CHAPTER 6

15K 707 134
                                    

Date

NAHIHIYA akong lumabas ng kuwarto. Hindi mawaglit sa isip ko ang mga titig sa akin kanina ni Puppy Gaston. Tiyak na sobrang pangit ko sa paningin niya ngayon. Nakaligo na ako at nakapagpalit ng damit pero pakiramdam ko ay may nakadikit pa ring putik sa pagmumukha ko. Kasalanan talaga ng kaskaserong driver na 'yon!

Hindi ko talaga inaasahang makikita ko siya rito sa mismong bahay namin. Ang kuwento ni Timothy kahapon ay nasa Maynila ang kuya niya dahil may inaasikaso tungkol sa negosyo nila. Pero bakit bigla na lang siya sumulpot dito? Pagkagaling ba niya ng Maynila ay dumiretso siya kaagad dito?

Hindi kaya gusto niya akong makita?

Feelingera! May Shelley na siya!

Napangiwi ako nang maalalang hindi na pala siya single. Nag-a-assume na naman ako nang wala sa lugar. Ang sabi ko kahapon kalilimutan ko na ang kahibangan ko pero bakit isang kita ko lang sa kanya ay bumabalik na naman ang paghanga ko sa kanya? Tingin ko nga ay mas tumindi pa.

Sige na nga. Last na talaga 'to. Next month na lang ulit ako magmo-move on.

"Kung alam ko lang na papasyal ka rin dito, nakapagluto sana ako ng mas masarap na pagkain. Nagulat kami sa pagdating mo, Señorito. Ang sabi kasi ng kapatid mo nasa Maynila ka pa," rinig kong untag ni Nanay. Nag-uusap kasi sila sa sala kasama si Tatay.

Nanakbo kasi ako kanina sa banyo para maligo. Sa sobrang hiya ko nga ay hindi ko man lang nabati si Puppy Gaston.

"No worries, Manang. Dumaan lang talaga ako rito. Hindi rin ako magtatagal. Uuwi pa ako ng Negros para tingnan ang kalagayan nila. I'll be going back to Manila next week," sagot ni Puppy.

Pati ang boses niya ay parang nagbago. Parang mas naging baritono ito. Ang manly at napakalalim pakinggan. Lalo tuloy akong nai-insecure.

"Sana nga hindi ka na nag-abalang magdala ng mga pasalubong. Marami nang naibigay kahapon si Señorito Timothy."

"Iba naman 'yong galing sa akin, Manang," ani Payatot.

"Kahit na, Señorito. Isa pa ay nakakahiya kasi binigyan n'yo pa ng cellphone si Divina. Baka mai-spoil ang batang 'yan," dinig kong sabat naman ni Tatay.

"You gave her a phone?" si Puppy Gaston.

Hindi sumagot si Timothy. Dahil nakatago ako sa likod ng pinto ng kuwarto ay hindi ko nakikita ang reaksyon niya sa tanong ng kanyang kuya.

Sumilip ako saglit, pero kaagad ko ring isinara ang pinto nang magtagpo ang mga mata namin ni Puppy.

Oh, banal na pinto ng kuwarto ko! Nakatingin pala siya rito!

Napatakip ako ng mukha. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko.

"Divina, lumabas ka nga diyan at batiin mo naman ang mga bisita natin. Kanina ka pa diyan, ah. Bakit ang tagal mo?" untag ni Nanay.

Lalo akong kinabahan. Kanina pa naman talaga ako tapos magpalit. Hindi ko lang alam kung paano haharapin ang crush ko pagkatapos ng kahihiyan ko kanina. Si Nanay talaga, hindi makaintindi. Parang hindi niya naranasang magnakaw tingin noon kay Tatay, ah.

"Divina!"

"Andiyan na po."

Nakayukong lumabas ako ng kuwarto. Pero pakiramdam ko ay nasa akin lahat ng mga mata, lalo na kay Puppy.

"Ano ba'ng nangyari sa 'yo kanina? Hindi ka ba tumitingin sa dinadaanan mo? Magdidisi-otso ka na ngayong taon pero lampa ka pa rin," ani pa ni Nanay. At talagang ngayon pa niya ako naisip sermonan, gayong sa harap kami ng naguguwapuhang mga nilalang.

Against the WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon