1

5.7K 160 7
                                    


MULA sa mataas na bahagi ng burol ay sinisipat nang husto ni Serena ang lalaking nasa ibaba at nagmamando sa apat pang lalaking nagkukumpuni ng sirang bakod na naghahati sa dalawang lupain.

"May bago bang kapatas ang katabing rancho, Tiya Adel?" tanong niya sa matandang nangunguha ng pakô sa gilid ng bundok. "Ngayon ko lang siya nakita rito sa atin."

Itinuwid ng matandang babae ang katawan, inilagay sa basket ang mga naaning pakô. "Sino ba ang sinasabi mong kapatas?"

Inginuso niya ang mga nasa ibaba ng burol. "Iyon hong nakapamaywang." Bagaman hindi gaanong malinaw sa paningin niya ang mukha ng lalaki dahil mataas ang burol na kinaroroonan nila ay nakikita niyang mataas ito. Higit na mataas kaysa sa mga taong kasama nito.

He was also naked from the waist up, with muscular body. The way he stood made him distinct from the rest of the men. Para sa isang kapatas lang ay makatawag-pansin ang lalaki.

Hinawi ni Tiya Adel ang sanga ng punong-kawayan at sinipat sa ibaba ang sinasabi niya. Kumunot ang noo nito sa pagsisikap na kilalanin ang itinuturo niya.

"Kung hindi ako nagkakamali ay iyan ang apo ni Eleanor," wika nito. "Isa sa kambal. Hindi ko nga lang matiyak kung ang bunso o ang panganay." Muling binitiwan ni Tiya Adel ang sanga ng punong-kawayan.

Nagsalubong ang mga kilay ni Serena. Sa pagitan ng mga sanga at dahon ng kawayan ay muli niyang itinuon ang pansin sa ibaba.

"Eleanor? Kambal? Sinong Eleanor ang sinasabi ninyo?"

"Tagarito ang pamilya ni Eleanor, Serena. Taga-Ilaya. Mga apo niya ang kambal. Hindi mo nga pala nabalitaang ipinagbili na ni Mrs. del Castro ang lupain nila sa mga Atienza nang mamatay ang asawa niya. Hindi ka naman kasi naglalagi rito sa Manzanares," sagot nito habang patuloy sa pamimitas ng talbos ng pakô.

Serena was thoughtful. "Tiya Adel, hindi ba at malawak ang lupain ng mga del Castro? Higit na malawak kaysa sa atin?"

"Totoo iyon," sagot ng matanda. "At kaya lang naman lumawak ang lupain ng mga del Castro kaysa sa lupain natin ay dahil naipagbili sa kanila ng papa mo ang dalawampung ektaryang lupain ninyo."

Ang sinabi nito ay nagdulot ng pait sa dibdib niya. Pero agad niyang pinalis ang nararamdaman. Anuman ang gawin niya ay hindi na mababalik sa kanila ang kanilang lupain.

"At lahat ng dating lupain ng mga del Castro ay pag-aari na ngayon ng—" Sandali nitong inisip ang pangalang binanggit ng mayordoma "—ng mga Atienza?"

"Ganoon na nga. Ang babaeng del Castro ay sa ibang bansa na namirmihan, sa anak niya roon." Sinuri ni Tiya Adel ang mga pakông napitas. "Tama na itong ensalada," wika nito, mas sa sarili ang sinasabi.

"Kung nabili ng mga ito ang ekta-ektaryang lupain ng mga del Castro, kasama na ang dati nating lupa, di tiyak na milyonarya ang Eleanor na ito, Tiya Adel."

"Kung si Eleanor mismo ang tinutukoy mo ay hindi siya masalapi, Serena, kundi ang manugang niya. Ang isang anak niyang babae ay nakapag-asawa ng may-sinasabi. Ang manugang niya ang bumili ng mga karatig-lupain."

"Hmm..." Nakuha nang husto ang interes niya. Pagkatapos ay muli niyang hinayon ng tingin ang ibaba ng burol, naroroon pa rin ang mataas at matipunong lalaki.

Sa pagkakataong iyon ay natanaw niyang tinutulungan nito ang tatlong tauhang itayo ang poste na pagkakapitan ng barbed wire. Kumislap ang pawis nito sa likod mula sa panghapong sikat ng araw. She could almost see his back muscles flexed.

"Ano ang negosyo ng mga Atienza, Tiya Adel? Ang buong pamilya ba'y nakatira sa dating bahay ng mga del Castro?"

"Aba, hindi. Pinatayuan ng bagong bahay si Eleanor ng manugang niya. Nanatiling katiwala ng mga Atienza ang nakatira sa bahay ng mga del Castro. At sa pagkakakuwento ni Eleanor sa akin ay isang kilalang negosyante ang manugang niya. Sa lupa at bahay yata ang negosyo nito at hindi ko masyadong naintindihan 'yong isa pang sinabi—"

"Yes!" bulalas ni Serena na pumutol sa sinasabi ni Tiya Adel. Gumitaw sa isip ang malaking logo ng AtienzaCo sa naglalakihang cargo vans. "AtienzaCo, Tiya Adel! Isang freight company at sa ilalim din ng kompanyang iyon ang malaki at kilalang real estate developer sa buong Pilipinas!"

"Ah, iyon nga yata ang sinabi ni Eleanor."

"And there's also the AtienzaTech. Supplier ng mga computer, computer parts at accessories. Katunayan, ang opisinang pinagtatrabahuhan ko'y sa AtienzaTech kinuha ang lahat ng computers. Hindi gaanong malaki ang AtienzaTech kung ikokompara sa dalawang nauna, gayunma'y nagsisimulang magkapangalan. Isa sa mga kalaban ng Intel..."

"O, eh, di masalapi nga," matabang na sagot ni Tiya Adel. "Kung hindi ba nama'y mabibili ba ang di-birong lupain ng mga del Castro na lalong lumaki nang madagdag ang lupain ng papa mo."

Excited na humarap siya sa tiyahin. "Tiya Adel, binata ba ang apong iyan ni Eleanor?" she asked with obvious interest.

Nilinga ni Tiya Adel ang paligid bago atubiling ibinalik ang pansin sa kanya. "Kailan ka pa nagkainteres sa mga kapitbahay nating lalaki, Serena?'


******Kuwentuhan n'yo naman ako mga beshie dami ko ng namiss na mga kwento galing sa inyo eh hahaha char. :) - Admin A **************

Kristine Series 25 - Have You Looked Into My Heart?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon