CHAPTER 32

409K 20.5K 24.5K
                                    


LIMANG buwan na ang lumipas simula noong huli akong tumapak sa Villa Vouganville.

Limang buwan na ang lumipas, ngunit napakalinaw pa rin sa'king alaala kung paano tumutunog ang mga mekanikal na orasan ng mansyon tuwing alas siyete ng umaga. Ang pakiramdam ng pagtapak ng aking mga paa sa malamig na sahig nitong gawa sa marmol. Kung gaano katahimik ang bawat sulok ng mansyon, na sa isang pagsigaw lamang ay humuhugong na sa buong pasilyo ang boses mo.

Tandang-tanda pa ng mga paa ko ang direksyong nakasanayan nitong puntahan. Sa unang palapag, pagliko sa kaliwa mula sa hagdanan, pangatlong silid mula sa dulo. Doon ay may malaking pintuang gawa sa mamahaling Narra. Kapag nakikita ko ang pintong iyon ay awtomatikong umaangat ang aking kamao para kumatok nang tatlong beses.

"Knock, knock, professor!" magiliw kong pagbati.

Ngunit ang mga alaalang iyon ay nahalinhan ng imahe ng kasalukuyan—nakaupo ako sa tapat ng aking kuya at ang kaniyang bagong asawa.

"Fift, nakatulala ka na naman. Lalamig ang pagkain mo," pagpapaalala ng kapatid ko sa'kin. "Baka gutom na si baby mo."

Sa'king harapan ay isang plato na may lamang kanin, isda, at isang mangkok ng gulay na hinanda ni Ate Wenny para sa'ming tanghalian.

Silang dalawa ng kuya ko ang kasama ko ngayon sa bahay. Ang kinakasama niyang nars ang naging personal nurse ko na rin sa'king pagbubuntis. Dahil malaki ang kanilang utang na loob sa akin, libre na raw ang kaniyang serbisyo. Nakakabawi naman sila sa kanilang kasalanan noon dahil maalaga't maasikaso naman si Ate Wenny sa'kin.

Marahan kong hinaplos ang aking tiyan na mayroon nang senyales ng buhay. Limang buwan na akong buntis at may baby bump na rin. Tuwing tinitingnan ko ito ay napapangiti ako.

"You're right. Sige, kakain na tayo baby," malambing kong bulong.

"Bibisita nga pala mamaya ang kaibigan mong doktor," paalala ni Ate Wenny. "May extra akong niluto kung sakaling gusto niyang kumain."

Buwan-buwan ay binibisita ako ni Xalvien para mabantayan ang aking kalagayan. Importante rin daw kasi sa buntis ang mental health kaya sinisigurado niyang maayos ang aking kundisyon.

Pagkatapos kumain ay nagbihis na ako ng disenteng damit para sa pagdalaw ni Xalvien. Natagpuan ng mga daliri ko ang butones na nakasabit na ngayon sa isang simpleng kuwintas. Ito ang dati naming communication device na ngayon ay palamuti na lamang. Lagi ko itong sinusuot sa'king leeg at hinahawakan sa pagtulog gabi-gabi.

"Fift, narito na si Xalvien!" pagtawag ng kuya ko.

"Sige, kuya! Pakisabi ay bababa na!"

Itinago ko ang kuwintas sa ilalim ng aking blusa at inayos ang pagkakalugay ng buhok ko para lalong matakpan ito. Nang matapos nang mag-ayos ay bumaba na ako para salubungin ang bisita.

***

"DON'T worry, Fift. May kasama ang propesor sa Villa Vouganville para alagaan siya," wika ni Xalvien nang mapansin ang lagi kong pagtitig sa kawalan. "She's taking good care of him."

"A-Ano? She?" Napakurap ako nang mga tatlong beses dahil sa'king nakakawindang na narinig. "May babaeng kasama ang propesor?"

Napahawak agad ako sa pagitan ng aking dibdib para kapain ang nakatagong kuwintas.

Nakita kong gumuhit ng pilyong ngiti ang mga labi ng doktor. "Huwag kang magselos sa isang pusa, Fift. Nakalimutan mo yatang naiwan sa mansyon si Vivi."

"Si Vivi!" Napatayo ako bigla mula sa'king upuan. "K-Kasama siya ng propesor?! Akala ko ay inampon niyo siya ni Xantiel!"

Sumandal si Xalvien sa pang-isahang sofa at dumekwatro ng upo. "It's good for the professor's mental health. Taking care of pets is actually therapeutic. It can help reduce cortisol, which is a stress-related hormone. Vivi can provide the professor with the social support he needs."

Knock, Knock, ProfessorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon