rin iintindihin dahil una, dapat lamang ikonsidera ang katayuan ng mga kababaihan sa emperyong ito. Limitado ang kanyang galaw at ang kanyang mga pagpipilian at kaya siguro naisipan na lang niyang traydurin ang kapatid ni Eliana ay dahil iyon na lang ang nakikita niyang paraan para maligtas si Caedmon at ang mga katribo. Mukhang iba rin ang naidulot ng hiwalayan nilang dalawa kay Caedmon ayon pa lang sa inaakto ng batong ito. Patay na patay siguro 'to kay Amaya.

At dahil dito, hindi ko na rin naman masyado poproblemahin pa ang buhay pag-ibig ni Caedmon noon dahil tapos naman na ito. Medyo nagulat lang ako na ang naging nobya niya pala dati ay ang kapatid mismo ni Aera na mukhang hindi rin alam ng gagang iyon na ang kapatid niya ay nagkaroon na mismo ng relasyon sa lalaking hinahangaan niya. Pero mukhang wala naman nang kaso kay Aera iyon dahil paghanga lang naman sa mukha ni Caedmon ang nararamdaman niya panigurado. 

At isa pa, ngayong naririnig ko na ang mga pinagsasabi ni Amaya tungkol sa dahilan ng paghihiwalayan nila, mukhang napaghahalataan ko na kung ano ngayon ang dahilan ng mga kamalian na napapansin ko nitong mga nakaraang araw kay Zephyr at sa kanyang pamilya. Hindi ko rin sukat akalain na ang mismong nasa likod ng pag-uugali ngayon ni Zephyrus at maging ang dahilan sa hiwalayang Caedmon-Amaya ay ang hayop na iyon. Kailangan ko na makausap si Zephyrus sa lalong madaling panahon dahil pakiramdam ko talaga may hindi na magandang nangyayari sa kanya at sa pamilya niya. 

"Hindi mo ba kakausapin ang babaeng iyon?" Pabulong na tanong naman sa akin ni Daewon nang hayaan ko lamang si Sereia na maglakad paalis at hindi na talaga ako nagtangka pang kausapin siya. 

Bakit pa? Hindi naman ako tanga para hindi maramdaman na kanina pa nagpipigil si Sereia maging emosyonal sa tabi ko para lang hindi namin makita ang tunay niyang nararamdaman. Pero hindi naman ako manhid para hindi mapag-alaman na may lihim siyang nararamdaman kay Caedmon noon pa man. Magaling lang talaga magtago si Sereia, magaling din umiwas at tumanggi kaya hindi na ako nagbalak pang ungkatin ang kung ano man namamagitan sa kanila ni Caedmon dahil mukhang lalabas din naman ito balang araw.

"Hindi. Tara na. Magpapalit pa ako." Tamad na saad ko at tumayo na ako mula sa aming pagkakatago sa likod ng pader at pinagpagan ang aking damit na halos tuyo na rin dahil kanina pa kami nakatambay dito. 

Napakarami ko na naman palang iisipin pagkatapos ng kaganapang ito kahit na nakitsismis lang naman ako pero ang pinakadapat kong unahin ay ang kausapin muna si Zephyr sa lalong madaling panahon. At isa pa, baka puwedeng bigyan na rin naman ng pribadong usapan ang dalawang 'to dahil nagkakapersonalan na rin sila masyado na may pahalik-halik pa nga. Nasasagad na ang pagiging tsismis ko na impluwensya rin ni Aera.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon